CHAPTER 18- UNCONTROLLABLY

291 93 0
                                    

Kailangan mong kumilos ngayon din, Luminara.

Hindi maaaring hintayin ko pang tuluyan nila akong mapabagsak bago pa ako gumawa ng paraan para maibalik ang balanse ng magandang enerhiya sa buong Nocturna Kingdom.

Marapat lang ding tulungan kong makabalik si Lavender sa kaniyang mundo dahil ako ang naging dahilan kung bakit siya nandidito ngayon. May anim na oras pa bago ulit magising sa aking katawan ang kaluluwa ng dalaga. Hindi sapat ang oras na mayroon ako ngayon ngunit ang mahalaga ay may masimulan na ako bago muling sumikat ang araw.

Bumangon ako mula sa pagkakahiga. Hindi ko pinayagang matulog si Thorns dito dahil tiyak na mangingialam na naman siya sa mga kilos ko.

Nagpalit na ako ng komportableng damit. Itinali ko rin ang aking mahaba at bahagyang kulot na buhok. Hindi ako puwedeng makita ng kahit na sino kaya kailangan kong mas mag-ingat pa. Ipinikit ko ang aking mga mata at sa isang iglap lamang ay nasa kuweba na ako ni Goddess Nocturna.

“Ano’t naparito ka sa ganitong oras, Queen Luminara?” usisa nito habang nakapikit ang kaniyang mga mata.

“Kailangan ko ang tulong mo,” tuwid kong tugon. Wala na akong oras pa para magpaligoy-ligoy pa. Hindi ko maipaliwanag kung bakit nararamdaman kong may papalapit na panganib sa akin sa mga oras
na ito.

“Ayaw ko sa lahat ay ang ginagambala ang aking pamamahinga. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tutulungan kita ng walang kapalit na kahit ano.”

Sa halip na pakinggan ang huling linyang sinabi nito ay itinuloy ko ang pagsambit ng tungkol sa pakay ko sa kaniya.

“Kagaya ng sinabi sa akin ng diwatang nakatira sa pangalawang buwan ay pakiwari ko’y nahatak ko nga papuntang Lumina ang lahat ng mahihinang kaluluwa na nanggagaling sa iba’t-ibang mundo. Paano ko sila matutulungang makabalik sa kanilang pinanggalingan?”

“Bakit hindi mo kausapin ang aking kapatid?”

“Alam mong hinding-hindi niya na ako tutulungan pa. Hindi siya kagaya mong walang pakialam sa kaniyang pananagutan sa Nocturna o sa buong Emperyo ng Lumina.”

Nagmulat ito ng mga mata at tinitigan ako nang diretso sa aking mga mata rin. “Bago mo unahin ang kapakanan ng iba ay unahin mo munang iligtas ang iyong sarili, Luminara. Hindi mo kailangang magpakabayani palagi. Hindi rin sa lahat ng pagkakataon ay magagawa mong takasan ang sibat ng kamatayan.”

“Anong iyong nais na iparating sa akin?” naguguluhan kong usisa. Sigurado akong may nalalaman nga talaga ito.

Nasa matinding panganib na naman ba ang buhay ko ngayon? Sa anong paraan na naman ba ako pahihirapan ng mundong ito?

“Para matulungan silang makabalik sa kani-kanilang mundo ay kailangan mo munang alamin ang mgà nararapat nilang gawin upang mangyari ang ninanais mong ’yan sapagkat nangangailan ng sakripisyo o kapalit upang maisagawa ang lahat ng mga imposibleng bagay sa kahit na saang mundo ka man mapadpad.”

“Wala na akong panahon pa para makipagtagisan ng talino sa ’yo, Goddess Nocturna!” sigaw ko.

Gusto ko mang hamunin siya gamit ang aking latigo ngunit hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang palitawin ito sa aking kamay.

Ano’ng nangyayari?! Bakit naging mailap ang aking sandata ngayon?!

“May kaluluwang namamahay sa iyong katawan, hindi ba?”

“Ikaw ba ang may gawa nito, Goddess Nocturna?!”

“Ang lahat ng nangyayari sa ’yo ay bunga ng naging desisyon mo nang gabing iyon. Mas pinili mong paslangin si Lancelot upang mapangalagaan ang iyong nasasakupan kaysa sa magmalasakit sa mga kaluluwang walang kalaban-laban.”

The Villainous Queen (Resurrection Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon