“Siring! Siring!” sigaw ng matanda habang papalapit sa maliit na kubo. Saglit na bumukas ang bintana doon at sumilip ang isang matandang babae. “Maghanda ka ng kape at may mga bisita tayo.” Dugtong ng matanda at muling sumara ang bintana.
Nagsiksikan ang mga panauhin sa maliit na kubo. Nakaupo sila sa sahig na kawayan na may mababang silong.
“M-mabuti pa siguro’y mauna na lang kami, tutal, hindi naman sira ang sasakyan namin.” Sabi ni Fred ng makaayos na sila ng pag-upo.
“Iho, lubahang mapanaganib ang maglakbay ngayong gabi.” sagot ng matanda. “Mabuti at hindi kayo nakita ni Kapitan kundi’y ikukulong kayo doon sa baranggay hall at bukas na kayo palalayain.”
“Ikukulong? Bakit naman ho?” tanong ni Pia.
“Mahigpit kasing ipinagbabawal ang paglabas sa gabi.”
“Bakit naman po?”
Tumingin ang matanda sa lahat, “Bago ang lahat, ako nga pala si Igme. Tawagin nyo na lang akong Tata Igme. At ang aking maybahay na si Nana Ising” nakangiting sabi nito. “Bweno-“ patuloy niya. “Tungkol dun sa itinatanong nyo kung bakit mahigpit si Kapitan-”
“Eto na ang kape nyo” sabi ni Nana Ising habang papalapit at bitbit ang isang lumang tray na may mga tasang iba’t iba ang disenyo. “Pasensya na kayo’t kulang ang tasa eh. Ipagtitimpla ko na lang ulit yung iba pagkaubos nito.”
“Ok lang po Nana Ising,” si Aira. “Hati-hati na lang po kami.” At inabot ang tray mula sa matanda. Naupo si Nana Ising sa tabi ng asawa.
“Nakita nga po pala kami ni kapitan kanina sa resort. Sya nga po ang nagpauwi sa amin. Balak sana naming mga-night swimming.” Si Jester.
“Ganun ba iho? Delikado naman kasi talaga dito.” Si Tatang.
“Bakit nga po pala?” si Wendy.
“Nagsimula lang naman iyon ng magkaroon ng sunod-sunod na krimen dito sa Sta. Isabela, dalawang taon na ang nakakaraan. ” panimula nito. “Putol ang ulo ng mga biktima at iisa lang ang sandatang ginamit ayon sa pulisya.”
“May gumagalang serial killer dito? Bakit hindi po yata namin nababalitaan? Hindi man lang nadya-dyaryo o tv.” Tanong ni Gary.
“Sadyang inilihim ito ni kapitan dahil ayaw nyang maging pangit ang tingin ng ibang tao sa Sta. Isabela.” Si Nana Ising.
“Wala po bang suspect dito?” si Lloyd.
Umiling si Tata Igme. “Walang paghihinalaan dahil wala naman talagang dapat paghinalaan. Walang huhulihin dahil walang dapat hulihin. Mahirap patayin ang matagal nang patay. ”
Nagtaka ang lahat. “A-Ano pong ibig nyong sabihin?” si Pia.
“Isang multo!” ani Nana Ising.
Natawa ng bahagya si Lloyd. “Multo? At kailan pa pumatay ng tao ang isang multo?”
Seryoso ang mukha ni Tatang “Iho-” mahinang sabi nito. “Sa panahon ngayon, mahirap nang paniwalaan ang ganitong kwento, pero nasa sa iyo kung gusto mong maniwala o hindi.”
“Papaano nyo naman nasisigurong multo nga ang pumapatay? May ebidensya ba?” si Jester.
“Wala. Pero may nakakita.” sabii Tatang. “At ako yun!”
“Nakita nyo?” si Pia.
Tumango ang matanda. “Hindi ko alam pero, simula nung magkaroon ng krimen dito, kakaiba na ang naging kutob ko kaya sinubukan kong pakiramdaman ang mga nangyayari.”
“Ano pong ginawa nyo?” seryosong tanong ni Fred na tila kinilabutan sa naririnig bagamat ayaw pa rin nitong maniwala.
“Gabi-gabi kong inaabangan habang nakasilip dito sa maliit na butas ng kubo.” At itinuro niya ang butas. “kapag kakagat ang dilim, magsisimulang maglakad ang babaeng ito mula doon sa ilog-“
“Babae?” tanong ni Pia.
“Oo, mula sa ilog ay babaybayin niya ang buong kalsada ng pabalik-balik. Mabagal ang kanyang paglalakad at maingay ang kadenang nakalagay sa kanyang paa. Mula noon ay sinabihan ko na ang mga kapitbahay tungkol sa aking nakikita at pinag-ingat ko na rin ang mga ito sa tuwing sasapit ang gabi. ang iba’y naniniwala ngunit ang iba’y nagtatawa lang pero hindi na rin sila lumalabas ng bahay tuwing gabi.”
“Sabi nila,” si Pia, “Ang mga multo daw ay mga kaluluwang hindi matahimik dahil mayroon daw mensaheng hindi nito nasabi bago mamatay. Meron namang bumabalik para maghiganti. Totoo po ba ito?”
“Tama ka iha, tiyak naming iisa lang ang babaeng iyon. At ito na ang takdang panahon ng kanyang paghihiganti.”
“Kilala nyo siya?”
“Iilan lamang kaming naniniwala sa sumpa ni Larina.”
“Larina?”
Tumango ang matanda. “Isa siyang tinatawag na special child na pinalaki sa kalupitan ng kanyang mga magulang hanggang sa magdalaga ito.”
Halos sabay-sabay na napatingin ang lahat kay Biboy na ngayo’y tahimik na nakikinig sa kwento ng matanda.
“Ano pong klaseng special child?”
“Ayon sa kwento, marami daw nakikitang kakaiba ang batang iyon. Maraming sinasabing salita na hindi naiintindihan ng kahit na sino. Lagi daw may kinakausap at minsan nama’y tulala. Kaya naman galit na galit ang kanyang ama dahil sa kalagayan ng anak. Lalo pa itong nagalit nang minsan daw ay nagsabi itong malapit nang mamatay ang kanyang mga magulang.” Saglit na tumigil si Tatang. “At nang mga sumunod na araw, nakita nilang patay ang alaga nilang aso. Putol ang ulo nito. nang makita ng mga magulang si Larina ay hawak nito ang putol na ulo ng aso. Nakangiti pa daw ang dalaga nang pagalitan siya ng kanyang ama. Pero laking gulat nila nang makita ang loob ng kwarto ng dalaga. puro ulo ng pusa at manok. At ang sabi pa ng dalaga, pinatay nya daw ito dahil nakatingin sa mga mata nya. Tapos ng lapitan niya ay natatakot naman. Dahil doon, ikinulong nila sa kwarto si Larina at itinali ng kadena na parang isang hayop. Kahit anong pagmamakaawa daw ng dalaga ay hindi nila ito pinakawalan.Tapos isang araw, nabalitaan na lamang na patay na ang kanyang mga magulang. Putol ang ulo nito ngunit si Larina ay naroon lamang sa kanyang upuan at nakakadena. Hawak nito ang isang kutsilyo at nakangiti. Sa takot ng mga kapitbahay ay sinunog nila ang bahay. Naroon si Larina. Buhay na buhay. Tuwang tuwa pa daw ito habang nasusunog at sumisigaw na hindi sya titigil sa kanyang ginagawa hanggang sa tuluyan nang maging abo ang katawan nito.”
Katahimikan.
“Ano pong gagawin para matigil na si Larina?” tanong ni Pia.
Nagbuntung-hininga ang matanda. “Kung alam ko lang, ako na mismo ang gagawa.”
“Naku tatang, pasensya na pero, hindi pa rin ako naniniwala sa kwento nyo eh” pagmamayabang ni Lloyd. “Sorry po.”
“Katulad ng sinabi ko, nasa sa iyo kung gusto mong maniwala o hindi. Pero sinasabi ko sa inyo, dito na kayo magpalipas ng gabi.” sabi ng matanda. “Pagpasensyahan nyo nga lang at maliit ang aming kubo.”
“Ayos lang po sa amin” sabi ni Pia.
MALALIM NA ANG GABI. Sama-samang natulog ang magkakaibigan sa sahig. Tahimik ang paligid Dahan-dahang bumangon si Fred at tiniyak na tulog na ang lahat. Unti-unti niyang ginising ang kasintahan.
“Bakit?” tanong ni Mai ng magising sa pagtapik ni Fred.
“Sssshhh…” aalis na tayo dito.
“Ano?” pabulong na tanong ng dalaga.
“Hindi naman sira ang sasakyan natin diba?”
“Nasisiraan ka na ba? Baka nandyan si Larina”
Napangiti si Fred. “And you’re expecting me to believe that crap? Tara na! akong bahala sa’yo.” At hinalikan niya ang kasintahan.
“Teka, gigisingin ko si Biboy.”