Chapter 14: Simula ng Digmaan

40 2 3
                                        

Tuluyan na niyang ipinikit ang mabibigat na talukap ng mga mata.

"Trisekel Kuya Dynaxx? May powers ka 'di po ba, hindi mo po ba magagamit 'yun?" Nakalabing tanong ni Arielle.
"Mga bata hindi ninyo magugustuhan kung paano ako maglakbay mula sa iba't-ibang lugar... ako ang bahala sa pamasahe." Maluwang ang pagkakangiting sabi ni Dynaxx kina Arielle at Tyresse.
"Hmp! Sinasabi ko na nga ba't mahinang klase ka lamang na uri ng mangkukulam... wala kang kakayahang gawin ang teleportasyon kagaya ni kuya." Nakaismid na tugon ni Viper.
Nagpauna na sa paglakad niya si Viper habang nagmamadali namang humabol ng paglakad sina Arielle at Tyresse. Mula naman sa likuran ay nagkakamot na lamang ng ulong marahang lumakad si Dynaxx.
Minsan kapag nakakahalubilo niya ang mga tao ay nawawala ang pagkabagot niya. Naiiwasan niyang mag-isip ng mga bagay na hindi naman na niya kailangan pang isipin. Sa huling pagpunta niya sa tahanan ng magkapatid na sina Arielle at Tyresse nakilala niya ang ina ng mga ito. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Dynaxx, nakaramdam siya emosyong hindi niya akalaing mararamdaman.
"Ate Viper bakit hindi mo gamitin ang powers mo para makapunta na tayo agad sa paaralan... katulad nung nakaraang gabi." Bagaman may pag-aalinlangan ay tanong ni Tyresse.
"Pasensiya na, pero hindi ko maaaring gamitin ang aking kapangyarihan kapag may mga tao sa paligid. Iniiwasan ko na may makaalam ng aming tunay na katauhan. Ang buong lahi ko ang mapapahamak kapag hindi ako nag-ingat." Mahinahong paliwanag ni Viper habang iginagala ang paningin sa paligid.
Ngumiti si Tyresse sa dalagita, saka marahang inabot ang kamay sa umiimbay na kamay ni Viper. "Ate huwag kang mag-alala wala pong makakaalam sa mga lihim ninyo."
Isang matipid na ngiti ang itinugon ni Viper kay Tyresse saka mahigpit na hinawakan ang kamay nito. Habang nauuna sa paglakad sina Viper at Tyresse ay sinbayan naman ni Arielle si Dynaxx na bahagyang napatigil sa paghakbang.
"Kuya Dynaxx, bakit po bigla kayong tumigil sa paglakad?" Nag-tatakang tanong ni Arielle habang pinagmamasdan ang ginagawa ng binata.
Pinakatitigan ni Dynaxx ang batang nasa harapan. "Ang dami mong tanong. Alam mo ba ang mga batang makukulit na kagaya mo ang madalas na nadidisgrasya kasi inuusisa mo ang lahat katulad na lang ng dalawang iyon na iniwan tayo."
"Isusumbong kita kay ate Viper... kargahin mo na po ako para makasunod na po tayo sa kanila." Nakahalukipkip na sabi ni Arielle.
Agad na kinarga ni Dynaxx si Arielle at isinampa sa mga balikat. "Ang bigat mo pala ha, kapag hindi mo kasama ang ate mo ang dami mong kinukuwento."
"Yeheeyy! Ang sarap naman po dito sa balikat mo kuya." Tuwang-tuwa si Arielle.

"Jacobe... Jacobe..."
Mula sa kinauupuan ay marahang tumayo si Jacobe. Naulinigan niya ang tinig ni Persia. Dinala siya ng kanyang mga paa sa may veranda ng tunutuluyan niyang bahay.
Balot ng nakakasilaw na liwanag ang kabuuang anyo ni Persia habang nakalutang ang mga paa nito mula sa hangin. Malalaki ang mga hakbang na tinungo ni Jacobe ang kinaroroonan ng babae.
"P-Persia a-ano... anong nangyari---- sinong gumawa nito sa'yo?" Hindi maapuhap ni Jacobe ang mga sasabihin ng makita si Persa.
Isang ngiti ang itinugon ni Persia at pagsaludo sa binata. "Salamat sa lahat kaibigan... paalam."
Sa pagsimoy ng mabining hangin unti-unting nabura sa kawalan ang kaanyuan ni Persia. Sa huling sandali ay nagawa pa ng dalaga na magpaalam kay Jacobe. Nanlulumong hinabol ng binata ang papalayong liwanag kasabay ng ihip ng hangin.
Sa kanilang mga Enlighters kapag kailangan na nilang lisanin ang mundo ng mga mortal, nagagawa pa nilang gumawa ng mga aparisyon gamit ang natitirang liwanag ng kanilang buhay. Maaari nila itong gamitin para makapagpaalam sa mga malalapit sa kanila.
"Tama nga si Luke, nandito ka lang pala... bumalik ka na pala pero hind mo man lang nagawang pasyalan kami ni Viperlane...,"
Marahas na humarap sa likuran niya si Jacobe ng marinig ang pamilyar na tinig. "Lear..."
Isang nang-uuyam na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Lear. "Our long lost father..."
Matamang pinagmasdan ni Jacobe ang panganay na anak. Tila siya nananalamin habang pinagmamasdan ang binata. Pakiramdam niya; sarili niya ang kaharap maliban na lamang sa mga mata ng anak na nakuha nito kay Aviona.
"...Bakit kailangan mong bumalik?" Isang mapang-uyam na tanong ni Lear.
Isang malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ni Jacobe, parang bigla siyang nahulog sa malalim na bangin na hindi niya kayang umahon.
"Lear... kamusta na kayo? Si Viperlane?
Isang mapaklang ngiti ang kumawala sa mga labi ni Lear. "Tinatanong mo kung kamusta kami? May pakialam ka ba sa amin ng kapatid ko. Iniwan mo kami ni Viperlane noong mga bata pa kami at sa loob ng mahabang panahong iyon ni hindi mo man lang kami naalalang balikan...
"...ngayon babalik ka dito at hindi mo man lang kami pinuntahan para tingnan, kamustahin. Sino ka nga ba sa buhay namin Jacobe?!"
Hindi mahagilap ni Jacobe ang mga salitang magpapapawi sa galit na anak na panganay. Sa bawat mga salitang sinasabi nito ay tila naman patalim na sumasaksak sa buong pagkatao niya.
"Huminahon ka Lear, may dahilan kung bakit hindi ako nagpakita sa inyo ng kapatid mo. Alam mo ang naging hatol sa akin ng Konseho. Mas pinili kong lumayo sa inyo para hindi kayo madamay..."
"Nagkamali ka na iniwan mo kami dahil sa ginawa mo mas lalo lamang kaming pinag-initan ng konseho. Si Viper buong buhay niya pinatutunayan niya ang sarili niya sa mga Elders. Pinagpipilitan niya ang sarili niya sa mga kalahi natin na ayaw siyang tanggapin!" Mataas na ang boses na sagot ni Lear.
Mariing napapikit ng kanyang mga mata si Jacobe, bakit nga ba napakahirap na takasan ang katotohanan sa mga salitang binibitawan ng kanyang anak. Maaari siyang maglaho ngunit ayaw gumalaw ng kanyang katawan.
"Pasensiya na sa abala...," Putol ni Luke sa tensiyong namamagitan sa mag-ama. "...ipinapatawag ka ng konseho Jacobe."
Walang salitang tinalikuran ni Lear ang ama, mabilis na naglaho ang binata.
"Anong mayroon sa Konseho at kailangang magtungo pa ako doon?" May bahid ng inis ang tinig ni Jacobe.
Sa halip na tumugon ay binalot na ng liwanag ang kabuuan ni Luke saka naglaho. Labag man sa kalooban ay sumunod na lamang si Jacobe sa binatang sumundo sa kanya.

The ChainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon