KABANATA- 3

39 2 0
                                    

Pagkauwi ng bahay ay sinalubong agad ni Tekla si Pulgoso.

“Hoy! Aso ni Marimar na nagkatawang tao, maligo ka na dong at kakain na.”

“Opo kuya.” Nagpanting ang tainga ni Tekla sa itinawag ni Pulgoso sa kaniya. Tinaasan niya ito ng kilay at pakembot-kembot pang naglakad palapit kay Pulgoso.

“Anong kuya?! Kita mong naka mini-skirt at ponytail na ako with heels kuya pa rin?! Mula ngayon  ate na itatawag mo sa'kin ate! Intiende! Aray!”

Napasigaw si Tekla ng biglang may pumalo sa ulo niya, hinampas na pala siya ng kaldero si mang Doming.

“Anong ate?! Lilituhin mo pa ‘yong bata kung ano ka eh, naku Tikboy, tigilan mo ‘yang trip mo ah, nakaka-bad trip!” saad ni mang Doming.

“Akala ko ba tanggap niyo na ako tay, pero bakit ganiyan, bakit?” pagda-drama ni Tekla.

“Tanggap kita, malamang no choice na eh, nagladlad ka na, hala sige katayin mo na ‘yong dalawang manok na sinabi ko sa'yo at lulutuin ko ‘yon pang hapunan natin.” Utos ni mang Doming.

Napakamot na lang ng ulo si Tekla habang papunta sa likod ng kanilang bahay na naka-bakya pa. Lihim namang napangiti si Pulgoso at umiwas ng tingin kay Tikboy para hindi ito lalong mainis sa kaniya, pumunta ito sa kuwarto at tiningnan ang baul na pinaglagyan ng mga importanteng gamit ng kaniyang ama, walang kamalay-malay si Pulgoso na sinundan pala siya
ni Doming.

Nakita ni Pulgoso ang nakatagong larawan ng kaniyang mga magulang sa loob ng naturang baul, kinuha niya ito tiningnan. Sa larawang iyon at kandong pa siya ng kaniyang ina habang katabi naman ang kaniyang amang si Delfin.

“Ang dami niyong iniwan sa’king mga gamit, pero hindi niyo naman tinuro sa'kin paano gamitin, eh di sana, nailigtas ko kayo sa mga nilalang na ‘yon, nay, tay,” umiiyak na turan ni Pulgoso. Nahabag naman si Doming sa kaniyang narinig, at nilapitan si Junior at dinamayan.

“May dahilan ang Dios bakit nangyari ‘yon Pulgoso, wag kang mag-alala, lahat kami rito ay tutulungan ka, bibigyan natin ng hustisya ang nangyari sa mga magulang mo.”

***
Nang sumunod na araw ay kasama na naman ni Pulgoso ang tatlong kaibigan niya.

“Oh, ano kumusta mga ginagawa niyong saranggola? Sa’kin malapit ng matapos,” pagyayabang ng kaibigan nila na si Tantan, sigain ito at maangas.

“Sa’kin kaunti pa lang, abala kasi ang kuya sa pag-aaral niya eh,” ani naman ni Mikmik, ang mabait at medyo lutang sa kanila.

“Wala pa nga akong nasisimulan eh, natatakot akong pagalitan ng nanay kapag pinakealaman ko na naman mga gamit ng tatay, eh ikaw ba Pulgoso may nagawa ka na?” tanong ng mataba nilang kaibigan na si Buboy.

Hindi alam ni Pulgoso ang isasagot, dahil unang-una hindi niya alam kung paano gumawa ng saranggola.

“Ah...Oo, ginagawa ko na, matatapos ko rin yon ayon sa napag-usapan natin, pero teka, dapat gabi tayo magpalipad sa biyernes, doon sa may talampas, para saktong-sakto naman sa mga ginawa natin,” ani ni Pulgoso.

“Teka gabi? Sigurado ka ba Pulgoso? Baka pagalitan tayo ng mga magulang natin niyan,” saad ni Buboy.

“Mga mahihina pala kayo eh, eh di wag magpaalam tsaka yon lang naman, naduduwag ka ba Buboy?” saad naman ni Tantan. Napatingin naman ang matabang bata sa mga kaibigan niya.

“Ako? Duwag? Mataba lang ako pero matapang ako noh!” sagot naman ni Buboy ngunit sobrang kabado na siya sa plano nila, dahil isa pa ay gabi ‘yon.

Matapos nilang maglaro ay nagsiuwian na sila. Pagkatapos naman ng hapunan ay nakita ni Pulgoso na nag-aayos ang tiyo Doming niya ng mga halamang gamot nito.

“Tiyo, para saan po ang mga ‘yan?” tanong ni Pulgoso.

“Ah, ito ba? Para ito roon sa manugang ni Berto, buntis kasi iyon at gabi-gabi na raw na dinadalaw sila ng aswang at huhulihin namin ng kuya Tikboy mo ‘yon,” sagot naman ni Doming at nakangiting tumingin kay Pulgoso.

“Puwede po ba akong sumama tiyo? May ibang alam naman akong orasyon para protektahan ang sarili ko na itinuro pa ni tatay, turuan niyo lang po ako ng dapat kong gawin kapag sakaling a-atakehin ako,” sabi ni Pulgoso. Natuwa si Doming sa sinabi ng pamangkin, dahil kabaliktaran ang motibasyon nito kumpara sa anak niyang si Tikboy.

“Puwes, para kay Delfin at habang bata ka pa, tuturuan na kita. Maaga kang gumising bukas at pag-aaralan natin ang ilan sa mga libro at libreta ng tatay mo ha, sa ngayon matulog ka na muna.”

Tuwang-tuwa si Pulgoso sa sinabi sa kaniya ang tiyo Doming niya, naglinis na muna siya ng katawan at nagbihis tsaka pumasok sa silid nila ni Tikboy. Napasigaw naman siya ng pahiga na sana siya at napalingon sa kama ni Tikboy, nakangisi kasi Tekla habang may facial mask.

“Ah...maligno!” sigaw niya, nagtakbuhan naman sina mang Doming, Caleb at Efren sa kuwarto ni Tekla, dala ni mang Doming ang kaniyang tansong tabak samantalang nasa anyon aswang naman sina Caleb at Efren. Sigaw pa rin ng sigaw si Pulgoso habang nakapangalumbaba naman si Tekla at nakataas ang kilay niyang nakatingin lang kay Pulgoso.

“Nasaan ang maligno?! Nasaan?” saad ni mang Doming. Napasapo ito ng mukha ng malamang si Tekla pala ang tinutukoy ni Pulgoso.

“Grabe naman makamaligno ‘tong batang  ‘to, ni hindi na nga ako nagreklamo na pang aso ang pangalan mo, facial mask ito pampaganda! Kalokang bata ‘to,” ani ni Tikboy.

“Pampaganda? Eh nagmukha ka ngang maligno diyan sa pinaglalagay mo sa mukha mo, langya kang bata ka nabulahaw pa tuloy kami nila Efren dahil sayo!” galit na turan ni mang Doming.

“Oops tay, don't say bad words, if mukha akong maligno tapos tatay ko kayo, so kanino ako nagmana? Ay malamang kay nanay,” ani ni Tekla, Nainis si mang Doming sa sinabi ni Tekla kaya't kinuha niya ang isang tsinelas niya at akmang ihahampas kay Tikboy, pero inawat siya nila Efren at Caleb at binitbit papunta sa kuwarto nito.

“Tama na ‘yan kaibigan, matulog na tayo, ang altapresyon mo,” saad ni Efren, isinara naman ni Caleb ang pinto ng kuwarto nila Tikboy at si Pulgoso naman ay agad na nagtalukbong ng kumot.

PULGOSO: ANG BATANG ANTINGERO Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon