CHAPTER 14- DARK MAGIC

317 109 1
                                    

Pinakiramdaman ko kung gising pa ba ang aking asawa. Nagpumilit na naman itong dito matulog sa aking Nocta kaya wala akong magawa kundi ang pagbigyan na lamang ang kaniyang kahilingan.

Sinubukan ko tumalikod sa kaniyang gawi para suriin kung totoong tulog na siya o nagtutulog-tulugan lamang. Humigpit ang kaniyang yakap sa akin kaya hindi ko mapagilang madismaya. Hindi ako maaaring tumakas ngayon kung gano'n. Baka kaniyang matuklasan ang tungkol sa kaluluwang nasa katawan ko. Hindi ako sigurado sa kaniyang magiging tugon sa suliraning kinakaharap ko ngayon.

Paano nga ba napupunta sa mundo ng Lumina ang mga taong mortal? Tiyak na may dahilan kung bakit bago pa man nangyari ang lahat ng ito ay napapaginipan kong napunta ako sa mundong iyon. Teka, ako nga ba ang nasa panaginip ko?

Hindi ako sigurado. Maaaring si Lavender iyon. Magkawangis ba kaming dalawa?

Napabalikwas ako ng bangon. Kaagad kong tinapunan ng tingin si Thorns. Mabuti na lang at totoong tulog naman pala ito.

Bumaba ako ng higaan at naupo sa harap ng aking salamin. Biglang lumitaw dito ang kaganapan noong gabing nakaharap ko ang dating hari na si Lancelot.

"Queen Luminara," paulit-ulit ang tinig na iyon sa aking pandinig.

Ayaw akong patahimikin. Malalim ngunit mahinahon ang tonong ginagamit nito. Para bang gustong sabihing huwag akong matakot na hanapin ang kaniyang kinaroroonan.

Bumangon ako at sinundan ang direksyon ng pinanggalingan ng tinig. Sa isang iglap ay napunta ako sa lugar kung saan hindi dapat ako mapunta. Maliban sa mga kawal na nakatalaga sa lugar na ito ay walang puwedeng pumunta rito nang walang pahintulot mula sa mga Punong Hukom na si Lady Seraphina. Siya ang namamahala sa Narroc, ang bilangguan kung saan nakakulong ang si Lancelot- ang dating hari ng Nocturna na siyang halos nagpabagsak ng Emperyo ng Lumina noong siya pa ang namamahala sa kahariang nasa aking pangangalaga ngayon.

Ilang taon na ring natutulog ang kaluluwa nito sa kaniyang katawang pinapamahayan nang malakas na mahika upang masigurong hinding-hindi na siya magigising at makatatakas pa sa lugar na ito.

"Queen Luminara."

Ngayon naririnig ko nang malapitan ang tinig ay hindi ko mapigilang panindigan ng balahibo. Kaagad na inihanda ko ang aking sarili habang mahigpit na nakahawak sa aking latigo. Aking namataan ang itim na usok na paniguradong nagmumula sa kinaroroonan ni Lancelot.

"Anong nangyayari?" naitanong ko na lamang sa aking sarili. Wala akong naiintindihan sa kaganapan ngayon. Ang kaninang matiim na usok na aking nakikita ay mas lalong kumapal.

"Huwag kang magpapalamon sa kaniyang itim na mahika, Queen Luminara."

Napalingon na naman ako sa pinanggalingan ng boses na iyon. Sa pagkakataong ito ay babae ang boses na aking naririnig at nagmumula ito sa tila napakalayong lugar.

"Ako ang iyong pakinggan, Mahal na Reyna."

Si Lancelot ba ang nagsasalitang ito o nililinlang lamang ako ng aking pandinig?

"Huwag kang magpalinlang sa isang taksil, Mahal na Reyna. Kung pakikinggan mo ang kaniyang kagustuhan ay isang patunay lamang iyon na totoong hindi ka karapat-dapat na maging Reyna ng Nocturna," sabi naman ng boses babae.

The Villainous Queen (Resurrection Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon