THE REALITY
Malawak ang ngiti kong pinagmamasdan si Lily habang tumatakbo sa gilid ng dagat. Nakasuot lang ito ng putting dress at nakalugay lang ang mahaba niyang buhok.
Kahit malayuan, hindi ko maipagkakait ang kagandahan niya.
Tumayo na ako mula sa pagkakaupo at nagawa kong lumapit sa kaniya.
"Li," pagtawag ko sa kaniya. "Pose ka, picturan kita."
Kaagad naman siya nagpose at ngumiti sa camera.
Lumapit din naman siya matapos ko siyang kuhaan ng litrato. "Ganda ko talaga!" Nakangiti siyang sabi.
Alam ko, Li.
❤️🩹
"Leo, paki-double check nga ito," abot niya sa akin ng listahan. Inutusan kasi siya ng magulang niyang maggrocery. Nagpasama siya sa akin, na nakaugalian na niya.
Tiningan ko naman ang mga nilagay niya sa tulak kong cart, inisa-isa ko iyong nasa listahan niya. "Mayroon naman na 'to lahat, Li."
Ngumiti siya sa akin. "Salamat, Leo."
Isa iyon sa lagi naming ginagawa na magkasama.
❤️🩹
"Gusto mo bang subukan 'yon?" Tanong ko kay Lily. Napatingin naman siya sa tinuro ko, nakasakay kasi kami sa taxi.
"Sige," masayang sagot niya.
"Manong, dito na po kami," para ko kaagad, tinabi naman ni manong ang sasakyan.
Nasa Baguio City kami at anniversary namin ngayon. Gusto lang namin i-enjoy ang araw na 'to at subukan ang mga activities na hindi pa namin nagagawang dalawa.
"Susunod ka, sir."
Tumango ako. Bago pa man mag-umpisa na maglakad ang kabayo, nilabas ko kaagad ang cellphone ko para makuhanan ng litrato si Lily.
"Smile, li."
Humarap siya sa akin, at hindi ko maiwasang mapangiti. "Kapit ka, ha. Huwag kang bibitaw," paalala ko sa kaniya.
❤️🩹
Napaigtad ako nang nakaramdam ako ng tapik mula sa barkada ko.
Naalala ko na naman.
"Hoy, pare! Tama na 'yan. Lasing ka na naman," suway sa akin ng barkada ko nang akma ko na namang iinumin iyong alak.
"Hayaan mo na ako!" Sigaw ko sa kaniya at inilayo ang bote.
"Lagi ka na lang ganyan. Umagang umaga, umiinom ka," sita pa niya. "Tapos anong gagawin mo pagkatapos. Aalis ka na naman, at susundan sila."
Sundan sila?
Binaba ko ang bote at hinarap siya. "Bakit wala na ba akong karapatan na sundan sila? Hindi naman nila ako nakikita," pag dahilan ko pa.
"Magising ka nga sa katotohanan, pare! Para ano? Ano bang dahilan at sinusundan mo sila? Para makita mo na naman iyong mga nakasanayan ninyong gawin ni Lily noon? Pinapaasa mo lang ang sarili mong magagawa ninyo pa ulit ang mga 'yon. Hindi ka na babalikan ni Lily, masaya na siya sa iba."
Sinampal na naman ako ng katotohanan.
Hindi ko napigilan ang nagbabadyang luha sa mga mata ko. Totoong sinusundan ko sila ng boyfriend niya. Nasasaksihan ko iyong mga nakagawian naming gawin ni Lily noon, na ginagawa na nila ng bagong boyfriend niya.
Kung noon, masaya siyang kasama ako. Ngayon, sa iba na siya masaya.
Iyon ang reyalidad, simula nang lokohin ko siya.