Kabanata 1: Ang Magnanakaw

180 5 6
                                    

Kabanata 1: Ang Magnanakaw

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 1: Ang Magnanakaw

NILAMON na ng dilim ang bayan ng Primero de Julio nang mapagpasyahan ng kalangitan na tumangis. Sa tuwi-tuwina, mauulinigan ang pagbagsak ng ulan sa sementadong daan; hinaluan pa iyon ng mabibigat at hindi magkantututo na mga yabag ng dalawang lalaking naghahabulan—ang isa ay umiiyak at manaka-nakang humihingi ng saklolo, samantalang ang isa naman ay may bitbit na kutsilyo.

“T-tulong! Tulungan n’yo ’ko!” Tila naghahagis ng mga dayami sa hangin ang lalaki sapagkat wala namang makaririnig sa kaniya sa mga oras na iyon. Ang takbo ay unti-unting naging lakad nang hindi na niya nakayanan ang sakit sa tagiliran. Idagdag pa ang paggapang ng pagod sa kaniyang buong katawan, kung kaya’t ang palahaw niya ay numipis at naging bulong na lamang: “Tulong . . . Tulong . . .”

Kapagkuwa’y lumabo ang paningin niya, dahan-dahang natumba, at sinalo ng basang kalsada ang katawan niya pagkatapos ng ilang segundo. Walang-kaabug-abog ay pumaibabaw sa kaniya ang lalaking may dalang kutsilyo. (Kung kanina ay may bakas ng dugo ang talim niyon, ngayon, kasabwat ang ulan sa paglinis ng ebidensya.)

Namilipit siya sa sakit—maya’t mayang napahalinghing—at saka naghimutok, “H-hinangaan pa naman din kita, Henrie Kang. ’Di lang ako kundi pati na rin ang taong-bayan. Ano’ng nagtulak sa ’yo para pumatay ng walang kalaban-labang tao? Ikaw ay tusong lobong nakasuot ng makapal na damit para magkunwaring maamong tupa. Kung nakababaliw ang pag-ibig, puwes, ayaw ko nang magmahal!”

Pumailanlang ang halakhak ng lalaking tinawag niyang Henrie Kang, at kasabay niyon ang pagguhit ng kidlat sa kaitaasan na nagmistulang sanga at nasundan pa ng nakabibinging kulog. Sa isang kisapmata, nagngangalit ang mga ngipin na hinuli nito ang kaniyang kuwelyo gamit ang libreng kamay. Pagkatapos, sapilitan siya nitong iniangat nang bahagya.

“Ang hindi nabaliw ay hindi kailanman nagmahal.” Itinaas nito ang hawak na kutsilyo sa ere. “Hindi mo dapat ako kinalaban!” Nang muling gumuhit ang matalim na kidlat, na para bang iyon ang hinihintay na hudyat, tuluyan nitong itinarak ang kutsilyo sa kaniyang puso. Sa gabing maulan, ipininta ni Henrie Kang ang kapalaran niya—kamatayan.

* * * * *

BIGLA na lamang napabalikwas sa pagkakahiga ang binatang si Thiago nang tumuloy sa paligid ng magkabila niyang tainga ang nakatutulig na dagundong ng kulog. Masasalamin ang gulat sa itsura niya; tumatahip-tahip ang kaniyang puso habang nakapatong ang palad sa dibdib. Ipinihit niya ang atensyon sa nakabukas na bintana at sa kurtinang wari’y inanyayahan ng hangin na sumayaw. Inalis niya ang kumot na kanina’y nakabalot sa kaniya, maingat na tumayo, at saka niya binuksan ang ilaw sa silid. Panandalian siyang napapikit bago tuluyang masanay ang mga mata sa liwanag.

“Mukhang may iba pa ’kong narinig maliban sa kulog at ulan,” naibulong niya sa sarili. Napalakad siya sa kaliwa’t kanan, na parang sinisilihan ang puwet, habang kinakamot ang isang pisngi. Makaraan ang ilang segundo, huminto siya at nagpakawala ng malalim na buntonghininga. “Siguro nga, guniguni ko lang ’yon, o baka may nag-aaway lang sa kabilang kuwarto.”

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon