“Bakit ba?” pupungas-pungas na tanong ni Biboy ng gisingin siya ng kanyang ate.
“Sssshhh! Wag kang maingay, uuwi na tayo!” bulong ni Mai sa kapatid.
“Ano? Ayaw! Tako ako!”
Nagtinginan sina Mai at Freddie. Sumimangot ang binata.
“Sige na, akong bahala sa’yo wag kang matakot.” Bulong ni Freddie.
Saglit na nag-isip ang bata. Tapos ay tumayo ito ng marahan. Inalalayan ito ng kapatid at dahan-dahan silang nagtungo sa pinto. Marahang binuksan ni Freddie ang pinto at bahagya pa syang lumingon sa loob ng bahay upang tiyakin na walang nakakakita sa kanila. Naunang naglakad si Freddie at kasunod naman si Mai. Nasa hulihan si Biboy at kapwa sila maingat na naglalakad dahil sa mabatong daanan ang kanilang tinatahak.
Biglang napatingin si Biboy sa direksyon ng kanilang sasakyan at sa isang iglap ay natulala ito. Napatigil sa paglalakad at biglang nanginig ang buong katawan. Tumungo ito at pumikit. Napansin ni Mai na nawala ang ingay ng yabag sa likuran niya kaya nilingon niya ito. Nagtaka siya ng makitang nakatulala ang kapatid at hindi gumagalaw kaya’t binalikan niya ito.
“Tara na! bilisan mo!” pabulong niyang sabi at hinawakan niya ang kamay nito at hinila ngunit hindi ito umaalis sa pwesto.
“Nandyan sya!” bulong nito. “Nandyan si Larina!” sabi nito.
Kinabahan si Mai. Alam niya ang tinutukoy ng kapatid. Subalit nanaig sa kanya ang pagiging ate at nagdalawang isip siya kung paniniwalaan ang wirdong kapatid. Dahil noon pa ma’y mahirap paniwalaan ang mga sinasabi nito. Saglit siyang nag-isip. Hindi man niya aminin ay natatakot na rin siya sa kanilang gagawin. Ngayo’y nahati ang kanyang desisyon. Tila nakikita niya sa reaksyon ng kapatid ang sinseridad nito sa sinasabi ngunit ayaw naman niyang magalit ang kanyang nobyo.
“Ayaw ko talaga ate,” pagmamakaawa ni Biboy. Tila kinurot naman ang puso ni Mai. Naawa ito sa kapatid. Nilingon niya ang kasintahan at nakita niyang papalapit na ito sa sasakyan. Ni hindi man lamang nito nililingon ang nasa likuran niya. Ang kanyang kasintahan at si Biboy.
Bagamat nagdadalawang isip ay tinanong ni Mai ang kapatid. “Nasaan na si Larina?”
Dahan-dahang iniangat ni Biboy ang kanyang ulo at unti-unting iminulat ang nakapikit na mata. “Nasa tabi ng pajero.” At muling ipinikit ang mata.
“Tingnan mo kung anong ginagawa.”
“Ayokong tingnan! Baka ako ang isunod!”
Kinilabutan si Mai. Muli niyang tiningnan ang kasintahan, malapit na ito sa pajero. Tumigil ang binata at lumingon sa likod. Nang makitang malayo ang mga kasama ay sinenyasan niya ito na bilisan ang paglalakad. Hindi malaman ni Mai ang gagawin. Umiling na lang ito sa kasintahan. Biglang naging seryoso ang mukha ni Freddie at lumakad pabalik patungo sa dalawang kasama. Tila lumuwag ang pakiramdam ni Mai ng makitang papalapit sa kanila ang kasintahan.
“What is wrong with you?” galit na tanong ni Freddie kay Mai.
“Bukas na lang tayo umalis.” Si Mai.
“What? Are you out of your mind?”
“Please Fred, bukas na lang.”
Saglit na nag-isip ang binata, “Ok, give me one fucking reason to back up”
Nag-isip si Mai. Tiningnan ang kapatid. “I-it’s not safe.” Mahina niyang sabi.
“What? What do you mean?” mataas ang boses nito.
Muling tiningnan ni Biboy ang pajero. “Papalapit sya sa atin!” sabi niya.
“Fred, let’s go! Please!” at hinila ni Mai ang kapatid pabalik sa kubo ngunit nahawakan ni Freddie ang kanyang braso at pinigilan ito.