Alas syete ng umaga. Kumpol-kumpol ang mga taong nakikiusyoso habang ang mga pulis naman ay abala sa pag-aasikaso sa bangkay na nakaratay sa tabing daanan. Nakahiwalay ang ulo nito sa katawan. May kumukuha ng picture para sa imbestigasyon at ang ilan ay tila pinag-aaralang mabuti ang mga nangyari. Maya-maya pa ay isang owner type jeep ang pumarada sa tabi niyon. Isang lalaki ang bumaba mula roon at isa isang nagtabihan ang mga usisero at binigyan ng daan ang taong paparating.
Sinalubong siya ng isang pulis, “Good morning po kapitan” bati nito.
Tumango lang ang Kapitan, “Anong nangyari dito?”
“Isa na naman pong lalaki ang pinatay. Natagpuan siya dito kaninang madaling araw.” Sagot ng pulis.
“May suspect na ba?”
“Ayon sa imbestigasyon, ang patalim na ginamit at ang istilo ng pagpatay ay katulad din noong mga nakaraang biktima. Malaki po ang posibilidad na ang tinatawag nilang kadena ang may kagagawan ng lahat”
Umiling-iling ang kapitan. “At hanggang ngayon ay wala man lang kayong clue kung sino ang may kagagawan ng lahat?”
Tumahimik ang pulis.
“Paano mo matutugis ang isang multo?” sigaw ng isang matanda sa di kalayuan. Kapwa napalingon ang kapitan ang pulis sa papalapit ng lalaki. “Paano nyo mapapatay ang taong patay na?” muling tanong nito. ngayo’y malapit na sa kanila ang matanda.
“Multo?” natatawang tanong ng Kapitan. “At uso pa ang multo sa panahon ngayon?” tanong niya. Tumahimik ang matanda. “tatang naman, hanggang ngayon ba naman eh, naniniwala pa kayo sa ganyan?”
Matalim ang tingin ng matanda. “Kapitan, huwag mong gawing biro ang sitwasyon”
“Tatang naman, meron bang multong pumapatay ng tao? ang alam ko ay nagpaparamdam lang ang mga iyon.”
“Mawalang galang na nga po, Tatang,” anang pulis. “Pero, ginagawa po namin ang lahat ng aming makakaya para itigil na ang paniniwala ng buong bayan sa tinatawag nyong multo.”
“At saka tatang,” si Kapitan. “Salamat sa impormasyon ninyo pero eto ang sasabihin ko sa inyo.” Saglit na tumigil at tumingin sa lahat. “Wala pong multo.” Malakas na pagkakasabi niya patukoy sa mga taong naroon. “Isa pong serial killer ang may kagagawan nito.”
Nagbulung-bulungan ang lahat. Alam ng kapitan, kahit anong sabihin niya, ang kanilang barrio ay nabubuhay sa makalumang paniniwala. Wala ni isa sa kanila ang maniniwala sa kanya.
“Alam ko pong mahirap paniwalaan pero positibo po ako, hindi po totoong may gumagalang multo sa Sta. Isabela!”
Isang lalaki ang lumapit sa kanila “kung talagang hindi multo yan, bakit walang bakas na naiiwan? Bakit hanggang ngayon ay wala pa ring suspect na maituro?”
Nagkatinginan ang Kapitan at ang pulis. Kapwa walang makuhang salita na pwedeng isagot sa katanungang iyon.
“Oo nga!”
“Oo nga!”
“Tama yun!”
Sabi ng ilang mga taong naroon.
“Kaya nga, hinihingi ko pa ang kooperasyon nyo. Bilang kapitan ng baranggay na ito. humihingi po ako ng dispensa sa may kabagalang pagkilos ng ating pulisya.” Saglit na tiningnan ang katabing pulis. “Pero ipinangangako ko po sa inyong lahat, ako na po mismo ang gagawa ng paraan para mahuli na itong serial killer. At para patunayan na rin sa inyo na hindi totoo ang lahat ng sinasabi nyo, Sisimulan mamayang gabi ang pagroronda namin sa buong baranggay.” Paliwanag ng kapitan.
Katahimikan.
“Sana nga may mangyari.” Sabi ng isang may-edad na babae. “Pagod na rin kaming magtago. Gusto naman naming makalabas ng gabi.”
Tiningnan lang iyon ng kapitan at muling bumalik ang atensyon sa pulis.
MAG-A-ALAS NWEBE ng umaga ng marating nila Pia ang Sta. Isabela Hot Spring. Tuloy-tuloy na sila sa gate ng Spring at lahat ay excited na nag-check-in. Paglabas ng van, damang dama nila ang malamig na simoy ng hangin. Bahagya pang nainggit si Gary ng makitang magkaakbay na bumaba sina Aira at Jester.
“Picture, picture!” sigaw ni Pia na hawak ang digital camera at itinapat sa mga kaibigang bumaba sa van. Sya kasi ang malapit sa pinto kaya sya ang naunang bumaba. Nag-pose naman ang mga ito na nakaharap sa dalaga.
“Oy, teka, pahabol ako!” sigaw ni Lloyd habang tumatakbo mula sa harapan ng van.
“Say sex..” biro ni Gary.
“I love it!” sagot naman ni Jester.
Click!
“Ay ang daya naman, hindi pa ako nakakaabot,” reklamo ni Lloyd. “isa pa.”
Click!
“O ayan!” nakangiting sabi ni Pia.
“Naku naman, hindi pa nga nakaka-pose eh.”
“Sus! Mamaya na ulit. Sayang ang memory. 1 GB lang ‘to.”
“Ang daya naman!” nagtatampong sabi ni Lloyd at humarap na sya sa van para tulungan ang ibang kaibigan na mag-unload ng mga dalahin. Sumunod na rin si Pia sa kanila habang patuloy ang pagkuha ng picture sa magagandang view sa paligid.
Isang simpleng cottage ang ni-rent ng anim na kabataan. Sapat na iyon para sa kanila. Naghahanda ng pagkain sina Gary habang si Pia naman ay isa-isang nire-review ang mga pictures na kinuhan niya kanina. Manghang-mangha siya sa ganda ng paligid. Ang green environment at ang magandang spring.
Napangiti rin siya ng makita niya ang picture na kinuha niya kanina sa tapat ng van. Ang kanyang barkada habang bumababa dito. Una kasi niyang nakita si Lloyd na nakangiwi ang mukha dahil sa paghabol kanina. Kalahati lamang ng katawan niya ang nakuhanan. Mula ulo hanggang bewang at kitang-kita ang nakatutuwang ekpresyon ng kanyang mukha. Ibinaling niya ang paningin sa iba pang kaibigan na naroon. Sa bandang itaas ng picture ay may kakaiba siyang nakita. Ngayon lamang siya nakaranas ng ganoon. Nagtaka ang dalaga kaya’t inilagay niya sa full ang zoom ng kamera at…
EEEHHHHH!!!!
Nagulat ang lahat sa sigaw na iyon ni Pia. Namumutla ito at halos mabitiwan ang camera. Sigurado siya sa kanyang nakita. Si Gary. Walang ulo!