“Dito! Dito natin huhukayin.” Matigas na tinig ng kapitan.
Nagkatinginan ang tatlong dalaga. Kapwa nagtataka. May kalayuan kasi sa bahay ang lupang itinuturo ng kapitan.
“Kapitan, kung dito yung bahay, bakit-”
“Basta! Wala na tayong panahon. Bilis!” utos niya. At sabay-sabay na nagsunuran ang mga dalaga. sinimulan nila ang paghuhukay sa kabila ng kanilang pagtataka.
Walang imik ang kapitan habang naghuhukay. Muling bumabalik ang alaala ng kahapon.
(flashback)
“Tulungan mo ako.” mahinang sabi ni Larina kay Noel nang minsang mapadaan ito sa tapat ng bahay na iyon. nag-aalangan man ay lumapit ito sa dalaga. Nasa likuran ang kamay niya at malungkot ang mukha nito.
“A-anong problema mo?” tanong niya sa dalaga.
Unti-unting tumulo ang kanyang luha. Biglang bumakas ang takot sa mukha. “Papatayin nya ang mga magulang ko. Papatayin nya.”
“Ha? Nino?” takang tanong ni Noel. Sa isip niya ay may diperensya talaga sa utak ang kausap.
“Ni Larina. Papatayin nya sila.”
“Ano? Hindi kita maintindihan. Sino ka ba talaga?”
“Parang awa mo na. Tulungan mo ako!” at inilagay ng dalaga sa harapan ang mga kamay. Duguan iyon.
Biglang natakot si Noel. “A-anong nangyari dyan?”
“Hindi ako ang may kagagawan nito. Hindi!” at tuluyan nang humagulgol ang babae. “Tulungan mo ako! si Larina ang-” Biglang naputol ang sinasabi ni Larina. Biglang naging seryoso ang mukha nito. tiningnan ng matalim si Noel. “Anong ginagawa mo dito pogi?” tanong nito sa kanya at nagbigay ito ng pilyang ngiti.
EEEEEEEEEEEE!!!!!!
Bigla’y nakarining siya ng sigaw mula sa loob ng bahay. Ang ina ni Larina.
“Larinaaaaa!!!” malakas na tawag ng ama ng dalaga.
Biglang tumakbo si Noel sa takot. Hindi niya alam kung ano ang nararamdaman. Gulong-gulo ang kanyang isip at mayroon sa kanyang dibdib na nagsasabing totoo ang sinasabi ng dalaga. Ngunit mas lamang ang paniniwalang may sakit nga ito sa isip.
Kinabukasan, hindi maalis sa isip ni Noel ang nangyari. Hindi rin niya alam kung dapat niyang sabihin sa kanyang ama na syang kapitan ng barangay na iyon. Hanggang sa kumagat ang dilim.
“Kapitan! Kapitan!” humahangos na sigaw ni Erning. Isang magsasaka sa Sta. Isabela. Isa rin sa mga tanod ng kapitan. Nagulat si Kapitan Scada sa pagdating ng kapitbahay niyang iyon.
“Bakit? Anong anong nangyari at humahangos ka?” tanong ng kapitan.
“May nangyari po sa ilaya. Isang krimen!” habol-hininga niyang sabi.
“Ano?”
“Opo. Sa bahay nung mayaman.”
“Sige! Halika, puntahan natin.” Sabi niya. Tumingin ito sa binatilyong anak. “Sumama ka sa amin para malaman mo ang tungkulin ng itay mo. Ikaw ang papalit sa akin.” Sabi nito at tuluyang lumabas ng bahay.
Nagtayuan ang balahibo ni Noel sa balitang iyon sa kanyang ama. Kilala nya ang tinutukoy ni Mang Erning. Ang bahay ni Larina. Ang tinatawag na bahay ng mayaman dahil sa bayan na iyon, sila nga ang may pinakamagandang bahay. Bagamat yari sa kahoy ay malinis at pinturado iyon at talagang kaaya-ayang tingan.
Mabilis siyang sumunod sa kanyang itay at sumakay sa pick-up nila. Sa bandang likuran siya sumakay.
“Ano ang nangyari?” usisa ng kapitan kay Erning habang nagmamaneho ito.