"Ngayon na!"
Habang unti-unting nalalapnos ang katawan ni Apheliotes ay bumubuhos din ang mga alaalang matagal na niyang kinalimutan.
Nasa isang silid siya na natatanglawan ng malamlam na ilaw. Wala siyang anumang saplop sa katawan at patuloy na binababoy ng lalaking kahit sa kamatayan ay binaon niya ang mala-halimaw nitong mukha.
Impit na sigaw at pagmamakaawa ang paulit-ulit na namumutawi sa kanyang bibig ngunit tila bingi ang lalaki. Pauli-ulit niyang naranasan ang kahayupan mula sa kamay ng lalaking iyon na bawat himaymay ng kanyang laman ay pinandirihan na niya... dahil sa mala-impyernong karanasan ay winakasan niya ang sariling buhay.
Tuluyan nang naabo ang katawan ni Apheliotes. Isa-isang bumalik sa katawan ni Ravage ang mga kadena.
"Sana matahimik ka na Venicia... Hangin ng Silangan." Mahinang anas ni Ravage.
Buong lakas na ikinumpas ni Tyresse ang kamay na tila nagbabato ng kung anong bagay. Mabilis ang naging galaw ng apoy ng impiyerno patungo sa taong ibon.
Sa pagsayad ng apoy sa katawan ng halimaw ay isang malakas na atungal ang pinakawalan nito bago tuluyang tinupok ng apoy saka nawala.
Napaluhod sa kanyang kinatatayuan si Viper, dala marahil ng pagod o relief. Nagsilapitan naman sina Tyresse, Arielle at Pierre sa dalagita.
"Ate Viper...," Nasa mukha ni Tyresse ang pag-aalala.
Inilibot ni Viper ang paningin sa paligid ng buong paaralan. Malalim na napabuntong-hininga ang dalagita. Malaking bahagi ng eskuwelahan ang nagkaroon ng sira. Mabuti nga at may kalayuan sa ilang establistamento ang lugar kaya hindi masyadong nakapukaw ng atensiyon sa mga nakapaligid.
"Umalis na kayo sa lugar na ito." Binasag ng malalim na tinig ni Ravage ang pagmumuni ng dalagita.
"S-Sino ka?" May pagbabanta sa tinig na tanong ni Pierre, awtomatiko ding nagliyab ang dalawang kamay nito.
Tumayo si Viper saka sinipat ang anyo ng tinig, bagama't di kalayuan ang kinatatayuan nito ay nakatabing ang mga kadena sa buong katawan nito idagdag pa ang kakulangan ng liwanag sa paligid.
"Hindi siya kaaway... pero hindi rin siya kakampi... sino ka ba talaga?" Ulit na tanong ni Viper sa nilalang.
"Lisanin na ninyo ang lugar na ito. Masyado nang mapanganib ang lugar bukod pa sa papalapit na pagsikat ng araw." Mariing tugon ni Ravage sa halip na sagutin ang tanong ng dalagita.
"Ate Viper uwi na po tayo." Pagsusumamo ni Arielle sa dalagita.
Nilinga ni Viper ang mga batang kasama. Mula sa mga mukha ng tatlong bata ay makikita ang pagod, takot at kalituhan. Ibinalik ni Viper ang paningin sa kabuuan ng paaralan. Ayaw niyang iwan ang lugar na magulo, kapag bukas ay nadatnan ng mga pumapasok rito at namamahala ang bakas ng labanan magkakaroon ng teorya ang mga tao. Maaaring mabuksan ang itinatago nilang pagkatao. Mag-uumpisa nanaman ang pagtugis sa mga kalahi niya.
"Ako na ang bahala sa mga nasirang bahagi ng paaralan. May alam akong makakapag-ayos ng lugar na ito kagaya ng kaya mong gawin... pagbalik ko dapat ay nilisan na ninyo ang lugar na ito."
Pagkasabi niyon ay lumubog mula sa kinatatayuan niya ang nilalang saka naglaho. Iginalang muli ni Viper ang paningin sa paligid, may nakalimutan siyang balikan.
"Tyresse, Arielle...," Mahinang anas ng pamilyar na tinig.
"Tita Lena!" Agad na sinalubong ng dalawang bata ang tiyahin.
Agad ding niyakap ni Lena ang mga pamangkin. "Nasaktan ba kayo?"
"Pasensiya ka na ate kung hindi na kita nabalikan sa pinag-iwanan ko sa'yo." Maagap na paghingi ng dispensang tugon ni Viper.
BINABASA MO ANG
The Chains
FantasySa ikalawang aklat ng The Key, panibagong pakikipagsapalaran nanaman ang kakaharapin ng magkapatid na Tyresse at Arielle. Ang pakikipagsapalaran nila para sa kanilang katauhan at ang pagtuklas ng nakaraan. Bagong mga kaibigan at bagong mga kaaw...