“Pasensiya na po, hindi ko naman kasi alam na posible pa lang maging magkaibigan ang mga elemento at tao, lalo pa ng mga aswang, ” ani ni Pulgoso na nahihiya sa nangyari.
“Naiintindihan ka namin hijo, kahit sino naman na nasaksihan na pinatay ng mga aswang ang kaniyang pamilya ay normal na magiging gano'n ang kilos, ngunit kilala mo ba kung sino sila?” tanong ni Efren.
“Fabio, ‘yan po ang narinig kong tawag ni itay sa pinaka-pinuno nila eh. Ang dami nila, at kahit pa tumulong ako ng mga sandaling ‘yon hindi ko rin kakayanin, kaya tumakbo na ako ng gubat para magtago, ginamit ko ang orasyon ng sabulag na tinuro ni tatay para hindi ako makita ng mga aswang kaya nakaligtas ako.”
Nagkatinginan ang magkaibigang Efren at Doming, bagong kalaban na naman ang kanilang kakaharapin, nalaman din nilang minarkahan ng aswang si Pulgoso, kaya't hindi malabong susundan ito ng mga pumaslang sa mga magulang niya. Kinaumagan ay nakaupo at tahimik na nagmamasid lang si Pulgoso sa bagong tahanan niya, naaalala niya ang kaniyang inay Rosa na maaga pa lang na nagwawalis ng kanilang bakuran.
Maya-maya pa ay lumabas na si Tekla na naka daster at may dalang walis. Pakendeng-kendeng ito habang naglalakad para magwalis ng bakuran. Nagsalubong naman ang kilay ni Pulgoso habang nakatingin sa ginagawa ni Tekla.
Kumakanta pa ito ng mataas habang nagwawalis kahit sobrang sintunado. Natatawa na lang si Pulgoso habang pinagtatawanan ito.Nang bumirit na si Tekla ay biglang may pumasok na insekto sa bibig nito kaya’t nasamid ito. Natawa si Pulgoso sa nangyari, pero agad din na tumigil nang makita siya ni Tekla na tumatawa.
“Ano ba ‘yan Tikboy kay aga-aga para kang kinakatay na uwak diyan! At bakit suot mo yang lumang daster ng nanay mo?! Hubarin mo ‘yan kung ayaw mong ikaw walisin ko!” ani ni mang Doming na kagigising pa lang.
“Tay naman, vocalisation po tawag sa gano'n, umaga po talaga ginagawa ‘yon at tsaka alangan naman sino magsusuot ng daster ni nanay ‘di malamang ang unica hija niya, at ako ‘yon!” ani ni Tekla.
“Paanong unica hija kuya? Eh mas lalaki ka pa ngang tingnan sa tatay ko eh,” sabat ni Pulgoso.
“Hoy, bata! Wag kang panira ng moment ah, ikaw walisin ko riyan eh!” ani ni Tekla.
“Tumigil ka na nga Tikboy, pasok na sa loob at magbihis ka na roon! Ikaw naman Pulgoso kumain ka na ba? May buto roon este puto baka gusto mo, ano ba kasi nakain ng magulang mo at pangalan pa ng aso binigay sa’yo” wika ni mang Doming.
“Sige po tiyong, papasok na po.”
Matapos mag-agahan ay tinulungan ni Pulgoso si Caleb sa nga sinsibak nitong mga panggatong, basa pa kasi ito kaya't pinagpapatong-patong niya sa hugis parisukat para matuyo ang mga ito.
“Kuya Caleb, pasensiya ka na nang nakaraan ah, hindi kasi pumasok sa isip ko na may mga mabubuting aswang din pala na kagaya ninyo.”
Huminto muna saglit si Caleb sa pagsisibak ng kahoy, hinihingal pa ito, nanghingi ito ng maiinom na tubig Kay Pulgoso na agad namang tumalima. Matapos uminom at tumingin si Caleb kay Pulgoso.
“Sa tingin mo ba Pulgoso, lahat din ba ng tao at mabuti? Minsan, walang pinagkaiba ang mga aswang sa mga tao, kaya sa kahit na among sitwasiyon, kailangang marunong Kang makiramdam.”
Matahimik naman si Pulgoso sa sinabi ni Caleb, kahit paano at naintindihan niya ang pinto nito, na hindi sa anyo nababase ang kabutihan ng tao o nilalang. Habang tinutulungan ni Pulgoso si Caleb at napalingon siya sa mga batang naglalaro ng saranggola. Napatingin din Caleb sa mga ito.
“Oh, gusto mo bang maglaro? Makipaglaro ka muna sa kanila, basta ‘wag ka lang lalayo ah.”
“Sige po...”
Lumapit at nakipaglaro si Pulgoso sa mga bata.
*****
Sa isang kubo, nakaupo sa harap ng mahabang lamesa ang grupo ng mga aswang, sa dulo nito kung saan ang lahat ay nakatingin ay ang kanilang pinuno na si Fabio.
“Fabio, dinala sa pinsan ni Delfin ang anak niya, at sa pagkakaalam ko ay kagaya rin iyon ni Delfin, alam kong tutugisin din tayo ng mga iyon. Marami ng pinatay si Delfin sa lahi natin at isa na roon ang anak ko, ako ang papatay sa anak ng antingero na ‘yon!” ani ng isang matandang lalaking aswang.
“Bata lang ‘yon Emong, kaya't padalhan lang natin ng katapat niya…”
***
Naglalaro si Pulgoso at mga kaibigan niya sa may kapatagan, nakakatuwaan sila sa mga saranggola na ginawa nila, nagpayabangan pa sila sa mga gawa nila, mula sa sukat at desenyo.“Ang ganda ng saranggola ko di ba Pulgoso? Tinulungan ako ng tatay ko gumawa niyan,” ani ng isa.
“Maganda rin naman ang sa'kin, kami ni kuya at ni papa ang gumawa eh.”
Nabitiwan ng isa sa kanila ang saranggola nito kaya't ang iba ay binitiwan na rin ang sa kanila.
“Oh, sa susunod ah pagandahan tayo ng saranggola dapat kakaiba, dapat astig, dapat... dapat nakakatakot, mga lalaki tayo kaya—” Naputol ang sinasabi ng matabang bata na may pagkamayabang ng may biglang magsalita.
“Alam ko na, mga maligno!” ani ng isang batang bungal na kalaro nila. Sumingit naman si Pulgoso.
“Naku, sabi pa naman noon ng tatay ko, kapag pinagkakatuwaan pa naman ang mga maligno ay bigla raw silang nagpapakita, pero mga lalaki naman tayong lahat di ba? Kaya dapat walang ikatakot!” ani ni Pulgoso.
“H-Ha? Ah, Eh...Oo mga lalaki tayo, atapang atao...” ani ng matabang bata na tila pinagpapawisan pa.
Dahil hapon na ay nagsiuwian na sila sa kani-kanilang mga bahay. Si Pulgoso naman ay sineryoso ang hamon ng mga kaibigan niya.
“Kailangang mapabilib ko sila, kaso paano kaya ako makakagawa ng makatotohanang saranggola na parang maligno?” ani ni Pulgoso at napakamot ng ulo.
Naglalakad na siya pauwi sa bahay ng tiyuhin niyang si Doming nang mapadaan siya sa mga nagkukumpulan na mga tsismosa, nagkukutuhan ang mga ito habang naupo sa mahabang bangko.
“Ay naku mare, alam niyo na ba ang tsismis? May nakita raw na manananggal si Berto sa bubungan nila noong isang gabi, parang malaking ibon daw sa bubungan nila, eh buntis pa naman ‘yong manugang niya!” ani ng isa.
“Naku, unang apo pa naman kung sakali ni Berto, tapos magiging meryenda lang ng manananggal naku, dapat magpatulong na sila kina Doming at Tekla!”
Napangiti si Pulgoso sa kaniyang narinig. Isang nakakalokong ideya ang biglang pumasok sa isip niya.
BINABASA MO ANG
PULGOSO: ANG BATANG ANTINGERO
HorrorNasaksihan ni pulgoso kung paano paslangin ng mga aswang ang kaniyang magulang ng walang kalaban-laban. Ngunit bago pumanaw ang kaniyang ama naihabilin nito ang lahat ng mga kaalaman at kagamitan na ng ama sa kaniya. Ngunit dahil sa bata pa at hindi...