Kabanata 13: Si Imani

17 2 0
                                    

Kabanata 13: Si Imani

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 13: Si Imani

WALANG kagatol-gatol na tumakbo sina Thiago, Kang, Ambrose, at Manaow, kaya hinabol sila ng dalawang lalaking may masamang balak sa ipinintang larawan. Sa katunayan, nakini-kinita na ito ni Thiago, at malakas ang kutob niyang naghahanap lamang ng tiyempo ang mga lalaking iyon.

Nagsihawian ang ibang tao nang matanaw silang apat, subalit ang iba ay parang wala lamang—iyong tipong wala silang pakialam hangga’t hindi sila ang naagrabyado. Kung iisiping mabuti, mayroon din silang sariling laban at hindi nila laban ang kinahaharap ngayon ng apat.

Ilang sandali lamang ay may nakita silang makipot na eskinita, kaya kaagad silang nagtungo roon. Saglit silang tumigil upang pagplanuhan nang maagi ang susunod na hakbang para matakasan ang mga humahabol sa kanila. Lahat sila ay sunod-sunod na nagbuga ng hangin habang tagaktak ang pawis sa noo.

Walang ano-ano’y unti-unting nabubura ang katawan ni Kang, dahilan upang mapasinghap silang tatlo. Sa isang iglap ay tuluyang naglaho ang binata at bumalik sa ipinintang larawan.

“Perfect timing!” ang naibulalas ni Ambrose na nasundan ng ngisi. “Ngayon, kailangan nating matakasan ang dalawang ’yon. Thiago, Manaow”—tinapunan niya ng tingin ang dalawang kaibigan—“humanap kayo ng ligtas na lugar. Ako na ang bahalang magpahabol sa dalawang art thieves. Kapag ayos na ang lahat, tatawagan ko na lang kayo. Is that clear?”

Habang tumango-tango si Thiago at sumang-ayon, “Sige,” kumontra naman si Manaow, “Bakit ’di na lang tayo magtago? Bakit need pa nating maghiwa-hiwalay?” Itinulak pa ng dalaga ang kaniyang ibabang labi pasulong.

“Ayokong mapahamak kayo,” matigas na saad ni Ambrose.

Kaagad na iniabot ni Thiago kay Ambrose ang dalang karagdagang blangkong canvas at sinabing, “Dalhin mo ’to. Linlangin natin sila. Siguradong iisipin nilang hawak mo ang self-portrait ni Henrie Kang ’pag bitbit mo ’to.”

Marahang napatango-tango si Ambrose bilang pagsang-ayon sa ideyang naisip ni Thiago. Dali-dali siyang bumalik upang magpahabol sa dalawang lalaki habang hawak-hawak ang hugis-parihabang bagay. Nang maaninaw siya ng mga ito, sinikap ng dalawa na lakihan ang kanilang hakbang upang habulin ang kaniyang mga paa, subalit mukhang nahihirapan ang mga ito sapagkat likas na mabilis tumakbo si Ambrose.

Samantala, sina Thiago at Manaow naman ay matuling tumakbo papunta sa ibang direksiyon, hindi alintana ang butil-butil na pawis. Di-kaginsa-ginsa, may humintong itim na sasakyan sa harapan nila na ikinalaki ng kanilang mga mata. Kumurba ang mga labi ni Thiago at pumalakpak ang mga tainga nang matanaw mula sa bintana ng kotse ang isang babaeng kilalang-kilala niya—ito ay walang iba kundi si Imani, ang kaniyang tiyahin na hindi nalalayo ang edad sa kaniya.

“T-Thiago? What happened? Bakit kayo tumatakbo?” halos magdugtong ang mga kilay na tanong ni Imani.

Nagpalinga-linga si Thiago sa kaliwa’t kanan, mistulang isang kriminal na kasalukuyang sinusuri ang paligid kung mayroon bang rumorondang mga alagad ng batas. Wala siyang ibang nasagot kundi, “Mahabang kuwento, e.”

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon