Kabanata 2: Ang Obra ng Baliw

67 5 0
                                    

Kabanata 2: Ang Obra ng Baliw

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 2: Ang Obra ng Baliw

SAWIMPALAD sa gabing iyon ang dalawang magnanakaw na nakasuot ng itim na damit habang lumalakas ang pagluha ng langit, na animo’y nakisimpatiya sa kabiguang mapasakamay ang obra-maestra ng baliw na pintor. Pera na sana na kasinggaan ng papel, tumigas pa’t naging bato. Dahil nauwi sa wala ang balak at paghihirap, tinalunton na lamang nila ang landas patungo sa likod ng malaking bahay at lumisan.

Sa kabilang dako, naghuhuramentado ang puso ni Thiago nang may tumakip sa bibig niya sa loob ng aparador. Ipinihit niya ang kaniyang leeg sabay tutok ng ilaw ng selpon niya sa hindi inaasahang kasama. Mariin siyang napalunok at namilog ang kaniyang mga mata nang tumambad sa paningin niya ang isang lalaking may pamilyar na itsura—ang abuhing buhok ay gulong-gulo ngunit nakatatawag-pansin at ang ibaba ng mga mata nito ay kulay-uling. Sa tantiya niya, nasa dalawampu ang edad nito.

Nagkukumahog siyang makalabas sa labis na sorpresa, kung kaya’t bigla na lamang bumukas ang aparador. Tila ba tinamaan ng katamaran ang oras, dahan-dahang sinalo ng malamig na sahig ang kanilang katawan. Mabuti na lamang at walang kagatol-gatol na iniharang ng lalaki ang braso nito upang hindi mabagok ang ulo ni Thiago.

Lalong bumilis ang tibok ng kaniyang puso nang makulong sila sa titig ng isa’t isa. Ibinuka ng mga paruparo ang dalawang pares ng pakpak na may samot-saring kulay at nagliwaliw sa loob ng kaniyang tiyan. Naglaho ang gulat at pangamba sa isang iglap; sa katunayan, lubusang naapula ang anumang negatibong emosyon.

Pagkaraan ng ilang sandali, pumaibabaw sa kaniya ang lalaki habang nakainat ang maputla nitong mga labi. “Ang saya ko sapagkat sa wakas ay nakalabas na ako sa mundo ko, kahit hindi ko alam kung permanente ba ito o pansamantala lang. Salamat pa rin, master.”

Muntikan nang masabi ni Thiago, Buang! Salamat sa tulong mo at ’di ako nabagok. Pero mukhang ikaw ang nabagok? Ano’ng pinagsasabi mo? subalit hindi niya ginawa. Ayaw niyang maging bastos. Ang lalaking iyon pa rin ang nagligtas sa kaniya nang dalawang beses: Una, mula sa dalawang akyat-bahay; at pangalawa, sa pagharang nito ng bisig upang hindi siya mauntog. Kaya, sa halip na sabihin iyon, iba na lamang ang lumabas sa bibig niya: “Ikaw si Henrie Kang, tama ba ’ko? Bakit ka nagtatago sa loob ng kabinet? Akala tuloy ng lahat, nababaliw ka na at biglang nawala na parang bula. Kung ’di mo mamasamain, may pinagtataguan ka ba?”

Dahil na rin siguro sa pangangalay, dahan-dahang bumangon ang dalawa at pinagpagan ang kanilang damit. Doon lamang niya napansin ang suot ng lalaki—puting damit na may mahabang manggas at itim na pantalon. Lumapit ang lalaki sa may bintana habang ang dalawang kamay ay nakakubli sa bulsa ng pantalon, samantalang inaabangan naman ni Thiago ang sagot nito.

“Walang tama sa nabanggit mo, master.” Nang hindi siya tinatapunan ng tingin, binasag nito ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. “Hindi ako nagtatago sa aparador, hindi ako nasisiraan ng bait, at wala rin akong pinagtataguan. At higit sa lahat”—unti-unting pumihit ang katawan nito upang bumaling kay Thiago—“hindi ako si Henrie Kang.”

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon