Kabanata 11: Alitan sa Galerya

23 2 0
                                    

Kabanata 11: Alitan sa Galerya

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 11: Alitan sa Galerya

“IKAW si Ambrosio Arreglado, tama? Ako nga pala si Dion Dimaguiba,” ang sinabi ng binata. Inilahad niya ang kaniyang kanang kamay matapos makipagkilala. Hindi niya kaklase si Ambrose, at dahil napapansin niyang wala itong kasama, gusto niya itong maging kaibigan.

Nasa kantina sila noon at mag-isang kumakain si Ambrose kaya nilapitan niya ito. Gulat na napatingin sa kaniya si Ambrose, halos magtagpo na ang mga kilay nito at ang mga mata’y waring nagsasabing, “Ano ang kailangan mo sa akin?”

Nanatiling ganoon ang posisyon niya nang ilang segundo, at para bang may narinig siyang umiiyak na uwak. Dahil halatang walang balak na makipag-kamay ang binata, binawi na lamang niya ang kaniyang kamay. Pilit niyang ininat ang mga labi, masasalamin sa kaniyang itsura na tinamaan siya ng hiya. Umupo siya sa tapat ng binata sabay lapag ng pagkain niya. “Wala na akong mahanap na bakanteng upuan, kaya rito na lang ako uupo. Tutal, wala ka namang kasama.”

“Gusto kong mapag-isa,” pirming wika ni Ambrose, ang tinig nito ay may bahid na pagkainis. Sa isang kisapmata, naging matalim ang tinging ipinupukol nito sa kaniya. Gayunpaman, hindi siya natinag dito.

“Hindi porke’t anak ka ni Mayor, masusunod na ang lahat ng gusto mo,” nakangising buwelta ni Dion sabay kumpas ng libreng kamay. “Pero ’wag kang mag-alala, hindi kita iistorbuhin. Kumain ka lang diyan.”

Tila pumasok sa isang tainga ni Ambrose ang mga sinabi niya at lumabas lamang sa kabila. Nagpatuloy ito sa pagkain. Mauulinigan sa paligid ang samot-saring kuwentuhan ng mga estudyante habang nanananghalian. Samantalang sa lamesa nila, wala silang pansinan; malamig ang trato sa kaniya ng kasama niya.

Sapagkat hindi sanay ang bibig ni Dion na manahimik nang ganoon katagal, ilang sandali lamang ay nangahas siyang magwika, “Kung ako sa ’yo, Ambrose, sisimulan ko na ang pakikipaghalubilo sa mga tao. Natatakot ako na baka hindi ka magtagal sa industriya kung dadalhin mo ang ganiyang ugali. ’Di ba gusto mong maging artista?”

Doon ay tuluyan niyang napukaw ang interes ni Ambrose; unti-unti itong nag-angat ng tingin sa kaniya. Gusto niyang gawaran ng palakpak ang sarili sa dahilang nagtagumpay siya. Gustong uminat ng kaniyang mga labi hanggang sa umabot ito sa tainga, subalit kaagad niyang pinigilan.

Hindi nagtagal, unti-unting gumagaan ang loob ni Ambrose kay Dion, at kalauna’y naging malapit sila sa isa’t isa. Palagi na silang sabay na mananghalian. Panay rin ang kuwentuhan nila patungkol sa kanilang mga pangarap. Bukod sa pag-arte, nakahiligan din ni Dion ang pagpinta na nag-umpisa noong pumutok ang pangalan ni Henrie Kang sa buong Primero de Julio. Isa sa mga paborito niyang obra ng naturang pintor ay ang tinatawag na “Buwak sa Baga.” (Masisilayan sa larawan ang isang babaeng sumusuka ng mga talulot ng bulaklak na sumisimbolo ng pag-ibig na hindi nasuklian.)

“Gusto mong maging katulad ni Henrie Kang? So, hindi mo na ipu-pursue ang pag-acting?” minsa’y naitanong ni Ambrose kay Dion noong tumambay sila sa itaas ng gusali. Nabalitaan nila sa mga kaeskuwela nila na mayroong awdisyon sa Drama Club ng kanilang eskuwelahan, kung kaya’t dali-dali silang humanap ng payapang lugar upang doon mag-ensayo sa pagbato ng mga linya.

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon