“Nakakahiya ka Tikboy, hanggang doon ba naman dinadala mo kabaklaan mo? Mas mukha ka pang lalaki kay Noel eh!” galit na wika ni Doming kay Tekla.
“Awtz tay, namemersonal ka na ah, kasalanan ko ba kung mukha mo minana ko, haller?!”
Nagalit na si Doming at akmang hahapasin na ng buntot pagi na nadampot niya si Tekla dahil sa gigil, pinigilan lang ito nila Emilio at Letty.
“Kalma lang insan, natuwa lang guru si Tikboy, malay mo sa mga susunod na araw ay siya na ang pinakamahusay sa kanila.”
Habang nasa gano'n silang senaryo ay may biglang tumawag kay Emilio sa labas ng bahay at pamilyar ito kay Tekla.
“Mang Emilio? Tao po!” tawag ni Noel.
Lalabas na sana si Tekla hinawakan na ni Doming ang mukha niya gamit ang isang kamay at tinulak pabalik.
“Kakasaway ko lang sa'yo, hayan ka na naman, mapapaaga ang buhay ko dahil sa kunsimisyon sa‘yong bata ka!” ani ni mang Doming.
Lumabas si Emilio at hinarap si Noel.
“Uy Noel, ano ba atin ah?”
“Ah, mang Emilio, puwede po ba naming imbetahan sina Tikboy at Pulgoso? Kaarawan kasi ng isa sa mga studyante natin kaya't ibig ng may kaarawan na magkakasama silang lahat.”
Napatingin si Emilio kay Doming, pahiwatig kung papayag ba ito. Tumingin din sina Tikboy at Pulgoso sa kaniya.
“Teka, teka kung makatitig kayo sa'kin parang ang sama ng ugali ko ah, oo na papayag na ako, basta magbihis ka ng maayos Tikboy ah,” saad ni Doming.
****
Para hindi magalit ang kaniyang tatay ay nagsuot lang ng kaswal na damit si Tekla, at ganoon din si Pulgoso, kaya't nang lumabas ang mga ito ng kuwarto ay natuwa si Doming dahil sa wakas ay naging matino na ang ayos ng anak niya.“Ayon, puwede naman pala na ganiyan ang ayos mo eh, hindi ‘yong para kang nalasing na bisugo sa pagsusuot ng damit ng babae at pagpipintura ng mukha.”
“Ay, grabe kayo maka real talk tay ah, parang anak niyo ako sa labas ah.”
Gabi na nang lumabas sina Tekla at Pulgoso, sinabi na rin naman ni Noel kung saan gaganapin ang kasiyahan kaya't hindi na sila nagpasundo pa rito. Nagpaalam na ang dalawa, at nang isinarado na ni Doming ang Pinto ay sinigurado pa ni Tikboy na wala na ang kaniyang tatay Doming.
“Oh, baka mapigtas na ‘yang leeg mo kuya, bakit ba ano ba’ng mayroon?”tanong ni Pulgoso, ngunit tila walang narinig si Tekla.
Pumunta ito sa likod ng kanilang bahay, tinawag siya ni Pulgoso ngunit, pinatahimik niya ito. Hinintay na lamang siya ni Pulgoso at laking gulat ng bata ng nakaayos pambabae na ito. Naka suot ng maikling palda, naka crop top at may kolorete na ang mukha.
Napasapo na lang ng mukha si Pulgoso dahil wala na rin siyang magagawa. Umiiling na lang ito habang nakasunod sa kuya Tikboy niya. Pagkarating sa kanilang destinasyon ay nakatuon lahat ng paningin kay Tekla, naaliw rin ang mga naroon dahil sa kakulitan niya.
Si Pulgoso naman ay tahimik lang na umupo sa tabi, pinagmamasdan ang mga kasama at ang ilang bisita. Kaarawan ng isang dalaga na kasama rin nila sa pag-aaral ng lihim na karunungan. Pawang galing lamang sa pamilya ng mga antingero, albularyo at babaylan ang maaring maging mga mag-aaral sa organisasiyong binuo ng samahan ng mga uri ng pamilyang nabanggit.
Habang nagkakasiyahan ay may napansing isang bisita si Pulgoso, isang lalaki na parang di mapakali. Panay ang tingin nito sa babaeng may kaarawan. Hindi maganda ang pakiramdam niya rito kaya't hindi niya ito nilubayan ng tingin, hanggang sa tawagin siya ni Tekla para kumain kaya't nabaling saglit ang paningin niya.
Muli itong tiningnan ni Pulgoso, ngunit bigla na lang itong naglaho.
“Uy, Pulgoso kain ka na.” Tawag sa kaniya ni Noel. Tumingin saglit si Pulgoso kay Noel at muli hinanap niya ang lalaki.
“Sinong hinahanap mo Pulgoso?” tanong ni Noel.
“‘Yong isang lalaking bisita kuya, hindi mo maipaliwanag pero ang bigat ng pakiramdam ko sa kaniya, tapos nawala pang bigla.”
Tinapik ni Noel ang balikat ni Pulgoso.
“Gutom lang yan, halika na.”
Tatayo na sana si Pulgoso ng biglang nakarinig sila ng sigawan. Agad na pumunta sila ni Noel kung saan nagkakagulo, nawalan pala ng malay ang dalagang may kaarawan.
“Anong nangyari?!” tanong ni Noel sa lahat.
“Bigla na lang po siyang natumba kuya,” saad ng binatang may hawak sa walang malay na dalaga. Natataranta na rin ang mga magulang ng babae ngunit pinakalma silang lahat ni Noel.
Hinawakan ni Noel ang pulso nito.“Hindi maganda ito, may gumamit sa kaniya ng orasyon para sa gayuma at hindi basta gayuma ito may kasama itong barang!” saad ni Noel, at ilang sandali pa nga ay biglang naubo ang babae at nagsilabasan mula sa bibig nito ang iba’t ibang insekto dahilan para magsitakbuhan ang ilan doon.
“Ang lalaking iyon, siya ang may gawa nito kuya,” saad ni Pulgoso at umalis.
“Hoy Pulgoso?! Saan ka pupuntang bata ka!” tawag ni Tekla ngunit di na ito binalingan ni Pulgoso.
“Tikboy, sundan mo si Pulgoso, ako na bahala rito,” saad ni Noel.
Agad na sinundan ni Tekla si Pulgoso, hirap na hirap pa ito dahil sa suot nitong sapatos na may mahabang takong.
***
Hindi na napansin ni Pulgoso na may kalayuan na ang narating niya. Ramdam niyang nasa paligid lang ang lalaking tinutukoy niya dahil sa mutyang suot niya.
“Alam kong ikaw ang may gawa no'n, ano ang motibo mo?! At sino ka, lumabas ka! Nararamdaman kita,” seryosong wik ni Pulgoso.
Isang banayad na pagtawa ang narinig ni Pulgoso, kinakabahan din siya ng mga sandaling iyon dahil hindi pa niya alam kung gaano kalakas ang makakaharap niya.
“Isang bata? Napakalakas naman ng loob mo bubuwet, saan mo hinuhugot ang tapang mula sa maliit na katawan na ‘yan?” ani ng lalaki at marahang lumabas sa mula sa pinagtataguan niya.
Galit na tumingin si Pulgoso rito, at pumosisyon para maghanda sa sakaling pag-atake.
“Alisin mo kung ano man ang inilapat mo roon sa babae!” saad ni Pulgoso.
Ngunit tinawanan lamang siya nito.
“At sino ka para mag-utos?! Dahil masiyado kang nakikialam, kailangang turuan ka ng leksyon,” saad ng lalaki at bigla ay nasa harapan na ito ni Pulgoso ng sobrang bilis at nakangiti ng nakakaloko habang nakatingin sa kaniya.
BINABASA MO ANG
PULGOSO: ANG BATANG ANTINGERO
HorrorNasaksihan ni pulgoso kung paano paslangin ng mga aswang ang kaniyang magulang ng walang kalaban-laban. Ngunit bago pumanaw ang kaniyang ama naihabilin nito ang lahat ng mga kaalaman at kagamitan na ng ama sa kaniya. Ngunit dahil sa bata pa at hindi...