Hindi agad nakatulog si Mika nang gabing iyon dahilan para mahuli na naman siya ng gising. Agad niyang sinipat ang maliit na orasan na nakapatong sa lamesita, mag- aalas siyete na ng umaga noon. Mabilis siyang bumaba sa kama atsaka dumungaw sa bintana, kasalukuyan palang pinupunasan ni Mang Dado ang kotse ni Cedric. Halos takbuhin na niya ang pababa ng hagdan para lang maabutan ang binata.
"Babe!" sigaw niya nang matanaw niya itong papalabas na ng pinto.
Tumigil naman ito at tumanaw sa kanya. "Kumain ka na, nakahain na ang pagkain," anito.
"Hindi mo ba ako isasama?"tanong ng dalaga.
"Next time na lang. May shino-shoot kaming commercial ngayon, eh."
Malungkot na napatango si Mika. Ni hindi man lang kasi ito humalik sa kanya gaya nang dati nitong ginagawa. Nangilid ang luha sa mga mata ni Mika sobrang bigat na kasi sa pakiramdam niya ang ginagawang iyon ni Cedric. Simula kasi nang bumalik sila, naging malamig na ito sa kanya. Bukod sa hindi na siya nito isinasama sa opisina, hindi na rin siya nito nasasabayan sa pagkain. Madalas din ay gabi na ito kung umuwi.
Panay ang tanaw ni Mika sa malaking orasan na nakasabit sa dingding. Malapit na kasing dumilim pero hindi pa rin umuuwi si Cedric.
"Mika, kain ka na raw sabi ni Manang baka raw gabihin na naman si Sir, malipasan ka na naman ng gutom," ani Milly nang bumungad sa pinto. "Ako na muna ang bahala kay Migui," anito.
"Sige, salamat, "matamlay na sagot ni Mika.
Sumubo lang ng ilang subo si Mika para pagbigyan si Manang pagkatapos ay agad din siyang tumayo. "Tapos ka na? Eh, kakaupo mo lang, ah?" sita ni Manang.
"Wala po akong gana, eh," aniya habang inililigpit ang pinagkainan.
"Sige na, ako na riyan," ani Manang sabay abot sa hawak niyang pinggan.
"Salamat po, akyat na po ako," matamlay niyang sagot.
"Ano na naman kaya ang problema ng batang 'yun?" bulong ni Manang nang makaalis si Mika.
Habang naghihintay kay Cedric naisipang tumabay ni Mika sa garden. Kumuha muna siya ng ilang lata ng beer sa ref bago siya dumiretso roon. Sa tagal nang paghihintay, naparami ang inom ni Mika hanggang sa tuluyan na siyang malasing.
Biglang napaigtad si Mika nang maramdaman niya ang malambot na salat ng unan. Ang natatandaan kasi niya ay napadukdok na siya sa bilog na mesa sa may garden sa sobrang kalasingan. Napaupo na lang siya at napahagod nang mariin sa buhok habang binabalikan ang nangyari nang nagdaang gabi.
"Good morning," nakangiting bungad ni Cedric sa may pintuan.
Hindi nakaimik ang dalaga na noo'y napatitig lang sa mukha ng binata.
"Why?" nakangiting tanong ni Cedric habang papalapit sa kanya.
"P-Paano ako nakarating sa kama?" alanganing tanong niya.
Napakunot ang noo ni Cedric. "Wala ka bang natatandaan?" anito sabay pisil sa pisngi niya.
Napatitig si Mika sa binata hanggang sa mag-flashback sa kanya ang mga nangyari.
"I hate you, Cedric! Sinungaling ka! Akala ko pa naman totoong mahal mo ako, porket nalaman mo na mahal kita ,wala ka nang pakialam sa feelings ko! Ni hindi mo na nga ako pinapansin. Para akong hangin na dinadaan-daanan mo na lang," ani Mika na para bang kaharap lang si Cedric. Walang kamalay-malay ang dalaga na noo'y pinagmamasdan lang siya ng binata.
Bahagyang napangiti si Cedric at humakbang papalapit sa kanya. "Okay ka lang ba?" tanong nito.
Halos nakapikit na si Mika nang lingunin niya si Cedric. "Dapat pala maglasing na lang ako lagi para nakikita kita. Mukha ba akong okay, ha?" singhal niya sa inaakala niyang ilusyong imahe ni Cedric.
BINABASA MO ANG
Destined To Be Yours
RomancePaano kung ang taong tinatakbuhan mo ay siya palang magiging boss mo? Meet Mikaela Sebastian. Ang cute at pilyang apo ng isang retired military officer. Hindi niya akalain na matapos niyang takbuban at takasan ang itinakdang pamamanhikan ay dadalhin...