Lumipas na ang isang linggo simula ng naging secretary niya ako. Masyado siyang busy sa linggong ito at ako pa din ang may hawak ng phone niya. Ang ipinagtataka ko lang ay kahit isang linggo nang ako ang may hawak nun ay ni minsan hindi tumawag o nagtext si Mercy. Iniisip ko nalang na dahil sa personal silang nagkikita kaya hindi na kailangan na mag-usap pa sa phone. Ano kaya ang magiging reaksyon ni Mercy kapag nalaman niyang isa ako sa mga secretary ni Kage? Mag-aaway sila panigurado...
Teka nga, bakit ko na naman ba pinoproblema iyon? Labas na ako sa away nilang yan dahil wala naman na akong ginagawang masama.
Ipinilig ko ang ulo para maalis na ang mga hindi kaaya-ayang isipin. Papunta kami ngayon sa mini theater para manood ng mga nagaaudition na artista para sa isang teleserye. Isa siya sa mga pipili ng gaganap pero nahuli kami ng dating dahil sa isa niya pang meeting.
Pumwesto kami sa upuan sa harap at matamang nanood sa isang lalakeng nagbibitaw ng linya habang umaarte.
Nakakatuwang isipin din naman na kahit halos kakaumpisa pa lamang ni Kage sa kumpanya niya ay nakikipagsabayan na ito sa ilang malalaking networks sa bansa. Maging ang ilang sikat na artista ay naglilipatan na rin dito.
Natapos na iyong lalake at sumunod na umakyat sa stage ang isa pang lalakeng pamilyar dahil sa sikat siya, si Geoff Landico.
"Wow!" Hindi ko napigilang sambit. Kahit pala siya ay nakuha na nila.
Nakanganga lamang ako habang umaarte siya sa harap. Ang galing niya talaga parang natural lang, hindi mo aakalain na umaarte siya.
Nang matapos siya ay isa ako sa may pinakamalakas na palakpak habang abot tenga ang ngiti bilang paghanga."You look like a retard." Mahinang bulong sa akin ni Kage. Napalitan ng simangot ang kaninang ngiting ngiti kong bibig at tumigil na rin ako sa pagpalakpak. Che! Panira ng fangirl moment!
Nanatili akong nakasimangot habang nanonood habang siya naman ay nakangisi lamang. Kainis!
"Eli! Eli! Oh my gosh Eli!" Hinihingal na tili ni Jec na kasunod naman si Loy na ganoon din ang hitsura. Naeeskandalong tumingin ako sa paligid at nakitang nakatingin sa amin ng masama ang mga judges at ilan sa organizers.
'Eli, yung ano, kasi ano, aaaaah! yung, Loy-" Sinampal ko si Jec dahil salita lang siya ng salita pero wala naman akong maintindihan.
"-aray!" Reklamo niya habang sapo ang kanang pisngi.
"Umayos ka kasi. Ano ba iyon?" Naiinis kong sabi.
"Si Paige! Sinugod daw sa hospital!" Nanginig ako sa narinig at nag-init bigla ang sulok ng mga mata ko.
"Ha?! Anong nangyari?! Bakit?! Oh my God, ang anak ko!" Naghihisterya kong tanong. Umiiyak na din ako.
"Ang taas daw ng lagnat, ang sabi dengue daw. Iyak din daw ng iyak, ikaw ang hinahanap." Humagulhol ako lalo. Ang anak ko! Nagpapapadyak pa ako dahil sa hindi ako mapakali. Pinagtutulungan na nila akong pakalmahin. May yumakap sa akin habang hinahagod ang likod ko, may nag-abot na din ng tubig sa akin na agad ko namang ininom dahil hindi na ako makahinga kakaiyak.
Unang beses itong madala siya sa hospital tapos dengue pa, marami akong naririnig na balita na namamatay na bata dahil sa dengue kaya naman ganito na lamang ang reaksyon ko.
"Kailangan ako ng anak ko. Kawawa naman ang anak ko." Paulit-ulit kong sambit.
"She'll be fine." Si Kage. Napatingin ako sa kanya at lalong umiyak. Siya ang nakayakap sa akin habang pinapatahan ako.
"Kage, kailangan ako ng anak ko sa La Union." Nagmamakaawa kong wika. Hinigpitan ko pa ang hawak sa coat niya wala akong pakialam kung magusot pa iyon.
BINABASA MO ANG
Stealing Love
General FictionIsang babae ang iibig at magiging makasarili hanggang umabot sa puntong kaya niyang manakit ng damdamin ng iba. Isang babae ang magnanakaw para lang sumaya. Lahat para sa pag-ibig na hindi kanya. Isang babae. Isang kabit. Isang malaking bakit. Ba...