WORTH THE WAIT
Lumuwas ako ng Manila dahil gusto kong kitain si Eros. Ito ang unang beses kong gagawin 'to, mabuti na lang at pinagbigyan ako ng mga magulang ko.
Iyon nga lang, hindi ako pinayagan na mag-isa ko lang. Kaya kasama ko ang nakakatanda kong kapatid, si Ate Lily.
Nakilala ko kasi si Eros noong nagbirthday ako, at ininvite ko ang kaibigan ko na nag-aral sa Manila. Isa si Eros sa mga kaklase niya, kaya sinama niya ito sa Bulacan.
"Eros!" Pagtawag ko sa kaniya nang makita ko siya sa kung saan niya sinabing magkikita kami.
Hindi kasi ako maalam sa mga lugar sa Manila, kaya siya na lang ang nagsabi kung saan kami puwedeng magkita.
Hinanap naman ng mata niya ang tumatawag, at kita kong napangiti siya nang makita ako.
"Rosie!" Kumaway pa siya sa akin.
Yumakap siya sa akin nang magkalapit kaming dalawa. Hindi ko rin natagalan, at humiwalay kaagad ako.
Naiilang siyang ngumiti sa akin. Siguro napansin niya iyong pag-iwas ko. Medyo nahihirapan kasi akong huminga. Ang higpit ng yakap niya sa akin.
Pagkatapos naming kumain ay minabuti kong humiwalay muna kami ni Eros, dahil may gusto talaga akong sabihin sa kaniya. Kaya rin talagang sinadya ko siya sa Manila kahit alam kong malayo, at medyo risky sa part ko.
Gusto ko kasing maramdaman niya na importante siya sa akin. Na sa desisyon na 'to ay malaki ang part niya.
"E-eros, alam kong may hint ka na kung bakit gusto kong mag-usap tayo," panimula ko. "Gusto kong kunin ang pagkakataon na 'to para sabihing sa ilang buwan nating magkausap... naging masaya ako. Mahalaga ka sa akin, Eros. Kaya gusto ko 'tong malaman mo, bago ako umalis," dagdag ko.
Ramdam ko ang kaba niya, pero pilit niyang hindi pinapahalata sa akin. "Ano ba iyon? Saan ka ba pupunta? Hindi ba ako puwedeng sumama?" Sunod-sunod niyang tanong.
Umiling ako. Naniniwala akong sa buhay, may mga laban tayong sapat na ang sarili natin. Hindi na natin kailangan ng ibang tao.
"A-alam mong mahal kita. Excited nga ako, kasi may pagkakataon na akong tanungin ka kung puwede na bang maging tayo," pag-amin niya. "Pero hindi ko inaasahan na ito pala ang dahilan, kaya gusto mong makipagkita sa akin."
Hindi ko maiwasang ma-guilty nang maramdaman ko ang sakit nang bitawan niya 'yon. Ayaw ko man siyang saktan, pero wala akong kasiguraduhan sa puwedeng mangyari. Hindi ko hawak ang buhay ko.
Ang malinaw lang sa isip ko ngayon ay kung kaya kong pigilan ang posibleng sakit na nararamdaman niya ngayon, pipigilan ko na. Hindi ko gugustuhin na mas tumagal pa 'yon.
"Kailangan kong umalis, dahil may laban ako ng buhay na kailangan kong harapin. Kaya hindi ko pa kayang sagutin ang tanong mo."
Alam ko sa sarili ko na pareho kami ng nararamdaman, pero mas magiging mahirap lang sa kaniya at sa akin kapag pinagbigyan ko ang sarili ko.
"Iintindihin ko, Rosie."
Tipid akong ngumiti. Masaya akong hindi na niya ako pinahirapan pa, dahil hindi na rin magiging mahirap para sa kaniya. "Sana pagbalik ko, handa na ang puso kong sagutin 'yang tanong mo."
Kinuha niya ang kamay ko, at diretsong tumingin sa mga mata ko. "I'll wait for that day, Rosie."
❤️🩹
Nang magising ako ilang linggo matapos ang operation na naganap sa akin, doon ko lang kinuha ang pagkakataon na gamitin ang cellphone ko.
Worth the wait.
Iyon ang bumungad sa akin pagkaopen ko pa lang ng Facebook account ko. Post 'yon ni Eros kasama ang isang babae, kung saan sinagot na siya nito.
Tinabi ko ang cellphone ko, at muling nahiga. Hindi ko maiwasang isipin kung hindi ba ako kahintay-hintay? Kaya hindi ako nagawang hintayin ni Eros.
Iyong plano kong umuwi, kung saan balak kong sabihin sa kaniyang handa na ang puso ko ay hindi na pala kailangan. Dahil habang umaasa ang puso ko na mahihintay niya ako, may hinihintay na pala siyang iba.