Kabanata 4: Si Monalisa

36 2 0
                                    

Kabanata 4: Si Monalisa

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 4: Si Monalisa

MANGIYAK-NGIYAK na napapadyak si Thiago sa damuhan na parang isang tsikiting na inagawan ng laruan. Ang gumugulo sa isip niya, Nasaan na si Kang? Nilinlang niya ba ’ko? Pinapasok niya ako rito sa loob para ako naman ang makulong dito? Thiago, bakit ka nagpauto?

Inilibot niya ang kaniyang mga mata sa paligid at nasilayan ang isang punong pinalilibutan ng mga alitaptap na hindi magkamayaw. Hindi rin nakaligtas sa paningin niya ang bangkong gawa sa kahoy na malapit sa puno. Bagsak-balikat siyang naglakad upang umupo rito. Nilalasap niya ang malamig na simoy ng hangin; dumadampi ito sa balat niya na para bang marahang halik na iginawad sa kaniya.

Nadedekurasyunan ng mga bituin at maliwanag na buwan ang kalangitan. Nabusog nga ang kaniyang mata dahil sa mga nakikita, subalit nabagabag pa rin siya sa ginawa sa kaniya ni Kang. Sa mga oras na iyon, hindi niya alam kung makalalabas pa ba siya o habang-buhay na siyang makukulong.

Habang nalulunod ang isip sa pagitan ng takot at pag-aalala, di-kaginsa-ginsa, bumagsak ang katawan ng isang lalaki sa damuhan, dahilan upang saglit na napaangat ang magkabila niyang balikat. Tumayo siya at walang pag-aalinlangang tinakbo ang distansiya sa pagitan nila ng lalaking may magulo’t abuhing buhok.

“Okey ka lang ba?” agarang tanong niya sa binata. Iniabot niya kaagad ang kaniyang kamay para tulungan ito.

Nang makatayo si Kang, sabi nito, “Ayos lang ako.”

“Bakit ang tagal mo? Nakita ka ba n’ong mga humahabol sa ’tin? Namukhaan mo ba sila? P-paano kung . . .” Napatingala si Thiago sa kaitaasan at mariing napalunok. “. . . mapulot nila tayo ’tapos ibenta?”

“Huminahon ka, Thiago. Hindi nila ako nakita,” paniniyak nito, ang boses ay tila may hatid na pampakalma. “Sa katunayan, nang marinig kong may papalapit na mga yabag, nagtago muna ako sa malaking paso bago tumalon dito papasok. Huwag kang mag-alala, sa ibang daan sila nagtungo, kaya sigurado akong hindi nila mapupulot itong tahanan ko at hindi nila tayo makukuha.”

Pagkapasok ng mga sinabi ni Kang sa dalawa niyang tainga, pakusang kumurba ang kaniyang mga labi at tila ba nabunutan siya ng tinik sa lalamunan. Sa isang iglap ay namaalam ang mga agam-agam. Gusto niyang bugbugin ang sarili sapagkat pinag-isipan niya nang masama ang binata.

Nang makaupo sila sa bangkong gawa sa kahoy, iniba ni Thiago ang usapan: “Kumusta ka rito? ’Di ka ba naiinip? Gaano ka na pala katagal dito sa loob?”

Kaagad na napaiwas ng tingin si Kang. Napatitig siya sa maliwanag na buwan. “Hindi ko alam kung gaano na ako katagal dito sa loob. Basta isang araw, nagising na lang ako. Maayos naman ako rito. Kaya lang, minsan ay naghahangad din ako ng kaibigan o kausap. Nakatatakot ang mag-isa, Thiago. Mabuti pa ang buwan, may kasama siyang mga bituin.” Mahihimigan ang lungkot sa bawat salitang binitiwan nito.

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon