Kabanata 16: Herpes at Kahlo

19 3 0
                                    

Kabanata 16: Herpes at Kahlo

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 16: Herpes at Kahlo

IBINUKA ni Henrie Kang ang bibig niya, gusto niya sanang sabihing, Tumahimik ka! Ang dami mo nang ginawa! Ginamit mo ang mukha ko para patayin si Dion! At para magmukha akong guilty, kinopya mo ulit ang itsura ko at kumuha ka ng gamit sa kuwarto ko para palabasin na tumakas ako! Pero nag-isip siya nang ilang segundo. Hindi niya ito maaaring galitin sa dahilang hawak nito ang kaniyang buhay. Sa halip na sabihin iyon, nagsaboy na lamang siya ng kuwestiyon: “B-bakit . . . bakit mo ’to ginagawa?”

“Simple lang, gusto ko ng kasama rito. Pero nasira ko nga pala ang pangalan mo, ’no?” Malakas na halakhak ang tumakas sa bibig ng kausap niya. Lumakad ito sa damuhan habang nakahalukipkip at nakaangat ang kanto ng mga labi. “’Wag kang mag-alala, Henrie Kang, madali lang ’yan. Dahil espesyal ka, hahayaan na lang kitang mamuhay sa labas pagkatapos ng lahat. Pero . . . may kapalit. Buburahin ko ang mga alaala ng lahat ng tao—siyempre, maliban sa pamilya mo—tungkol sa ’yo. Hindi ka na nila makikilala bilang isang ‘pintor.’” Tuluyan itong huminto at bumaling sa kaniya. “Ibig sabihin, kailangan mong magsimula ulit. Naintindihan mo?”

Ilang minuto siyang hindi umimik. Nang maayos na ang mga salita sa kaniyang utak, sabi niya kaagad, “Hindi si Thiago . . . hindi siya ang ikukulong ko rito kapalit sa ’kin.”

Halos magdugtong na ang mga kilay ng kausap niya. “Kung hindi si Thiago, e, sino?” ang katanungang ibinato nito sa kaniya. Ngunit nakipagtitigan lamang siya rito.

* * * * *

ALAS-DOS ng madaling araw na ngunit hindi pa rin makatulog si Thiago kaiisip sa mga nalamang impormasyon. Nagtaas-baba ang kaniyang mga balikat habang patuloy ang paglalakbay ng kanang kamay na may hawak na ballpen sa bawat linya ng kuwaderno; dinudugtungan niya ang kuwento nila ng lalaking may kulay-abong buhok.

Hindi mawaglit sa kaniyang isipan na nilinlang siya ni Kang—na malaki ang posibilidad na ito talaga ang nawawalang pintor na si Henrie Kang. Sumariwa sa isip niya ang mga alaala nilang dalawa: Noong nagtagpo ang landas nila sa mansyon ng Pamilya Kang; noong naghapunan sila sa kainan ni Aling Bebang na kung saan hindi sapat ang kaniyang pera, kaya bumagsak sila sa kusina at patong-patong na mga hugasin ang bumati sa kanila; noong pumasok siya sa loob ng larawan at akala niya ay sinadya iyon ni Kang upang siya naman ang makulong; at noong binigyan siya ng ideya ng binata na isulat ang kanilang istorya.

Nag-unahang pumatak ang kaniyang mga luha sa hinabing mga salita, panaka-nakang nagtaas-baba ang magkabilang balikat, at maya’t maya siyang sumisinghot. Bumaling siya sa ipinintang larawan sa ibabaw ng kaniyang kama, at sigaw ng utak niya, Pa’no mo nagawa ’to, Kang? Pinagkatiwalaan kita, pero ano’ng isinukli mo? Niloko mo ’ko! Pinagmukha mo ’kong tanga!

Isang kuwestiyon pa ang bumagabag sa kaniya: Kung sakaling hindi sila naging malapit sa isa’t isa, siya kaya ang ipapalit ni Kang sa loob ng larawan? O ang mas angkop na tanong ay: Tunay kaya ang lahat ng ipinakikita ng binata sa kaniya?

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon