Kabanata Trenta y Cinco: Pagbabakasakali o Magbabakasakali

13 2 7
                                    

Sa Maliit na Hardin ng Tahanan ni Corazon
Gapan 1899

Corazon's Point of View

Malamig ang simoy ng hangin nang umagang iyon. Tila nanunuot sa aking mga kalamnan at niyayakap ako nang mahigpit mula sa likuran. Waring ipinaalala nito sa akin ang sakit at pighati sa aking puso.

Mahigit isang linggo na mula nang huli kitang makita, Isagani. Nananabik rin akong masilayang muli ang mukha ng aking tukayong si Mariposa Corazon. Kailan ko kaya muli kayong magigisnan?

Makailang ulit akong nagpakawala ng malalalim na buntong-hininga. Walang ibang laman ang aking isipan kung hindi ang lalaking inakala ko ay nagtaksil. Bagamat ang kaniyang liham ay isang alaalang kaniyang iniwan sa akin, hindi ko pa rin malimot-limot ang mga katagang kaniyang binitiwan sa liham na iyon.

Ipinapanalangin kong ikaw ay nasa mabuting kalagayan, Isagani. Alam mo bang malapit nang matakasan ng bait ang iyong mapapangasawa rito? Kung nalalaman mo lamang ang lahat, alam kong mas pipiliin mo pa ring wakasan na lamang ang iyong buhay kaysa ang maitali sa isang babaeng hindi mo naman minahal.

Ang mga salitang iyon ay bulong na lamang kung aking pakawalan sa hangin. Gustuhin ko mang baguhin ang kapalarang sinapit ni Isagani ay wala na rin akong magagawa. Wala rin naman akong kapangyarihan upang ipagtanggol siya. Wala rin naman akong sapat na salapi para tubusin siya sa ama ng babaeng kaniya sanang pakakasalan.

Mas mainam na rin na malamang wala siya sa panahong ito... sa ngayon. Na isang malaking palaisipan kung saan nga ba talaga siya nagtungo pagkatapos ng ginawa nitong pagpapatiwakal at kung ano ang kinalaman ni Mariposa sa kaniyang pagbabalik.

"Naririto ka lang pala," isang boses ang aking narinig. Hindi ito tinig ng aking nakababatang kapatid na si Trining.

Nagpakawala muna ako ng malalalim na buntong-hininga bago tumayo. At nang aking lingunin kung sino ang nagmamay-ari ng tinig na iyon ay labis akong nagulat. Ikinadismaya ko agad iyon na naging dahilan upang aking kunin ang nakasabit na abaniko't nagpaypay nang napakabilis.

"Hindi mo naman ipinapahiwatig sa akin ang iyong pagka-disgusto sa paraan ng iyong pagpapaypay, Corazon?"

Nakikita ko ang mga guhit sa noo nitong hindi ko mawari kung galit ba o naiinis sa kadahilanang nakangiti pa rin ito sa aking harapan. Ang kaniyang mga kamay ay nakalagay sa likuran. Napansin ko lamang.

"Ano ang iyong nais, Simeon?" pang-uusisa ko sa kaniya. Naglalakad ito patungo sa akin at umupo sa mahabang silya kung saan ako kanina nakaupo.

"Maaari mo ba akong tabihan dito, Corazon?" mula sa puso ang mga salitang sinambit ni Simeon nang mga sandaling iyon.

Lumingon-lingon pa ako sa paligid upang tingnan kung mayroong nakatingin sa aming ibang tao. Nang wala akong makita ay dahan-dahan akong umupo sa kung saan ako nakaupo kani-kanina lamang.

"Hindi mo ba nalalamang mali ang tumabi sa isang dalagang hindi pa naman kayo magkasintahang dalawa?" pagpapaalala ko agad sa kaniya.

"Gusto mo bang maging magkasintahan muna tayo bago mo ako kausapin, Corazon?" tanong rin ang naging kasagutan niya.

Nagpaypay na lamang ako nang malakas upang ipaalam sa kaniya na hindi ko nagustuhan ang kaniyang biro.

"Ano nga ba ang iyong pakay at bakit napaaga yata ang iyong panliligaw?"

"At paano ka nakasisigurong nanliligaw ako ngayon sa iyo?" pagbibiro niya nang nakangiti sa akin.

"Nais kong mapag-isa at hindi ko gustong inaabala ako, Simeon. Kung panliligaw man o hindi ang dahilan ng iyong pagparito, pasasalamatan pa kita kung bibilisan mo ang pagsagot sa aking katanungan," may bahid ng inis ang aking pagtatanong at pagsasalita. Nilalakasan ko pa ang pagpapaypay ko sa harapan niya.

"Bueno. Yaman din lamang na hindi ka interesadong makinig, tutumbukin na kita, Corazon." Humarap ito sa akin habang ako naman ay nakatakip pa rin sa aking pisngi ang aking abaniko. Tanging mga mata ko lamang ang nakikita niya.

"Ang nais ko lamang ay ipagbigay-alam sa iyo na hindi pa rin nagbabago ang aking sadyang ituloy pa rin ang aking panliligaw sa iyo. Kahit na mahigit isang linggo na buhat nang bumisita ako sa iyong tahanan at makilala ang iyong mga bisita, hindi pa rin mawaglit sa akin ang iyong kasagutan," pagpapatuloy niya.

"Simeon," iyon lamang ang lumabas na salita sa aking bibig.

"Nalalaman ko, Corazon. Wala akong ibang intensyon kung hindi ang pasayahin ka. Ang samahan ka sa iyong mga danas sa puso. Ang maging katabi mo sa bawat pag-iisa mo. Ang makasama ka habambuhay ang siyang tanging dalangin ko. Hiling ko lang sana ay bigyan mo ako ng kahit kaunting pagkakataong ipadama ko sa iyo kung gaano ako katapat sa aking hangaring ligawan ka," muli niyang pagkukumpisal.

Inaasahan ko na iyon pero hindi ang mga katagang nagbigay ng kaunting kirot sa aking puso.

"Simeon," muli kong tinawag ang kaniyang pangalan.

"Hindi mo kailangang sagutin ngayon ang aking mga naibulalas, Corazon. Nagbakasakali lamang ako. Mas nakasisiguro kasi ako sa aking damdamin kung personal kong isisiwalat ang mga ito sa iyo. Nawa ay balangkasin at banghayin mo ito sa iyong puso at isipan. Maghihintay ako sa iyong kasagutan. Hanggang sa huli kong pagbisita sa iyo, Corazon. Paalam."

Sinundan ko lamang ng tingin si Simeon. Nang tumayo ito ay hindi na ito lumingon pa sa akin. Hindi na muli pa itong nagpaalam. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kaniya hanggang sa mawala ito sa aking paningin. Nakahinga ako nang maluwag at tiniklop na lamang ang aking abaniko't muling pinagmasdan ang lawak ng aming palayan.

Kung pagbibigyan ko ba ang kahilingan ni Simeon ay makakalimutan ko na ba si Isagani? Magbabakasakali rin ba akong maibabalik ko pa ang tamis ng aming naudlot na pag-iibigan? Kung bubuwagin ko ba ang padir na namamagitan sa aking puso at kay Isagani, patutuluyin ko na ba si Simeon?

Makailang ulit akong nagpakawala na naman ng malalalim na paghinga sa hangin nang mga sandaling iyon. Tumingala pa ako sa mga ulap na aking nakikita sa kalangitan nang hindi namamalayan ang mga butil ng luhang umaagos mula sa aking pisngi. Nagpakawala na lamang ako ng mga salitang hindi ko dapat isinisiwalat sa araw na iyon.

Kung ito man ang magiging kabayaran ng aking panunuligsa sa damdamin ni Isagani nang hindi inaalam ang tunay na kadahilanan, buong puso kong tinatanggap ito, Panginoon. Gabayan sana ninyo ako sa aking magiging desisyong bigyan ng pagkakataon si Simeon.

Remember Me From 1899Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon