CHAPTER 9- MORAL CODE

436 138 3
                                    


Nakatulala lang ako habang pinagmamasdan ang aking reflection sa tubig. Nasa tabi ng lawa lang ako ngayon habang itinatampisaw din ang aking mga paa.

Kapag magpakalunod ba ulit ako ay makakabalik na ako sa mundong pinanggalingan ko? Sigurado akong  tubig ang siyang naging instrumento para makapunta ako sa mundong ito.

Humigit ako ng isang malalim na hininga at
wala alinlangang sumisid ako sa kailaliman ng lawa. Hindi ko alintana ang lalim nito pero sa palagay ko ay nasa kalagitnaan na ako nang may maaninag akong babaeng nakasuot ng puting bestida.

Ginawa ko ang abot sa aking makakayang mapuntahang ang kinaroroonan nito. Nang malapit na ako ay bigla na lang itong naglaho.

Wait... Ghost ba iyon?!

Kasabay ng paghabol ko ng hininga ay ang pagkaroon ko ng vision kung saan nakaratay ako sa isang kama at malinaw ko ring naririnig ang tunog ng isang machine.

Tuluyan akong nanghina dahil a nakabibinging tunog na pumapaimbabaw sa aking pandinig at bago pa ako tuluyan malagutan ng hininga ay may mga kamay na humila sa akin at itinakas ako nito mula sa lawa.

Napaubo ako at naghahabol ng hininga nang makaahon na kami. Buong akala ko ay si King Thorns ang nagligtas sa akin pero nagkamali ako nang makita ang mukha ni Pinunong Thunder. Niyakap pa ako nito para pakalmahin.

"Sinabi ko naman sa 'yong huwag kang magpapadala sa udyok ng lawang ito, hindi ba?" sabi pa nito.

Hindi ko maiwasang pag-isipan ang sinabi nito. Alam kong may laman ang naging turan nito.

"Kailangan mong kalimutan ang tungkol sa mundong nasa panaginip mo, Luminara. Kahit na anong gawin mo ay walang gano'ng mundo sa ilalim ng lawa, mahal ko."

Mundo sa ilalim ng lawa?

Napalunok ako habang nararamdaman ang paghaplos ng mga kamay nito sa aking likuran.

Ang mundo sa ilalim ng lawa na ay ang mundong pinanggalingan ko?! Napapanaginipan ni Luminara ang mundo ng mga tao?

Nagulat pa ako nang basta na lang akong halikan ni Thunder. Hindi naman ako gumanti dahil hindi rin naman ako si Queen Luminara para gawin iyon. Ilang segundo pa ay niyakap na lang ulit ako nito.

"Lu."

Nag-angat ako ng tingin. Kaagad na nagkasalubong ang paningin namin ni King Thorns. Hindi na naman maipinta ang mukha nito dahil sa posisyon namin ni Thunder.

Hindi ako ang Mahal na Reyna para tapatan ang kaniyang saltik kaya kaagad akong kumalas mula sa pagkakayakap ng pinuno ng mga mandirigma.

Kanina ko pa siya hindi kinakausap dahil sa pagpatay nila sa tinatawag nilang Worman— isang Nocturians na isinumpang maging monster dahil sa pagtaksil diumano sa dating reyna noon.

Ayon kay Meredith ay pinagtangkaan niyon ang buhay ni Queen Haraya at ninakaw ang ginintuang libro ng emperyo at hanggang ngayon ay wala pang nakakaalam kung nasaan ang librong iyon.

Buong akala ng lahat ay pinatay na ni Luminara ang Worman pero hindi pala. Kinaibigan iyon ng reyna at walang nakakaalam kung bakit. Tinatanong nila ako kanina pero wala akong maisagot. Puro iyak lang ang ginawa ko dahil sa paninikip ng aking dibdib gawa ng sinapit ng kawawang nilalang na iyon.

Tumayo ako at nilapitan ang hari. Nagkatinginan lang kami at napabuntonghininga pa siya. Walang salitang inalalayan niya ako pabalik sa aking Nocta.

Kaagad din akong nagpalit ng damit at nagmukmok lang sa silid. Mayamaya ay nakaramdam ako nang matinding antok kaya humikab ako at tuluyan na akong nakatulog.

The Villainous Queen (Resurrection Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon