Kabanata 9: Hunyango

18 2 0
                                    

Kabanata 9: Hunyango

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 9: Hunyango

NAKUMPIRMA ni Thiago na tama ang hinala niya nang magmadaling kumilos ang lalaki. Dinukot nito ang isang malaking kahon na nakapatong sa lamesa at walang ano-ano’y binasag nito ang bintana, dahilan upang mapaangat nang bahagya ang mga balikat ni Thiago at halos lumukso ang kaniyang puso. Pagkatapos, lumusot ang lalaki sa bintana at tumalon sa damuhan.

“Thiago, ano ang nangyari? Sino iyon?” nag-aalalang sambit ni Kang nang makapasok sa kuwarto. Mula sa likuran, ipinatong niya ang mga kamay sa magkabilang balikat ni Thiago at agarang inilibot ang tingin sa madilim na silid.

“Si Henrie . . . nandito si Henrie Kang kanina,” tugon niya. Bagaman nanginginig, dahan-dahan niyang inihakbang ang mga paa palapit sa bintana upang dumungaw. Subalit wala na ang lalaki.

“Wala naman, a,” iyon ang wika ni Kang habang pinaraanan ng tingin ang damuhang maayos na tinabas. Kagaya ni Thiago, binigo rin siya ng kaniyang mga mata sapagkat wala siyang nakitang tao.

Dahil may naulinigan silang ingay sa ibaba—tiyak dumating na ang tiyahin ni Henrie Kang—wala silang ibang nagawa kundi tumalon din sa bintana. (Nais sanang kausapin ni Thiago ang tita ng pintor dahil iyon naman talaga ang pakay niya, ngunit hindi sila maaaring maabutan sa loob.) Bumagsak sila sa mga bubog na nabahiran ng dugo. Natutop nila ang kanilang bibig, pinipigilang makalikha ng anumang ingay. Pagkatapos, maingat silang tumayo. Nang mapansing bumukas ang ilaw sa ikalawang palapag, agaran silang pumuwesto sa bahaging hindi sakop ng liwanag ng buwan upang hindi mahuli.

Isang bagay lamang ang tumatakbo sa isipan ni Thiago sa gabing iyon: Dahil tumakas si Henrie Kang, pinatunayan lamang nito na may kinalaman ito sa pagkamatay ni Dion. Tunay ngang ginampanan ng pulisya ang kanilang tungkulin at masusing nagsiyasat; hindi nila gagawing suspek ang pintor nang walang dahilan.

* * * * *

MATAPOS ang klase nila kinabukasan, nagtungo ang magkaibigan sa paborito nilang tambayan—sa itaas ng gusali—para pag-usapan ang nangyari kagabi.

Nag-akmang hahaplusin ni Thiago ang ipinintang larawan upang palabasin si Kang nang bigla na lamang dumaan sa paligid ng magkabila nilang tainga ang hagulgol ng isang babae—batay sa boses nito. Dali-dali nilang iginala ang kanilang mga mata at doon ay dumapo ang tingin nila sa isang dalaga na nakasandig sa isang sulok; nagtaas-baba ang magkabila nitong balikat at nagbatis ang luha mula sa mga mata.

Kaagad silang humakbang palapit sa dalaga. Namukhaan nila ito, walang iba kundi sa Auster. Hindi nila matukoy kung ang problema ba nito ay tungkol sa eskuwela, sa pamilya, o kabiguan sa pag-ibig, kung kaya’t si Ambrose na ang nangahas na magsaboy ng kuwestiyon: “Auster, what’s the matter?”

Lalong lumakas ang hagulgol ng dalaga nang mapagtantong may ibang tao pa sa itaas ng gusali bukod sa kaniya. Niyakap niya ang dalawang tuhod at itinago ang kaniyang mukha. Makailang ulit siyang suminghot bago siya magsalita, “U-umalis kayo rito. L-leave me alone!”

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon