Kabanata 3: Sa Loob ng Larawan

37 3 0
                                    

Kabanata 3: Sa Loob ng Larawan

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 3: Sa Loob ng Larawan

NAGPALINGA-LINGA si Thiago sa paligid ngunit binigo siya ng kaniyang mga mata na mahagilap ang uugud-ugod na matanda. Paano iyon nakalalayo kaagad gayong dahil sa katandaan ay nahihirapan iyon sa paggalaw? Maliban na lamang kung may kapangyarihan ang matanda. Gustuhin man niyang kumbinsihin ang sarili na guniguni lamang iyon, ngunit hindi na uubra. Ngayon pa na nasaksihan na niya ang pagkakaroon ng buhay ng isang obra ni Henrie Kang?

Sapagkat sunod-sunod ang nangyaring kababalaghan sa gabing iyon, kalaunan ay napagpasyahan niyang umuwi sa kanila, bitbit ang larawan. Hindi siya natinag sa pananakot ng matanda. Ang pagkawala ni Henrie Kang ay higit na nakababahala kaysa sa alinmang kumakalat na kuwento; hindi malayong mangyari din sa pintor ang kalunos-lunos na sinapit ni Dion. Dapat binibigyang-pansin ng mga tao at pulisya ang pumapatay sa kanilang bayan.

“Thiago, apo, bakit ngayon ka lang?” pambungad na tanong ng kaniyang lola pagkapasok niya sa tarangkahan. Katatapos lamang nitong magligpit sa pinagkainan ng mga nangungupahan sa bahay-panuluyan. Hindi na nito napansing naulanan si Thiago sapagkat kanina pa natuyo ang kaniyang uniporme. “Magbihis ka na sa kuwarto mo, at ipaghahain na kita.”

Maingat niyang hinuli ang kamay ng kaniyang lola at inilapat sa noo niya. Panandalian niyang ibinaon ang ngipin sa kaniyang ibabang labi bago siya sumagot, “’Wag na po, ’La. Busog po ako. Kumain na po ako kanina. Naabutan kasi ako ng ulan sa daan, kaya nakisilong at kumain na rin ako sa karinderya ni Aling Bebang.”

Hindi naman iyon kabulaanan, may tinanggal lamang siyang isang katotohanang mahirap paniwalaan.

“Mabuti naman kung gano’n. Sige, magpahinga ka na sa loob. Maaga ka pa bukas.”

Walang pag-aalinlangan siyang tumango. Nag-akma siyang hahakbang patungo sa kuwarto niya nang magsalita ulit ang kaniyang lola, kung kaya’t napahinto siya, tila biglaang naparalitiko.

“Teka . . . ano ba ’yang dala-dala mo?” nakakunot ang noong usisa ng matanda, ang isang kamay ay nakapuwesto sa baywang.

Napatingin si Thiago sa bitbit niyang hugis-parihaba na bagay na nababalutan ng panyo. Tumikhim siya bago lumingon sa kaniyang lola. Kaagad siyang nag-ensayo sa isip. Napulot ko lang ’to sa daan? Hindi puwede. Binili ko po? Puwede pero baka tanungin pa ’ko kung saan ako kumuha ng pera. Paano kung: “Painting po ito, ’La. Ibinigay po sa ’kin ni Mang Timiong—’yong may-ari po ng rental shop malapit sa eskuwelahan.”

Tumango-tango ang matanda, mukhang binili nito ang kaniyang kasinungalingan (na hindi sana niya gagawin kung hindi lamang napansin ang hawak niya). Wala siyang ibang mapagpipilian. Hindi naman niya maaaring ipagsigawan sa lahat na ninakaw niya ang self-portrait ni Henrie Kang, baka mabulabog pa ang mga nangungupahan. Hangga’t wala pang napatutunayan, kailangan niya munang itikom ang kaniyang bibig.

Napahinga siya nang maluwag nang makapasok siya sa kuwarto; iyong uri ng ginhawa na tila ba nabunutan siya ng malaking tinik sa lalamunan. Dali-dali niyang inalis ang panyong nakabalot sa larawan. Bagaman walang dudang hindi pa ito tapos, manghang-mangha pa rin siya sa pagkakagawa kaya marahan niya itong hinaplos. Pagkatapos, itinago niya ito sa ilalim ng kaniyang kama, at naghanap na siya ng damit para magbihis.

The Mad ArtistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon