Chapter 15

7 1 0
                                    

“CONGRESSMAN, okay lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong ni Dave. Inutusan nito ang lahat ng tauhan na halughugin ang buong paligid at hanapin ang taong nagtangkang patayin ang kanilang boss.

“O-okay lang ako.” mahinang sagot ng ginoo, napadako ang tingin nito sa anak na walang kakurap-kurap.

“Natitiyak kong inutusan ang taong iyon ng ating mga kalaban. Paanong nakaligtas ito sa lahat ng cctv camera na nasa paligid? Nakilala mo ba kung sino ang taong iyon, Enoch?” tanong ni Dave sa binata.

“Ho?” tila wala sa sariling reaksyon ng binata.

“Hindi, may takip ang mukha ng taong iyon at tanging mata lang ang nakita namin.” ang congressman ang sumagot. Batid niyang nakilala ng anak ang salarin. Ano man ang dahilan nito para itago ang tunay na katauhan ng taong nagtangka siyang patayin, handa siyang maghintay upang ito mismo ang magpaliwanag sa kanya.

Napatingin si Enoch sa kanyang ama, ang titigan nila ay nagpahiwag ng kanilang pagkakaintindihan.

“Ganu'n ba. Huwag po kayong mag-alala, congressman. Hindi ako titigil hangga't hindi ko nahuhuli ang taong iyon!” may diin sa tinig ni Dave.

Hindi na nagsalita ang mag-ama. May pagkabahalang naramdaman ang binata. Maraming katanungan ang nabuo sa kantang isipan. Higit sa lahat, pagkadismaya ang pumupuno sa kanyang puso.


KINABUKASAN...

Muling nagbalik sa mansyon si Enoch. Hinahanap ng kanyang paningin si Issa, ngunit bigo siyang makita ito. “Ano pa nga ba ang mukhang maihaharap niya sa akin?” tanong na nasa kanyang isipan.

“Enoch, may balita kana ba kay Issa? Hindi ko siya makontak.” bungad ni Dave.

“Wala din ho.”

“May sakit kaya siya? Sa pagkakakilala ko sa kanya, hindi siya basta magle-leave sa trabaho ng walang dahilan.” wika pa ni Dave.

Hindi na nagsalita pa si Enoch, nanatili itong tahimik habang tumatakbo ang isipan.

Lumapit ang guard kay Dave at iniabot ang diyaryo. Bahagyang nangunot ang noo ni Dave nang mabasa ang nasa headline.

Hindi nakaligtas kay Enoch ang naging reaksyon ng kaharap. “May problema ho ba?”

“Ha? Ah, tinuluyan na pala ng babaing nakaitim ang dalawang kasama ni Chief Veloso. Mukhang ang chief mo na ang susunod.” sagot ni Dave.

Napakunot na din ang noo ni Enoch, kinuha niya ang diyaryo at binasa ang nakasulat. “Imposible!" sigaw ng utak niya. May note pang isinulat ang salarin gamit ang dugo ng mga biktima.

IKAW NA ANG SUSUNOD, VELOSO!

Nahigit ng binata ang kanyang paghinga. Kailangan niyang alamin kung ano ang tunay na nangyari. Dalawang pangyayari, iisa ang salarin?

Isang katulong ang lumapit sa dalawa. “Ipinapatawag po kayo ni congressman.” wika nito, nakatingin kay Enoch.

“Okay, salamat.” ani Enoch. Nagpaalam siya kay Dave at nagtungo sa loob ng mansyon.



TATLONG mahihinang katok ang narinig ni Congressman Alguien. “Pasok,” wika niya.

Nagbukas ang pintuan at iniluwa si Enoch. “May kailangan ho kayo?”

“Maupo ka. Okay ka lang ba?” tanong ng congressman.

Nanatiling nakatayo si Enoch. “Okay lang ho ako.”

“Nakilala mo ang taong iyon, tama?” tanong ng congressman.

Imbis na sagutin, nagtanong din si Enoch sa ama. “Ano'ng dahilan at gusto ka niyang patayin?”

Girl On FireWhere stories live. Discover now