KABANATA-1

53 3 0
                                    

“Kuya, nandito po ba si tiyo Doming? O buhay pa po ba siya?” tanong ni Pulgoso sa seryosong mukha.

Tumaas ang kilay ni Tekla, at bahagyang yumuko para magpantay ang sukat nila ng bata.

“Anong tawag mo sa'kin? Kuya talaga? Naka eyelash extensions at maroon lipstick na ako kuya lang itatawag mo sa'kin?!” Naiinis na wika ni Tekla.

“Naku sir pasensiya na po kayo sa bata hindi kasi niya alam ang—”

“Shut up! Isa ka pa! Ang ganda-ganda ko tapos sir? Ma'am, madam, ate ganern dapat!”

Napayuko ang babae sa sinabi ni Tekla kung saan ay halos dalawang oras na silang nakatayo sa labas kahihintay.

Isang malakas na palo ng tsinelas sa ulo ang ginawa ni mang Doming sa anak dahil sa narinig nito mula kay Tikboy.

“Anong ate at ma'am pinagsasabi mo Tiburcio! Tsaka ka mag ambisyon kapag may matres kana!” bulyaw ni mang Doming.

Napatingin ito sa kanilang panauhin, at sa batang kasama nito.

“Ano po ba ang atin?” ani ni Doming at biglang yumapos ang bata sa matanda.

“Ang tatay...” umiiyak na wika ng bata.

Kinalas ni mang Doming bata mula sa pagkakayapos nito sa kaniya.

“OMG tay! Hindi ako na inform na naging sugar daddy ka at nagbunga pa talaga!” ani ni Tekla.

“Ay hindi po, taga DSWD po ako at sinamahan ko lang po si Pulgoso rito, sa inyo po siya hinabilin ni mang Delfin at aling Rosa bago sila mawala,” ani ng babaeng kasama ni Pulgoso.

Doon na napagtanto ni Doming na, anak iyon ng pinsan niyang si Delfin.

Pinapasok ni Doming ang kanilang bisita at pinaupo ito. Kinuwento lahat ng bata ang nangyari, ayaw pa maniwala ng kasama niyang babae na mga aswang ang pumatay sa mga magulang ni Pulgoso at naiintindihan ito ni Doming. Nagpaalam na ang babae at naiwan na si Pulgoso sa bahay nila Doming.

Nakataas ang kilay ni Tekla habang palakad-lakad sa paligid ni Tikboy.

“Tiyo, ito nga po pala mga gamit ng tatay, sabi niya po dapat ingatan ko mga to, pero memorize ko na po lahat ng laman ng mga libro at libreta ng itay,” wika ni Pulgoso.

Nanlaki naman ang mga mata ni Doming sa sinabi ng bata.

“Aba’y ang dami nito ah, kita mo Tikboy? Aba'y daig ka pa ng batang ito ah, parang sa'yo yata matutupad ang pangarap ko hijo, kumain ka na ba? Anong paborito mo?” ani ni mang Doming at inihatid ang bata sa kuwarto ni Tekla.

“Teka, teka po tay, bakit sa kuwarto ko? Di ba Pulgoso name niyan? Alaga ni Marimar ‘yan, dapat sa kulungan ng aso!” pagmamaldita ni Tekla.

Tiningnan ng bata si Tikboy mula ulo hanggang paa.

“Paborito kasi ng nanay si Marimar noong buntis pa siya sa'kin, akala niya babae ako kaso lalaki, Sergio sana ipapangalan niya sa'kin kasi nagkamali ang gumawa ng birth certificate ko, sabi ni mama kapag babae Marimar at kapag lalaki yong mahal ni Marimar at palaging kasama, si Pulgoso po nilagay ng nasa registrar kaya po gano'n.”

“Wow pang MMK pala pinagmulan ng pangalan mo, well amoy aso ka rin naman kaya parang bagay lang din,” ani ni Tekla.

“Ako amoy aso, ikaw naman po parang pulgas,” seryosong wika ni Pulgoso.

“Aba’y lokong bata ito ah!” ani ni Tekla at akmang babatukan na ang bata pero pinigilan ni mang Doming.

“Ikaw naman kasing nauna! Wala namang ginagawa sa'yo ang bata. At isa pa, sa kuwarto mo siya matutulog, sa papag, nasa kabilang kuwarto na sina Caleb at Efren, hindi rin puwede sa'kin at ayoko kong may gumagalaw ng mga gamit ko. ”

Pagkarating sa kuwarto ni Tekla ay agad na inilibot ng bata ang kaniyang paningin sa buong silid.

“Oh hijo, dito ka na lang sa papag ah, may isang kutson naman ako sa kuwarto, tsaka may isang bakanteng aparador si Tikboy, doon mo na lang ilagay ang mga gamit mo ah,” ani ni Doming.

“Tiyo, bakit ganito ang kuwarto ni kuya? Puro kulay pink at Barbie, bakla po ba siya?”

“Ah, eh 50/50,” sagot ni Doming.

“Ano pong 50/50?”

“50/50 na lang ang pasensya ko riyan sa kuya mo—”

“Ate raw po sabi niya, nagalit pa nga po eh nang tawagin kong kuya, eh mas lalaki pa siyang tingnan kay tatay eh,” putol ni Pulgoso sa sinasabi ni Doming.

“Naku, wag mo na lang isipin yon, kung pagod ka, pahinga ka muna ah at maya na tayo magkuwento.”

Tinulungan na ni Doming na mag-ayos ng kaniyang higaan si Pulgoso dahil si Tekla ay umalis para mamalengke, at ng mga sandali ring yon ay nasa gubat ang mag-amang Efren at Caleb para manguha ng panggatong ay nag baka sakali na rin na makahuli ng baboy ramo.

Magdidilim na nang makarating ang mga ito ng bahay. Bigla namang nagising si Pulgoso, nang mga sandaling ‘yon ay inilapag na ng mag-amang Efren at Caleb ang nakuha nilang mga panggatong at nahuling baboy ramo. Masayang nagku-kuwentuhan ang mag-ama nang biglang tumilapon na lang ang mga ito pag-apak pa lang nila sa ikatlong baitang ng hagdanan.

Kumalabog ang mag-ama sa lupa ng puntong iyon. Patingin nila sa may pintuan ay nakita nila si Pulgoso na galit na nakatingin sa kanila.

“Maling baitang ang inapakan ninyo. Oro, Plata, Mata...kamatayan!” sigaw ni Pulgoso at tumalon kina Caleb.

“Mga aswang!” sigaw pa ni Pulgoso.

Nagalit si Caleb at bahagyang nagbago ito ng anyo at isinandal ang bata sa pader.

“Caleb! Ibaba mo ang bata, loko ka talaga eh totoong aswang naman tayo! Ibaba mo siya o malilintikan ka sa'kin!” sigaw ni Efren sa anak.

Humahangos sa takot si Pulgoso at bumalik sa anyo ng tao si Caleb.

Agad namang lumabas si Doming ng marinig niya ang komosiyon.

“Ano ba'ng nangyari?!” tanong nito.

“Bigla na lang kaming inatake ng batang ito, sino ba ‘tong bata na ‘to Doming?” tanong ni Efren.

“Si Pulgoso, anak ng pinsan kong pinatay ng mga aswang pati ang asawa niya, at siya lang ang nakaligtas.”

Biglang nakaramdam ng awa si Caleb sa bata sa narinig niya, kaya pala ganoon na lang ang galit nito nang atakehin sila.

PULGOSO: ANG BATANG ANTINGERO Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon