Chapter 2- HINDI NAKALIGTAS SI MIKA SA PAGSUSUNGIT NI CEDRIC

9 1 0
                                    



Ilang segundo nang nakatayo sa harapan ng pintuan ng kwarto si Mika pero hindi niya pa rin magawang ihakbang ang mga paa papasok. Napaigtad pa siya nang biglang sumigaw si Cedric mula sa loob. "Mika, ano pa'ng ginagawa mo riyan?!"

Dali-daling pumasok sa silid si Mika at doon nakita niya ang bata na naglalaro sa crib.

"Oh? Ano pa'ng hinihintay mo? Bakit hindi mo pa kunin si Migui?" utos ni Cedric.

Napasulyap ang dalaga sa cute na bata na tinawag nitong Migui na noo'y papatayo na habang nakahawak sa gilid ng crib. Hindi naman nalalayo ang hitsura nito kay Cedric.

"Linisan mo muna ang bata at palitan ng damit bago mo patulugin," ani Cedric.

"Teka lang, ngayon na ba 'yun? Hindi pa naman tayo kasal, ah?"hirit ni Mika.

"Ganun din naman 'yun mas mabuti 'yang mag-practice ka na."

"Pero—" Hihirit pa sana si Mika pero agad na pinutol ni Cedric ang sasabihin niya.

"Sige na, gawin mo na."

Kunot ang noong bumaling si Mika sa bata, bubuhatin na sana niya ito nang marinig niya ang pagtunog ng sumarang pinto kaya agad siyang napalingon. Wala na sa likuran niya si Cedric. Napahawak na lang siya sa dibdib at nangingiting humarap sa bata." Hay! Ang sungit naman ng daddy mo, pogi," bulong niya sabay pisil sa pisngi nito.

Natawa naman ang bata na para bang sumasang-ayon sa sinabi niya.

Tinangka niyang buhatin ang bata mula sa crib pero bigla siyang natigilan. "Paano ba?" tanong niya sa sarili habang pini-figure out kung paano ang tamang pagbuhat sa bata. "Baby, 'wag kang malikot, ha?" aniya habang maingat na iniaangat ang bata. Unti-unti na siyang napangiti nang sa wakas ay makuha niya ang tamang pagbuhat. "Hays! Hindi naman pala mahirap," nangingiting sabi niya.

Dinala niya malapit sa kama ang bata atsaka siya naupo sa gilid nito. Habang kalong-kalong niya ang bata, isa-isa niyang binuksan ang mga drawer para hanapan ito ng damit at diaper. Nakumpleto na niya ang bihisan ng bata maliban sa diaper. Halos nabuksan na niya ang lahat ng drawer pero wala pa rin siyang nakikita. Hanggang sa maabot ng paningin niya ang mga bundle ng diaper na nakapatong sa itaas ng cabinet. "Hays, nandiyan ka lang pala," nakangiting sabi niya. Inilapag niya ang bata sa crib atsaka niya tinangkang abutin ang diaper. Pero masyadong mataas ang kinalalagyan nito kaya nahirapan siyang abutin ito.

Inilinga niya ang mga mata sa paligid para humanap ng matutuntungan pero wala siyang makita. Napaupo sa gilid ng kama si Mika sabay buga ng hangin. "Grabe, naman 'to! Pagkuha lang ng diaper, pahirapan pa," bulong niya. Tinapik-tapik niya ng mga kamay ang kama habang nag-iisip hanggang sa makaisip siya ng solusyon. Tumuntong siya sa ibabaw ng kama atsaka siya dumukwang sa cabinet. Medyo kinulang pa rin ang taas niya kaya napatingkayad pa siya. Saktong aabutin na niya ang isang bundle ng diaper nang biglang bumukas ang pinto, iniluwa si Cedric na noo'y kasalukuyan pang inaalog ang tinimplang gatas ng bata. Nagulat si Mika kaya nawalan ito ng balanse at dumulas ang paa pababa. Agad namang napatakbo si Cedric upang saklolohan ang dalaga. Sa bilis ng pangyayari, natagpuan na lang nila ang sarili na noo'y magkayakap. Biglang namilog ang mga mata ni Mika nang dumikit ang mga labi niya sa pisngi ni Cedric. Napayakap kasi siya sa leeg ng binata at napayakap naman ito sa kanya nang sapuhin siya nito. Ganoon na lang ang kabog ng dibdib nila nang magtama ang kanilang paningin pero tila napapaso na agad silang nagbitiw.

"Ano ba kasing ginagawa mo?" kunwa'y sabi ni Cedric.

"Kumukuha lang ako ng diaper," hindi makatinging sagot ng dalaga.

Hinila ni Cedric ang drawer na malapit sa crib at tumambad sa kanya ang mga wipes, diaper at iba pang gamit ng bata. Stock lang pala ang nakita niyang diaper na nakasalansan sa itaas. "Sa susunod, matuto kang magtanong," seryoso ang mukhang sabi nito.

Destined To Be YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon