Bitbit ni Vrix ang isang basket ng sariwang prutas habang magkasabay silang naglakad ni Christian papunta sa bahay ng kanyang lola. Habang papalapit sila, hindi maiwasang kabahan ni Christian. Ngayon lang siya nagdadala ng ibang tao sa bahay maliban kay Cholo, ang matalik niyang kaibigan, kaya't medyo tensiyonado siya sa magiging reaksyon ni Abuela.
Pagpasok nila, nakita nilang nakaabang na si Abuela sa sala. Nang makita si Christian na may kasamang iba, napangiti ito nang malaki.
"Abuela!" bati ni Christian, halatang masaya habang kasamang hawak si Vrix. "Ito nga pala si Vrix, kaibigan ko."
"Ay, hijo!" bungad ni Abuela, bumaling ang mata kay Vrix na may dalang prutas. "Mukhang maalaga at mabait naman itong kaibigan mo. At nagdala pa ng prutas!"
Ngumiti si Vrix, magalang na iniabot ang basket kay Abuela. "Opo, Abuela. Naisip ko pong magdala ng kaunting prutas para po sa inyo."
Napangiti si Abuela at tinanggap ang basket, inilapag ito sa mesa. "Ay, salamat, hijo. Mabait ka naman pala." Tiningnan niya si Christian nang may makulit na ngiti. "Ano, Christian? Kaibigan lang ba talaga?"
Nagulat si Christian, pero ngumiti lang siya at sinabing, "Oo naman, Abuela. Kaibigan ko lang talaga si Vrix."
Tiningnan ni Abuela si Vrix nang maigi, tapos bumaling ulit kay Christian. "Alam mo, mabuti naman at nagdadala ka na ng ibang tao dito sa bahay. Lagi na lang si Cholo ang kasama mo. Pero, mukhang itong si Vrix, may potensyal na maging mas higit pa sa kaibigan mo, hijo."
Nag-init ang pisngi ni Christian at halos hindi siya makapagsalita. "A-Abuela! Ano ka ba, kaibigan lang talaga si Vrix!"
Tumawa si Abuela at pilyo siyang nginitian. "Eh kasi naman, iba ang kilos mo ngayon, hijo. Parang may itinatago ka."
Nahihiya si Christian, kaya dumiretso siya sa kusina para ayusin ang mga prutas. Sinundan siya ni Abuela, halatang naaaliw sa reaksyon niya.
Sa kusina, lumapit si Abuela sa kanya at bumulong, "Hijo, alam mo namang mabasa ko ang nararamdaman ng tao. May espesyal ka bang nararamdaman para sa kanya?"
Nag-blush si Christian at halos hindi makatingin sa lola niya. "Abuela, kaibigan lang talaga... pero, ah, siguro... medyo nalilito rin ako."
Ngumiti si Abuela at tinapik ang balikat ni Christian. "Hijo, minsan hindi masamang sumubok. Baka si Vrix na nga ang tamang tao para sa'yo."
Napatingin si Christian, hindi makapaniwalang napaka-obserbanteng talaga ni Abuela. Habang pinag-iisipan niya ang mga sinabi ng lola niya, may konting kilig siyang naramdaman.
Pagkatapos nilang kumain, tumayo si Christian at nagboluntaryong maghugas ng pinggan. Naiwan sina Abuela at Vrix sa sala. Nakatingin si Abuela kay Vrix nang may bahagyang seryosong ngiti, at nilapitan siya nito.
"Vrix, hijo," bungad ni Abuela, "mahalaga sa akin si Christian. Alam mo naman, hindi na siya bata, pero may mga sugat pa rin sa puso ang hindi pa tuluyang naghihilom."
Napabuntong-hininga si Vrix at tumango, "Opo, Abuela. Naiintindihan ko po."
"Kung ganon," sabi ni Abuela, "sana alam mo ang ginagawa mo. Ayokong masaktan siya, lalo na kung hindi ka sigurado sa nararamdaman mo."
Diretsong tumingin si Vrix kay Abuela, matatag ang kanyang tingin. "Abuela, sigurado po ako sa nararamdaman ko para kay Christian. Hindi lang po ito basta-basta. Hindi po ako nandito para dumaan lang-nandito po ako para manatili."
Napangiti si Abuela, tila kontento sa sagot niya. "Mabuti kung ganon, hijo. Gusto ko lang masiguro na handa kang ipaglaban ang kaligayahan niya, kahit alam mong masalimuot ang nakaraan niya."
Tumango si Vrix, tapat ang bawat salitang binibitawan. "Opo, Abuela. Kahit hindi niya maalala ang nakaraan namin, hindi ako aalis sa tabi niya. Hindi po ako susuko hangga't hindi ko siya napapaligaya nang buo."
Sa kusina, habang naguhuhugas ng pinggan, hindi maiwasan ni Christian ang mapangiti sa naririnig na usapan.
Habang magkaharap na nakahiga sa kama, tahimik na nakikinig si Vrix kay Christian. Ibinabahagi nila ang mga alalahanin nila, mga kwento ng nakaraan, at mga plano sa hinaharap. Tahimik lang si Vrix, sinasalo ang bawat salita ni Christian na parang iyon ang pinakamatamis na musika para sa kanya.
"Alam mo, minsan iniisip ko kung tama bang narito ako ngayon," bulong ni Christian, nakatingin sa kisame. "Hindi ko rin talaga naiintindihan kung bakit ang dami kong hindi matandaan. Minsan, nakakapagod magtanong nang paulit-ulit kung sino ba talaga ako noon..."
Hinawakan ni Vrix ang kamay niya at hinimas ito nang marahan. "Kahit ano pa ang nakaraan mo, nandito lang ako. Hindi ko kailangan ang buong kwento mo para manatili."
Ngumiti si Christian, tila nahihimasmasan sa mga sinabi ni Vrix. Pero maya-maya, napakibit siya ng balikat, biglang napangiwi, at napaungol nang mahina habang hinahawakan ang ulo.
Nagulat si Vrix. "Ano'ng nangyari? Bakit ka napapaungol?"
"Ah, wala," sabi ni Christian, may pahiwatig ng pag-iwas. "Nabangga ko lang 'tong ulo ko kanina habang naliligo. Hindi ko nga alam kung paano nangyari... nadulas yata ako."
Napalalim ang buntong-hininga ni Vrix, halatang nag-aalala. "Christian! Hindi ka ba nag-iingat? Alam mo naman, dapat mas maingat ka lalo na't ikaw lang mag-isa dito."
Nagulat si Christian sa biglang pagsimangot ni Vrix. "Grabe ka naman, 'di naman sinasadya," sabay tawa para pakalmahin si Vrix.
Pero seryoso pa rin si Vrix, pinatong ang kamay sa may ulo ni Christian na parang tinitingnan kung may bukol o sugat. "Dapat talaga nag-iingat ka, lalo na kung wala akong kasama dito. Paano kung mas malala pa 'yan?"
Napahagikhik si Christian, ngunit natigilan siya nang makita ang tapat na pag-aalala sa mga mata ni Vrix. Hinawakan niya ang kamay nito na nasa kanyang noo at marahang binitawan ang isang malambing na ngiti.
"Vrix," bulong ni Christian, "Salamat. Hindi ko talaga in-expect na may mag-aalala sa akin nang ganito."
Bumalik ang tingin ni Vrix sa kanya, at nagkaroon ng tahimik na sandali. "Hindi mo naman kailangang mag-alala nang mag-isa, Christian. Narito ako."
Pagkatapos ng ilang sandali, naramdaman ni Christian ang pagod, pero ngayon, sa piling ni Vrix, ang lahat ng sakit at alalahanin ay tila natunaw.
Sa kalmadong dilim ng kwarto, pareho silang nakahiga at nakaharap sa isa't isa. Si Vrix, nakapangalumbaba habang nakatingin kay Christian, at si Christian naman ay may konting ngiti sa labi, tila malalim ang iniisip.
"Alam mo, hindi ko talaga akalain na... ganito tayo hahantong, Vrix," sabi ni Christian, boses niya'y pabulong pero puno ng emosyon.
Natawa si Vrix, bahagyang tumango, at sinabing, "Ni ako hindi ko rin inakala. Pero natutuwa ako... dahil nandito ka." Lumapit siya nang kaunti, abot kamay si Christian.
Nagkaroon ng katahimikan, ngunit hindi ito nakakailang. Parang sapat na ang presensya ng isa't isa. Ramdam nila ang bawat hininga, bawat tibok ng puso. Sobrang lapit na ng mga mukha nila, at ilang segundo pa, dumulas ang tanong mula kay Christian, "Vrix, seryoso ka ba talaga sa'kin?"
Umangat ang kamay ni Vrix, marahang hinawakan ang pisngi ni Christian. "Mula pa noon... seryoso na ako. Bago ka pa man makalimot, mahal na kita," sagot ni Vrix nang walang pag-aalinlangan. Ramdam ni Christian ang init ng palad ni Vrix, at bumilis ang tibok ng puso niya.
"Hindi mo ba ako iiwan?" tanong ni Christian, may halong takot at pagdududa sa boses niya.
Umiling si Vrix, at binigyan siya ng malambing na ngiti. "Hinding-hindi, Christian. Ikaw lang ang gusto ko."
Nakaramdam ng kakaibang lakas ng loob si Christian, kaya huminga siya nang malalim at marahang inilapit ang mukha kay Vrix. "Siguro... panahon na na hindi na ako magduda." At bago pa makasagot si Vrix, siya mismo ang gumawa ng unang hakbang-isang banayad na halik ang binigay niya kay Vrix, puno ng tapang at pagmamahal.
Doon, sa gitna ng katahimikan ng gabi, nagtagpo ang kanilang mga damdamin-parehong malinaw, parehong sigurado.
BINABASA MO ANG
Vrixian: The Missing Piece
RomanceDISCLAIMER: This fanfiction is a work of fiction inspired by the real-life couple Christian and Vrix, collectively known as Vrixian. It is not officially affiliated with or endorsed by them. All characters, settings, and scenarios in this story are...