Chapter 10

8 1 0
                                    

KINABUKASAN...

Inalis na ni Issa, ang benda sa kanyang braso. Ayaw niyang makasagabal iyon sa kanyang trabaho. May bahagya pang sakit siyang nararamdaman ngunit kaya niyang paglabanan. Simpleng sugat lang iyon kumpara sa tinamo noon sa training. Malayo sa bituka, siya pa, hindi makaya ang ganoon.

“Issa, bakit pumasok ka agad sa trabaho? Dapat ay nagpahinga ka kahit isang araw pa.” ani Enoch, pagkapasok niya sa mansyon ay ang dalaga agad ang kanyang nakita. Wala na din ang benda nito na lalong ikinainis niya.

“Okay lang ako, don't worry. Salamat nga pala.”

“Hindi ka ba talaga marunong makinig? Bakit ba napakatigas ng ulo mo?” may bahid ng galit ang pagkakasabi noon ni Enoch, bahagya pa niyang hinawakan ang braso ng dalaga.

“Mind your own business. Salamat, pero hanggang dun lang sana ang maging papel mo. In the future, iwasan mo na din ang tulungan ako para hindi ako makadagdag sa dalahin mo.” puno ng kalamigang wika ni Issa, binawi niya ang sariling braso at tuluyang lumayo sa binata.

Iiling-iling na nasundan na lang ng tingin ni Enoch ang papalayong dalaga. Wala naman talaga siyang pakialam dito, pero bakit hindi niya maiwasan ang sariling mag-alala para sa dalaga? Hindi niya ugali ang makialam sa buhay ng iba, pero bakit hindi niya maiwasang hindi makialam sa buhay ni Issa? Maging siya ay naguguluhan na din sa sarili. Minabuti niyang magtungo sa kanyang pwesto at abalahin ang isip sa trabaho.


NAGKAROON NG panibagong meeting ang SUGO Partylist. Kung noon ay pinipilit ng lahat na si Congressman Alguien ang tumakbong presidente sa grupo, ngayon ay hindi na.

“Mas mabuting sundin natin ang naunang plano. Si Senator Madrigal ang tatakbong presidente para sa ating grupo.” wika ng isa.

“Tama. Maguguluhan lang ang mga tao kung magpapabago-bago tayo ng desisyon.” segunda pa ng isa.

“So, ituloy na natin ang kampanya para sa ating grupo.” wika pa ng isa.

Tahimik lang na nakikinig si Congressman Alguien, mukhang may ideya na ito sa nangyari kung bakit biglang nagbago ang isipan ng kanilang mga kasamahan. Ngunit hindi siya nagsalita laban sa desisyon ng lahat, nanatili siyang tahimik habang gumagana ang sariling isipan.

Lihim na napangiti si Senator Madrigal, dahil sa kanyang naging hakbang, muling bumalik ang pabor sa kanya. Maliban kay Congressman Alguien, ang lahat ng kanyang mga kasamahan ay pinadalhan niya ng isang bomba. 'Bomba' dahil ang lahat ng baho at mga katiwaliang ginawa ng mga ito ay kanyang nakalap at tinakot na oras na hindi siya suportahan bilang presidente ay ilalabas niya ang lihim ng bawat isa. Dahil pare-parehong 'guilty', agad na nagbago ang isipan ng mga ito at muling pumanig sa senador.

Ganyan kung maglaro si Senator Madrigal. Wala siyang pinapalampas na pagkakataon, sisiguraduhin niyang ang lahat ay papabor sa kanyang panig. Lihim niyang pinag-aralan ang reaksyon ni Congressman Alguien, ngunit wala siyang mababakas na anuman sa mukha nito. “Huwag mong tangkain na kalabanin ako, baka pati baho mo ay kaladkarin ko!” ang salitang naglalaro sa isipan niya.

Natapos ang meeting at napagdesisyunan na ang naunang plano ang kanilang isasakatuparan.

“Wala ka bang sasabihin sa akin?” naitanong ni Senator Madrigal kay Congressman Alguien. Nakasakay na sila noon sa elevator, paalis sa lugar na iyon.

“Wala, dahil napaghinuha ko na masusi mong pinagplanuhan ang lahat.” sagot ng congressman.

“Bakit? Nais mo din ba akong kalabanin?”

“Hindi ko kinakatalo ang sarili kong ka-miyembro. Pero, hindi din ako basta tatahimik at mananatiling taga-pakinig.” wari ba ay isang babala ang sinabing iyon ng congressman.

Girl On FireWhere stories live. Discover now