Chapter 9: Pakikipaglaro sa Panganib

328 9 4
                                    

     "Sasama ba kayo o hindi?"

     Tila dumaan sa napakahabang madilim na tunnel ang apat matapos nilang pumasok sa portal na ginawa ni Viper. Nasa mismong loob na ng eskuwelahan ang apat matapos mawala ang liwanag.

     "Nandito na tayo...," Anas ni Viper na marahang inilibot ang paningin.

      Nasa bukana sila ng paaralan. Bagaman may kadiliman sa paligid ay may ilang bahagi sa loob ng paaralan ang may liwanag na kahit papaano ay nakakatulong sa apat para makaaninag.

     "Hi guys!"

     Pare-parehong natuon ang paningin ng apat sa liwanag na pinagmumulan ng tinig. Nagmukha itong sulo na gitna ng isang malawak na kadiliman.

       Habang palapit ng palapit ang liwanag ay saka lamang namukhaan ng apat kung kanino ito nanggagaling.

      "Pierre!" Magkapanabay pang sabi nina Tyresse at Arielle.

      "D-Di ba s-siya 'yung batang... kaklase mo s-siya?" Manghang tanong ni Lena.

      "Opo Tita...," Tugon ni Tyresse.

      Matamang pinagmasdan ni Lena ang batang si Pierre. Ang pinagmumulan kasi ng liwanag ay ang kamay nito na naglalagablab. Kahit pa nga marami na siyang kababalaghang nararanasan mula sa mga pamangkin ay di pa rin niya maiwasang mamangha sa mga bagay na natutuklasan.

      "Tatayo na lang ba tayo dito, kailangan na nating puntahan ang pakay natin. Hindi maganda ang nasasagap kong enerhiya sa paligid." Yakag ni Viper sa mga kasama.

      Sumunod ang mag-tiya at si Pierre kay Viper palakad patungo sa kinaroroonan ng silid-aralan ni Arielle. Nagsisilbi nilang liwanag ang apoy na mula kay Pierre.

       Tahimik lamang ang lima habang naglalakad, wala pang ilang minuto ay nasa dulo na sila ng building kung nasaan ang classroom ni Arielle.

      Napakurap-kurap si Tyresse ng marating ang lugar, nagbago ang lugar na kinaroroonan niya. May mga maliliit na bahay sa paligid, nawala na ang malaking building ng paaralan. Napalingon si Tyresse sa kanyang likuran. May dalawang taong naroroon na tila nagkukubli.

       "Naririto na sila Misha, itago mo ang kalahati ng aklat na ito. Ipangako mo na kahit ano ang mangyari hindi mo hahayaang makuha nila ito!"
       Umiiyak na napatango-tango si Misha. "Mi Cometessa, papaano ka na?"
      "Huwag mo na akong alalahanin. Hindi nila ako sasaktan. Nag-aalala ako para sa'yo." May bahid ng pag-aalala sa tinig ng babae.
      "Huwag Mi Cometessa, ako ay inyong matapat na alagad, asahan mo na hanggang kamatayan ay proprotektahan ko ang aklat na ito." Sumilay ang malamyang ngiti sa mga labi ni Misha.
       "S-Salamat... handa ka na ba sa gagawin ko?" Hinubad na ng babae ang suot na hood, tumambad ang magandang mukha nito.
      Hindi inaasahan ni Tyresse ang nakita, may pagkakahawig kay Viper ang babaeng naka-hood lalo na ang mga mata nito.

      "Animus adque liber consum qum quidad. Animus adque liber consum qum quidad!" Usal ng babae sa isang orasyon.
      Mula sa kinatatayuan ni Misha ay unti-unti itong umangat sa lupa kasama ang kalahating bahagi ng aklat. Unti-unting pinalibutan ng tila itim na usok ang dalawang nakalutang sa hangin. Kasabay ng pag-usal ng babae ng orasyon, naging tila makapal na usok ang aklat saka sumanib sa katauhan ni Misha. Pumunit sa buong lugar ang malakas na sigaw ng dalaga.
       Binalot ng nakakasilaw na liwanag ang buong paligid ni Tyresse. Nakaramdam siya ng panginginig ng tuhod at sa pagkawala ng liwanag ay napaluhod si Tyresse mula sa kinatatayuan.

The ChainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon