Ilang segundo rin sila sa ganoong sitwasyon bago itinulak papalayo ni Cedric si Mika na para bang napapaso. Hindi nagustuhan ni Mika ang naging reaction ni Cedric nainsulto kasi siya sa ginawa nitong pagtulak sa kanya pero hindi siya nagpahalata. "Sorry," sambit ni Mika nang makatayo. Sa sobrang hiya ay dalidali siyang umakyat at hindi na niya nilingon pa ang binata.
Bumangon si Cedric mula sa pagkakahiga atsaka ito naupo sa buhanginan. Napabuga na lang ito ng hangin sabay tingin sa itaas. Nabigla siya sa nangyari kaya naitulak niya papalayo si Mika imbes na alalayan niya ito. "Sabit ka na naman," aniya sabay kusot ng buhok. Muli siyang napabuga ng hangin bago siya tumayo. Itinabi niya muna ang dala niyang cooler bago siya sumunod kay Mika sa itaas at doon naabutan niya pa ito habang nililinisan ang sugat sa daliri nito sa paa.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Cedric nang maupo siya sa lapag. Inabot niya ang nasugatang paa ni Mika atsaka niya iyon hinipan. Bahagyang umangat ang kuko sa kanang hinlalaki ni Mika kaya alam niyang hindi biro ang tinitiis nitong sakit. Nagulat si Mika sa ginawang iyon ni Cedric. Taliwas kasi iyon sa naging reaction nito kanina na para bang nandidiring itinulak siya papalayo. Tinangka niyang bawiin ang paa niya pero nilakihan lang siya ng mga mata ni Cedric na para bang nagbabanta.
Bahagyang napangiti si Mika. Napawi na ang kaninang sama ng loob niya. Nakatingin lang siya noon kay Cedric habang hinihipan nito ang sugat niya sa paa. Matapos ang ilang segundo, sumulyap ito sa kanya. "Masakit pa?" malamlam ang mga matang tanong nito.
Alanganing napangiti si Mika sabay umiling. Para siyang naakit sa malambing nitong tinig. Lalo pa nang maingat na pagpagin ni Cedric ang mga buhanging dumikit sa mga paa niya. "Bakit kasi ang clumsy mo?" nakangiting sabi nito nang tumingin sa kanya. Tinulisan niya lang ito ng nguso pero hindi siya sumagot.
Tumayo si Cedric at pumasok sa kwarto at nang makabalik ay may dala na itong panyo. Nagulat na lang siya nang maupo ito at tinalian ang sugat niya sa paa. "Masakit 'yan kapag nasabit sa kumot," anito nang muling tumingin sa kanya.
Napangiti ang dalaga habang nakatitig sa binata. Ilang segundo rin sila sa ganung posisyon nang bulabugin sila nang pag-iyak ni Migui. Kapwa sila napalingon sa silid. Napatayo si Mika pero naabot ni Cedric ang isang kamay niya. "Ako na," anito. Gumuhit ang kilabot sa buo niyang katawan nang maramdaman niya ang init ng palad ni Cedric. Pero hindi niya magawang alisin ang pagkakahawak nito sa kamay niya.
"Just stay here," anito nang bumitiw sa kanya.
Napahawak sa dibdib si Mika sabay buga ng hangin. Ramdam niya kasi noon ang bilis ng tibok ng puso niya.
Hindi maiwasang mapangiti ni Cedric habang pinagmamasdan si Mika na noo'y sarap na sarap sa pagkain. Bigla itong napatigil nang mapansin siya.
"Hindi ka ba kakain?" tanong ni Mika.
Napangiti si Cedric. Binatak niya ang plato papalapit sa kanya atsaka siya umabot ng pakain pagkatapos ay nagsimula na rin siyang kumain. Hindi noon napapansin ni Mika ang paminsan-minsang pagsulyap niya.
Nang gabi iyon nag-set up ng tent si Cedric malapit sa dagat at doon sila nagpalipas ng magdamag.
"Grabe! Sobrang naalala ko rito kung ano tayo dati," ani Mika habang hawak ang bote ng beer. Nakaupo sila noon sa inilatag na kumot ni Cedric. Tanging ang Liwanag na nagmumula sa bonfire ang nagsisilbi nilang Liwanag.
Biglang napasulyap si Cedric sa dalaga. "Talaga? Akala ko burado na ako diyan," kunwa'y sabi ni Cedric sabay turo sa gawing puso ng dalaga.
Bahagyang napangiti si Mika. "Of course not! Ang saya-saya kaya natin nun," anito sabay lagok ng beer.
BINABASA MO ANG
Destined To Be Yours
RomancePaano kung ang taong tinatakbuhan mo ay siya palang magiging boss mo? Meet Mikaela Sebastian. Ang cute at pilyang apo ng isang retired military officer. Hindi niya akalain na matapos niyang takbuban at takasan ang itinakdang pamamanhikan ay dadalhin...