BEEP! BEEP! BEEP!
Lalong nataranta si Pia ng marinig niya ang businang iyon mula sa labas ng kanyang bahay.
“Nandyan na sila.” Nakangiting sabi ni Mrs. Currie habang papalapit ito sa nagkakandarapang anak.
“Oo nga eh,” sagot ng dalaga nang hindi man lang tumitingin sa kausap. Patuloy ang paglagay ng gamit sa malaking bag.
Lumapit ang ina at tinulungan siya, “Kanina pa kasi kita minamadali, talagang mabagal ka kumilos.”
Nang matapos na ay mabilis niyang sinara ang zipper ng bag, “Bye Ma,” humalik ito sa pisngi ng ina at patakbong lumabas ng bahay.
“Bye! Mag-ingat ka lagi ha?” pahabol nito.
“Opo!” halos pahinang sabi ni Pia at tuluyan na siyang iniluwa ng pinto.
“Grabe, ten years!” sigaw ni Aira. Isa sa mga barkada ni Pia na kanina pa naiinip sa kahihintay sa dalaga.
“Eto na nga eh!” sagot ng dalaga habang papasok sa Van ni Lloyd.
“O pano, wala nang nakalimutan?” tanong ni Lloyd na sya ring driver ng van nang maisara na ang pinto niyon. Saglit na natigilan si Pia at nag-isip.
“Wala na.”
“Ok, fine! Tara lets! Woohoo!!!” sigaw ng binata at sabay sabay namang nagsigawan din ang lima pang sakay ng van na excited sa kanilang lakad.
Si Gary ang may pakana niyon. Napadaan kasi sila sa Sta. Isabela ng minsang magkaroon sila ng family outing. Sa Sta. Cruz sila nagtungo dati at hot spring din ang kanilang pinuntahan. Katabing bayan iyon ng Sta. Isabela. Nagkataong nasiraan ang kanilang sasakyan sa tapat ng bayang iyon bandang hapon nang pauwi na sila at napansin niya ang magandang Spring sa di kalayuan. Marami ang naliligo doon at mas maganda sa napuntahan nila kaya nagkainteres siyang balikan ito at isama ang buong barkada.
Ngayon na ang katuparan ng kanilang plano. Sem break. Maaga silang umalis para magtungo roon. Kinabukasan na sila babalik o kung kaya ay ialng araw pa dahil tiyak daw na mag-eenjoy sila doon at mag-i-stay pa ng matagal. Naroon na rin sa kanyang isipan ang makaporma kay Wendy na matagal tagal na rin niyang nililigawan pero hanggang ngayon ay hindi pa niya sigurado kung ano ang lagay niya sa dalaga.
Kasama rin ang magnobyo na sina Aira at Jester. At syempre, hindi makukumpleto ang barkada kung wala ang isa pang nagliligawan na sina Lloyd at Pia na hanggang ngayon ay wala pa ring resulta. Para kay Pia kasi, ang kaibigan ay kaibigan at ang boyfriend ay boyfriend. Hindi pwedeng maging sila ni Lloyd dahil kaibigan lang talaga ang turing niya sa binata. ang isa pa, hindi rin niya gusto ang pagiging mayabang ni Lloyd. Naging close lang sila dahil sa bestfriend nyang si Aira na kaibigan din ni Lloyd.
Maingay ang loob ng van dahil sa lakas ng tunog ng stereo nito. Dito sila nagkakaisa. Sa music. Lahat sila ay tagahanga ng My Chemical Romance. Sabay sabay pa nilang kinakanta ang “Dead” habang paindak-indak pa ang mga ito. Enjoy na enjoy ang lahat ng biglang…
SKREEETCHHH!!!
Halos tumilapon sila Pia sa malakas pagprenong iyon.
“Anong nangyari?” tanong ni Gary kay Lloyd. Nasa kanya ang atensyon ng lahat.
Saglit na pinatay ni Lloyd ang stereo. Binuksan niya ang bintana at sinilip ang bandang unahan. “Walang hiyang pusa yon, gusto na yatang magpakamatay.” Sabi niya ng makitang tumatakbong papalayo ang tumawid na pusang itim. Sinundan ng tingin iyon ng lahat ng sakay ng van.
“Akala ko naman kung ano na.” ani Gary habang inaayos ang pag-upo.
“Pusang itim?” si Aira. “Sabi ng matatanda…”
“Hon, wag mo nang ituloy.” Sagot ni Jester na nasa tabi ni Aira. “Hanggang ngayon ba naman naniniwala ka sa kasabihan?”
“Pero-”
“Ssshh… wag kang mag-alala.” Pinutol niya ang sinasabi ng dalaga. “I’m always here beside you.” at inakbayan niya ang girlfriend.
“Aira, ang taong naniniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili.” Singit naman ni Wendy na nasa bandang unahan ng magnobyo. Katabi nito sa Gary na nagpumilit na maupo doon.
“Oo nga naman Aira, listen to the expert.” Ani Gary.
“Wushuuu! Sipsip!” sagot ni aira sabay batok kay Gary.
“Sound please!” sigaw ni Jester. Muli namang binuksan ni Lloyd ang stereo at muling umalingawngaw ang musika.