Kabanata 17: Ang Masamang Espiritu

25 2 0
                                    

Kabanata 17: Ang Masamang Espiritu

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 17: Ang Masamang Espiritu

MAY iilang nakaaalam na pintor si Kahlo roon sa karatig-bayan—sa Liyamado. Ngunit higit na bantog ang kaniyang ina sapagkat may mga salitang kumakalat sa kalsada na ito ay nag-aaral ng itim na mahika. Laman sila ng usapan mula agahan hanggang hapunan; ang mansanas ay hindi babagsak malayo sa puno nito, ’ika nga nila. Hanggang sa isang araw, sumugod ang mga taong-bayan na may dala-dalang sulo. Sinunog ng mga ito ang bahay nila Kahlo sa dahilang may kinulam daw ang ina niya.

Dahil doon, namatay ang kaniyang ina. Nakaligtas nga siya subalit hindi naman siya nakatakas sa paghihirap at kalungkutan. Kung ano-ano na lamang ang ipinipinta niya. Kung saan-saan na lamang siya pumupunta; isa siyang bagamundo. Nakita siya ng mga tao na humahagulgol, at pagkatapos ay biglang hahalakhak. Kung kaya’t mula noon ay tinagurian siyang “baliw na pintor.” Ang mga obra niya na hindi mauunawaan kung ano ang nais iparating ay iniiwan niya sa pintuan ng bahay ng mga kapitbahay niya, dahilan upang masindak ang mga ito.

Sa kasawiang-palad, na tila ba pinahiran ng asin ang sariwa niyang sugat, habang naglalakad sa daan at bitbit ang ipinintang larawan, walang ano-ano’y nahagip siya ng isang sasakyan. Naligo siya sa sarili niyang dugo. Subalit hindi roon nagtatapos ang lahat; isinumpa niyang babalikan niya sila. Dahil sa labis na pagkamuhi sa mga tao at sa mundo, siya’y naging masamang espiritu—lumakas siya sanhi ng matinding galit. At dala ang kaalamang itim na natutuhan sa kaniyang ina, binalikan niya ang mga taong nanakit sa kanila.

Hindi lamang iyon, nainggit si Kahlo sa mga taong mahusay sa pagpipinta, kung kaya’t tinuturuan o binubulungan niya ang mga pintor na gumawa ng masama. Habang napasailalim sila sa inkantasyon niya, kinopya nila ang gawa ng ibang pintor at pinagkakitaan. Doon na pumasok sa eksena ang diyos ng sining na si Herpes, sapagkat tungkulin nitong ayusin ang mundo ng sining at parusahan ang mapang-abuso. Walang pagdadalawang-isip na ikinulong ni Herpes si Kahlo sa mahiwagang canvas.

Ngunit hindi roon nagtatapos ang kaniyang kasamaan. Sapagkat may alam si Kahlo na itim na mahika, nagawa niya pa ring makalabas sa mahiwagang canvas (pero limitado lamang), at may ikinulong din siya sa loob sa dahilang gusto niya ng kasama o makakausap. Kagaya niya, nakalalabas din ang kaniyang mga biktima kung hahaplusin ang larawan. Lahat ng mga nakapasok ay humanap ng kapalit upang sila’y makalaya. Subalit, iyong mga nakalaya, pinapatay rin ni Kahlo dahil mayroon silang alam, katulad na lamang sa ginawa niya kay Dion.

Isa si Dion Dimaguiba sa mga biktima ng masamang espiritu. Nakalaya siya dahil ipinalit niya ang bantog na pintor na si Henrie Kang sa loob ng larawan. Lingid sa kaalaman ng binata, kinopya ni Kahlo ang mukha ni Henrie Kang, at hinabol siya nito.

“T-tulong! Tulungan n’yo ’ko!” Duguan siya subalit unti-unting nilinis ng ulan ang kaniyang sugat. Ang takbo ay naging lakad nang sumakit ang tagiliran niya. Idagdag pa ang paggapang ng pagod sa kaniyang buong katawan, kung kaya’t ang palahaw niya ay numipis at naging bulong na lamang: “Tulong . . . Tulong . . .”

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon