Third Person Point Of View
Kinabukasan…
Nakatungo si Veronica habang papasok sa eskwelahan. Ang bawat hakbang ay tila napakabigat, parang ang bawat tingin at bulungan ay mga sibat na tumatama sa kanyang dibdib. Nang makita siya ng ilang estudyante, agad silang nagbubulungan at may mga nagpipigil ng tawa.
“Hala, siya… kapal ng mukha niya para pumasok pa,” mahinang sabi ng isang estudyante, sabay kurot sa braso ng kasama. “Siya daw ‘yung dahilan kung bakit nangyari ‘yung insidente,” dagdag pa ng isa.
Bagamat pilit na nilalabanan ni Veronica ang takot at sakit, hindi niya maiwasan ang mga mapanuring tingin ng mga tao sa paligid. Lumapit sa kanya ang isang grupo ng mga babae, halatang hindi masaya sa kanyang presensya. “Veronica, totoo bang kasalanan mo kung bakit namatay ‘yung mga kaibigan mo? Kalat na kasi ang alyas mo, alyas Maria, hahaha!” malisyosong tanong ng isa sa kanila.
“Grabe ka naman, dapat hindi ka na bumalik dito, nakakahiya ka,” sabat ng isa pa. “Baka kung ano pa ang mangyari sa amin.”
Wala nang nagawa si Veronica kundi magpatuloy sa paglakad, kahit nararamdaman niyang parang kinakapos siya ng hininga. Nang makarating siya sa kanyang upuan, pinilit niyang pakalmahin ang sarili, ngunit biglang may bumato ng crumpled na papel sa kanyang direksyon. “Sinong bumato sa akin?” Napatingin siya at nakita niyang may ilang estudyanteng nagtatawanan sa sulok.
"Is that the killer?" tanong ng isa habang tawa nang tawa.
Masakit. Masakit na para bang walang katapusan ang mga akusasyon.
“Wala kayong alam sa pinagsasabi niyo!”
“Wala nga kaming alam, paano namin malalaman kung puro deny ka?”
Gusto niyang magsalita, ipagtanggol ang sarili, pero anong laban niya sa mga ito? Lahat sila’y tila nagkaisa na siya ang may kasalanan. Para sa kanya, ang buong linggo ng pag-aaral sa St. Williams ay parang impiyerno at parusa sa kasamaan niya noon. Lalo na sa mga kaklase niya. Samantalang sa kabilang banda…
Ilang linggo nang nakalipas mula sa insidente, at ngayong bumalik na rin si Gemini sa eskwelahan, para siyang isang reyna na tinutulungan at pinagkakaguluhan ng lahat. Maging ang mga hindi niya gaanong kakilala ay palaging nandiyan para suportahan siya.
“Gemini, how are you? I hope you’re feeling better,” sabi ni Teacher Dianne, guro na may halong malasakit.
“Kung may kailangan ka, sabihin mo lang, okay?” sabat pa ng kaklase na si Bettina habang inaabot sa kanya ang isang maliit na regalo.
Ngunit sa kabila ng mga ngiti at simpatya ng mga tao, may bigat sa loob ni Gemini. Wala siyang makitang dahilan upang magpakasaya sa mga pagpapakitang ito. Kinuha niya ang pagkakataon upang kausapin si Veronica, pero nahihirapan siyang lumapit. Alam niyang galit ito sa kanya, pero kailangan niyang subukan.
Nakita niyang nag-iisa si Veronica sa likod ng silid-aralan, tila nilulunod ng lungkot. Lumapit si Gemini, ngunit bago pa man siya makapagsalita, mariing itinulak siya ni Veronica.
“Ano, enjoy na enjoy mo na ang pagiging queen sympathy?” madiin at may halong sarkasmo ang tinig ni Veronica, na para bang pinipilit ilabas ang lahat ng galit at sakit na kanyang dinadala.
Nagulat si Gemini, halatang hindi niya inaasahan ang ganoong reaksyon mula kay Veronica. “Ano bang pinagsasabi mo, Veronica?” tanong ni Gemini, nanginginig ang boses.
“Bakit ako? Bakit ako lang ang sinisisi nila? Sa tingin mo ba ginusto ko ang nangyari?” sumabog na ang damdamin ni Veronica. Hindi na niya mapigil ang matagal nang naipong galit. “Ang dali-dali sa’yo kasi, Gemini! Lahat sila nandiyan para sa’yo, habang ako? Ako ang may kasalanan ng lahat para sa kanila!”
BINABASA MO ANG
Imagine Forest
Misteri / Thriller"Imagine Forest" Written by: CUTE_TOT19 Introduction: Sa isang gabi ng tag-ulan. Sa gitna ng isang madilim na kagubatan, nagbubukas ang kuwento patungo sa isang misteryosong mundo kung saan may isang lihim na naka-tago sa kadiliman. Ang pagkatao'y l...