Kabanata 12: Ang Sigaw

18 2 0
                                    

Kabanata 12: Ang Sigaw

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 12: Ang Sigaw

HUMINGI ng dispensa si Ambrose sa nagawa niya sa galerya ng sining, lalo na’t nahakot niya ang atensyon ng lahat ng dumalo. Aniya pa, natangay lamang siya ng pagragasa ng kaniyang emosyon. Pero ang totoo, hindi pa rin natatanggal ang duda niya kay Kang. Sumagi sa kaniyang isipan na hindi siya maaaring tahol nang tahol, nararapat na mayroon siyang hawak na pruweba na magdidiin sa binata.

Matulin na lumipad ang oras at dumating na naman ang araw ng Linggo. Nagkaayos na sina Ambrose at Kang—iyon ang akala nila. Muling lumapit si Ambrose sa ama niya upang magpaalam na pupunta siya sa siyudad ng La Promesa, ngunit gaya ng inaasahan, isang malutong na “Hindi!” ang natanggap niya mula rito. Tila sinabuyan ng tubig ang kaniyang apoy ng pagnanais, subalit hindi siya makapapayag, kailangan niya ng panibagong posporo at panggatong.

“Hindi ako pinayagang lumabas, e,” ang sinabi ni Ambrose sa kabilang linya. Kasalukuyan niyang kausap si Manaow. Tumawag ang dalaga para itanong kung tuloy ba sila sa La Promesa mamayang gabi. “Kontra talaga siya sa passion ko. Ang bukambibig niya: susunod daw ako sa kaniyang mga yapak. But I have to do something.”

“Nakaka-sad naman,” si Manaow iyon na nasundan ng buntonghininga. Ilang sandali pa, bigla na lamang itong nagdagdag ng, “Alam ko na, Ambrosio! May naisip akong magandang plano!”

Tila nahawa si Ambrose sa enerhiya ng dalaga at sa isang kisapmata ay nabuhayan siya ng loob. Dali-dali siyang tumayo at mistulang sinisilihan ang puwet. Ilang segundo lamang ang lumipas, tuluyang tumakas sa bibig niya ang salitang, “Ano?”

“Basta, I need Thiago’s help . . .”

* * * * *

NAG-AAGAW-BUHAY na ang araw sa kaitaasan, kung kaya’t ang kalangitan ay napipinturahan ng kulay-uling at dalandan. Makikitang binagtas nina Thiago at Manaow ang daan patungo sa mansyon ng Pamilya Arreglado. Kapansin-pansin ding panay ang tulakan nila sa isa’t isa na animo’y hindi pa sila desidido sa kanilang gagawin.

“Ikaw na,” anang dalaga at marahang itinulak ang binata. Nakasuot siya ng itim na damit at pinaresan ng kulay-dagat na pantalon na may disenyong butas-butas.

“Ikaw na,” giit naman ni Thiago at kaagad na umatras. Nakasuot din siya ng pantalon na kupas na ang kulay at saka puting damit na pinaibabawan ng berdeng dyaket. Kipkip pa rin niya sa kilikili ang ipinintang larawan. Mapapansing medyo makapal ang binalot niya sapagkat mayroon siyang dalang karagdagang blangkong canvas.

Bumuntonghininga si Manaow bago magbitiw ng, “Sige na nga!” Klinaro niya ang kaniyang lalamunan at inihanda ang sarili. Mas binilisan niya ang paglalakad, at nang malapit na siya sa tarangkahan ng mansyon, nagpakitang-gilas siya sa kakayahan niyang umarte. Umakto siyang halos mahimatay dahil sa uhaw. Napahawak siya sa kaniyang noo at nawalan ng balanse.

Doon na umeksena si Thiago at patakbong nilapitan ang dalaga. Umupo siya at hinawakan ang magkabila nitong balikat. “Tulong! Tulungan n’yo kami!” Nang makitang bumukas ang tarangkahan at iniluwa niyon ang tarantang guwardya, sinunggaban niya ang pagkakataon para makapasok sa loob ng mansyon. “K-kuya,  tulungan n’yo kami. M-may hinahanap kasi kami kaya lakad kami nang lakad kanina habang mataas pa ang sikat ng araw. Siguro, nahimatay itong kasama ko dahil sa uhaw. Puwede po bang makahingi ng tubig?” Umakto pa siyang nauutal upang mas kapani-paniwala.

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon