KABANATA -12

24 0 0
                                    

“Mga mahihina! Ang lakas ng loob niyong gambalain kami!” galit na wika ng engkanto.

Naramdaman ni Tekla na parang may kung anong sumasakal sa kaniya dahilan para mahirapan siyang huminga. Ng makita ito ni Pulgoso ay hindi na rin siya nagdalawang isip na pukulan ng tigalpo ang nilalang, dahilan para mapaatras ito at maitigil ang ginagawa kay Tekla.

Bumagsak si Tekla sa lupa na habol-habol ang paghinga, panay ubo ito at hawak ang leeg. Inalis ni Pulgoso ang sabulag na binalot niya sa kaniyang sarili at kinaharap ang itim na engkanto. Nagulat ang nilalang na isang bata lang pala ang umatake sa kaniya.

“Isang bata?! Pangahas ka! Parehas kayong mamamatay ng kasama mo!“ saad ng engkanto, ngunit napatigil ito ng inilabas na ni Pulgoso ang tangan niyang mutya.

“Maaring sa sukat at lakas ay matatalo mo ako, pero alam kong alam mo na hindi gano'n ang laro mo, itim na engkanto. Kayang-kaya kitang tapusin agad ngayon gamit lamang ang mga kaalaman na itinuro ng aking ama!” seryosong wika nito.

Napataas ng kilay si Tekla sa mga sinabi ni Pulgoso, kita rin sa mga mata nito na hindi ito natatakot kahit na mataas na uri na ng engkanto ang kaharap niya. Sinubukang atakehin ng nilalang si Pulgoso ngunit tila hirap itong humakbang palapit sa bata.

“Wag mo akong susubukan, at masiyadong minamaliit dahil sa ’king sukat. Ibibigay mo ba sa'min si ma'am Gina o hindi?!” galit ng wika ni Pulgoso.

Nanggalaiti sa galit ang engkanto, nilapitan naman ni Gina ang nilalang kung saan sa paningin niya ay napakaamo at napaka-guwapo nito. Hinawakan niya ang braso nito at humarap kina Pulgoso.

“Sino ba kayo? Bakit niyo ba kami ginagambala ni Julio, nagmamahalan kami, kaya't kung manggugulo lamang kayo sa'min ay umalis na kayo!” ani ni Gina.

“Hep! hep! Hooray maging Gina, dai, dihins mo ba nakikita ang mukha niyan? Aba'y parang naglalakad na uling, I mean maligno yan mare, gumising ka nga!” saad naman ni Tekla.

“Kahit anong gawin niyo, hindi niyo makukuha si Gina sa'kin, kung gusto niyo siyang makuha, buhay ng mahalaga kay Gina ang hihingin kong kapalit!”

Akma pa sanang susugurin ni Tekla ang engkanto ngunit pinigilan siya ni Pulgoso.

“Wag muna kuya, hindi natin siya basta madadaan lang sa pakikipaglaban, tandaan mo hindi ito ang totoong mga katawan natin.”

Nagising mula sa pagkakatulog sina Tekla at Pulgoso, marahan namang inalis na muna ni Doming ang gintong sinulid na itinali niya sa mga ito.

“Anong nangyari? Anong nakita niyo roon? ” agad na tanong ni mang Doming.

“‘Yong Julio na sinasabi ni ma'am Gina tay, ‘yon pala ‘yong engkanto na gustong kumuha sa kaniya, ayaw niyang sumama sa'min, malakas ang sabulag na nilagay niya kay ma'am Gina gayundin din ang ilusiyon, dahil ayaw siyang iwan nito, ” saad ni Pulgoso.

Ng marinig ni Mr. Lim ang boses nila Pulgoso ay agad na pumasok ito ng kuwarto.

“Ano na nangyari? Ligtas na ba Gina? Ayos na ba akin asawa, ha Doming?”

Malungkot na hinarap nila Doming si Mr. Lim na noon ay labis na ang pag-aalala.

“Mr. Lim, isang mataas na uri ng engkanto ang may hawak sa asawa mo, matinding hipnotismo ang nilapat sa kaniya, medyo matatagalan tayo,” tugon ni Doming sa matandang itsik.

Biglang naalala ni Pulgoso ang sinabi ng engkanto, na buhay ang kapalit ng kalayaan ni Gina.

“Mr. Lim, may alaga po ba si ma'am Gina, na sobrang mahalaga sa kaniya?” tanong ni Pulgoso.

“Alaga? Oo mayroon, yong dalawang maliit na aso na kulay puti, sobrang mahal ni Gina mga ‘yon bakit ikaw tanong hijo?”

Kinausap ni Pulgoso ang tiyuhin na si Doming, na gawing alay sa engkanto ang mga alaga ni ma'am Gina para makalaya ito, at kapag sakaling hindi pa rin, doon na sila makikipagtuos sa nilalang. Kinausap nila si Mr. Lim kung sasang-ayon ba ito, kahit na labag sa loob at alam niyang ikagagalit ito ng kaniyang asawa ay pumayag siya, mas mahalaga ang buhay ng asawa niya kaysa sa mga alaga nito.

Kinabukasan ay kinaharap muli nila ang engkanto at ng mga sandaling iyon, ay sinimulan ng ialay nila Doming ang dalawang alagang aso ni Gina.

Hindi na tiningnan ni Mr. Lim ang nangyari, dahil masakit din sa kaniya iyon ngunit wala na silang mapagpipilian. Muli ay napunta sila Tekla sa mundo ng itim na engkanto at nakita nilang muli roon sina at ang nilalang na kumuha rito.

“Nandito na naman kayo! Wala talaga kayong kadala-dala!” saad ng nilalang.

Palihim na umusal ng orasyon sina Tekla at Pulgoso para basagin ang sabulag na nilagay ng nilalang kay Gina. Ilang sandali pa ay bumalik sa ulirat Gina, ng mga sandaling iyon din ay nagawa ng ialay nilaa Doming ang dalawang aso.

Napasigaw si Gina ng makita na niya ang tunay na anyo ni Julio.

“Anong klaseng nilalang ka?! Nasaan ako?! ”

“Finally, nagising na rin si mareng Gina, hoy mare nandito kami para iligtas ka, nag-aalalaa na asawa mo sa'yo! ” saad ni Tekla.

“Hindi Gina! Dito ka lang, hindi ka puwedeng umalis!” ani ng engkanto ngunit, tumakbo na ito  palapit kina Tekla.

“Hanggang diyan ka na lang, nag-alay na kami, gaya ng nasabi mo bilang kapalit, hindi mo maaring bawiin ang nasabi mo na, dahil kung hindi, dito ka mam@t@y sa mundo mo nilalang!” pagbabanta ni Pulgoso.

Sinubukan pang manlaban nito ngunit isang malakas na orasyon ang iginawad ni Pulgoso rito kaya't namilipit ito sa sakit at nakiusap na itigil na nito ang kaniyang ginagawa.

“Hindi kami narito para makipaglaban, nandito lang kami para kunin ang taong hindi dapat nandito sa mundo ninyo! Lumayo ka na at wag mo na ulit siyang gagambalain!”

Hindi na lumaban pa ang nilalang kahit na galit pa ito, naririnig na rin nila Tekla at Pulgoso ang boses ni Doming. Maya-maya nga ay nagkaroon na rin sila ng malay, at unti-unti na ring nagkakaroon ng kulay ang maputlang balat ni Gina.

Ng magkamalay sila ay inalis agad ni Doming ang gintong sinulid na nilagay niya sa mga kamay nito. Si Gina naman ay marahang ibinuka ang mga mata.

“Nasaan ako? Nasaan si Dy, ang asawa ko?” tanong nito.

Biglang napansin ni Gina ang dalawang dog tag na nakasabit sa  ding-ding nila Doming. Saktong pumasok naman si Mr. Lim at tuwang-tuwa na gising na ang asawa. Malawak na ang kaniya ngiti ngunit, napatigil siya ng tanungin siya nito.

“Dy? Bakit nandito ang tag nina Chu at Chay?”

“Dy— Lim, may magdidilim talagang paningin ngayon,” saad ni Tekla at nag-umpisa nang magkamot ng ulo si Mr. Lim

PULGOSO: ANG BATANG ANTINGERO Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon