Chapter 2

14 1 0
                                    

NAGING ABALA ang buong grupo nina Issa, syempre siya nasa opisina lang. Sinigurado niyang panandaliang in-stop ang lahat ng hidden camera na nandoon bago isinagawa ang plano. Agad siyang nagtungo sa opisina ng kanilang chief at binuksan ang laptop nito. May password siyang nakita ngunit hindi iyon naging mahirap para sa kanya. Limang minuto lang ay nabuksan na niya ang laptop. May gusto lang siyang makuhang impormasyon. Sa loob ng apat na taon niyang pagiging agent, bigo siyang makuha ang impormasyong nais.

ACCESS DENIED...

Nabasa ng dalaga. “Shit!” naibulalas pa niya, bigla siyang tumayo at nagsimulang maghanap sa files na nandoon. Napahinga siya ng malalim. Ilang beses na ba niyang pinasok ang opisina ng kanilang Chief? Ilang beses na niyang pinaulit-ulit na buksan ang laptop nito at halungkatin ang mga files ngunit bigo pa din siya.

“Tiyak mayroong files noon sa mga pulis.” anas pa niya. Pero hindi niya pwedeng ireveal ang tunay na katauhan. Hindi pa ngayon, hindi pa ito ang tamang panahon. Ngunit hinding-hindi niya malilimutan ang nangyari sampung taon na ang nakakaraan.

••••••

Graduating na sa high school noon si Issa, nagkayayaan silang magkakaibigan na mag-happy-happy. Gabi na ng umuwi siya sa kanilang bahay. Nagtaka pa siya noon ng may makitang dalawang kotseng nakaparada sa tapat ng kanilang bahay. Lumakad siya palapit ngunit nanlaki ang kanyang mga mata ng marinig ang sigaw ng kanyang ina.

“Umalis kana! Umalis na kayo! Wala dito ang taong hinahanap ninyo!”

Imbis na sa gate pumasok si Issa, doon siya pumasok sa sikretong daan na kanyang ginawa. Siya lang ang nakakaalam noon dahil ginagamit niya ang daang iyon upang tumakas tuwing gabi at makipagkita sa kanyang mga kaibigan.

Pagapang ang ginawang kilos ni Issa, hanggang sa nakapasok na siya sa kusina ng kanilang bahay. Maingat pa ang kanyang naging kilos ng tunguhin ang sala.

“Ilabas mo na ang batang iyon! Kailangan ko siya!” wika ng lalaking nakatalikod, hindi niya makita ang mukha nito.

“Bakit? Anong balak mong gawin sa kanya? Umalis kana!” sigaw ng kanyang nanay.

Isang sampal ang ibinigay ng lalaki sa kanyang ina. Lalabas sana siya ngunit nakita na pala siya ng kanyang nanay, sinenyasan siyang huwag kumilos sa pinagtataguan. Mariing nakagat ni Issa ang sariling labi, napayuko siya at sinunod ang isinenyas ng ina.

“Gusto mong malaman kung ano ang gagawin ko sa kanya? Papatayin ko siya kasama mo! Dahil balakid kayo sa plano ko!” madiing wika ng lalaki.

“Hayop ka! Pabayaan mo na kami!” muling sigaw ng nanay ni Issa.

Hindi nagsalita ang lalaki, sinenyasan nito ang sariling tauhan. Nakita ni Issa ng kunin ng tauhan ang baril at itutok sa kanyang ina. Umawang ang bibig ni Issa, nais niyang sumigaw ngunit nabasa niya sa mga mata ng ina ang panganib oras na lumabas siya. Napapikit ng mariin ang dalagita. Maya-maya pa, isang mahinang tunog lang ang kanyang narinig. Naramdaman niyang umalis na ang dalawang tauhan at ang pinaka boss. Pagmulat ng mga mata ni Issa, ang nakahandusay na ina, na naglalangoy sa sarili nitong dugo ang kanyang nakita.

“I-inay! Inay!” na isigaw niya sabay lapit dito. “Inay! Inay kooo!”

Bahagyang nagmulat ang mga mata ng kanyang ina. Dahan-dahan nitong itinaas ang duguang kamay at ihinaplos sa kanyang pisngi. “M-magtago k-ka. M-mapanganib s-siyang t-tao. P-patawad, a-anak.” huling salita ng kanyang ina bago ito binawian ng buhay.

“Inay! Inayyyy! Tulong! Tulungan ninyo kamiii!” malakas na sigaw ni Issa.

May ilang kapitbahay ang nakarinig sa sigaw na iyon ng dalagita. Tinulungan sila at dinala sa ospital ang kanyang ina. Siya, dinala sa pulisya upang kunan ng statement. Ikinuwento lahat ng dalagita ang narinig at nakita. Matapos maibigay ang kanyang statement, may dalawang lalaking kumuha sa kanya at sinabing dadalhin siya sa isang safe house. Ngunit sa isang abandonadong lugar siya dinala ng dalawang lalaki at walang sabi-sabing binaril siya ng mga ito. Dalawang bala ang tumama sa kanyang katawan.

Girl On FireWhere stories live. Discover now