Kabanata 7: Pananaghili

23 2 0
                                    

Kabanata 7: Pananaghili

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 7: Pananaghili

ISANG linggo na ang lumipas, subalit hindi pa rin maalis sa isip ni Thiago ang sinabi ni Manaow noon: “Kaya hindi ka pinapansin o iniiwasan ng classmates natin, it’s because ang dating girlfriend ni Henrie Kang ay . . . tita mo.” Parang bombang sumabog sa harapan niya ang mga salitang iyon. Bagaman binalaan na siya ng dalaga na huwag mabibigla, ngunit ganoon pa rin ang nangyari. Muntik nang sumayad ang kaniyang panga sa magaspang na semento sa labis na sorpresa.

Sa loob ng isang linggo, paulit-ulit niyang tinatawagan ang tita niya, subalit hindi ito sumasagot. Noong hapong iyon, tinawagan niya kaagad, ngunit wala siyang napala. Sa sumunod na araw, muli niyang sinubukan, ngunit nabigo lamang siya. Hanggang ngayon, hindi niya pa rin ito nakauusap. Naisip niyang baka alam ng tita niya ang pakay niya at ayaw nitong pag-usapan ang nangyari sa nakaraan, o baka abala lamang ito sa pag-aaral sa kolehiyo.

Bata pa lamang ang tita ni Thiago noong isinilang siya ng kaniyang ina, kung kaya’t hindi magkalayo ang agwat ng edad nila—kung siya ay labingwalong taong gulang, dalawampu’t isa naman ang kaniyang tita. Madalas silang mapagkamalang magkapatid o magpinsan noong bata pa lamang sila. Subalit nang lumaki na, tuluyan silang nagkahiwalay. Tumira ang tita niya sa bahay-panuluyan ng kaniyang lola, habang nanatili naman siya sa puder ng kaniyang ina sa siyudad.

Ngayon ay bumaligtad ang sitwasyon; sa siyudad nag-aaral at nagtatrabaho ang tita niya, samantalang lumipat naman siya sa Primero de Julio.

Parati nang magkasama sina Thiago, Ambrose, at Manaow sa paaralan. Noong kalilipat lamang ni Thiago sa Primero de Julio, walang pumapansin sa kaniya, ngayon, palagi nang may baong tsika si Manaow sa kaniya tuwing lumilipat ito sa tabi ng upuan niya. Sabay rin silang bumibili sa kantina. Pero, hindi nawawaglit sa isipan nila ang kanilang layunin: kailangan nilang mangalap ng impormasyon tungkol sa nawawalang pintor para matulungan si Kang.

“Ano ba’ng gusto mo, Kang?” ang tanong na ibinato ni Thiago sa lalaki noong tumambay sila sa itaas ng gusali. (Palagi na niyang bitbit ang tahanan ni Kang sa dahilang ayaw na niyang maulit ang nangyari noong isang linggo.) Bumuo sila ng bilog habang nakaupo sa magaspang na semento.

“Bakit, tutuparin mo ba ang wish niya?” si Manaow iyon na abala sa pagguhit sa isang puting papel.

Samantalang si Ambrose naman ay maya’t mayang napatingin sa direksiyon ni Thiago.

Napatingala si Kang sa kaitaasan; mayroon siyang namataang iilang ibong malayang nakalilipad. “Nais kong lumaya. Iyong hindi na ako hihigupin ng hugis-parihabang bagay kung kailan nito gusto. Nais kong mamuhay kagaya ninyo—normal, malaya, at masaya,” pahayag niya na nasundan ng buntonghininga.

“’Di naman parating normal at masaya ang buhay, Kang,” wika ni Thiago. “Minsan, meron ding unos o mga pagsubok.”

“Pero . . .” May namuong luha sa gilid ng mga mata ni Kang. Pagkatapos, mariin siyang napalunok. “. . . malaya kayo. Ako, para akong pinayagang umalis ng bahay, subalit may nakakabit pa ring kadena sa mga paa.”

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon