Chapter Seven

8.7K 215 20
                                    

Chapter Seven

HINAWAKAN ni Katrina sa braso si Julian subalit mabilis nitong tinabig ang kanyang kamay. Para bang wala itong pakialam na nasaktan siya nito.

Alam niyang galit ang nobyo, galit na galit at natatakot siyang iwanan nito. Hindi niya alam ang gagawin, kung paano ba magpapaliwanag.

Nanginginig ang kanyang buong katawan. Kinagat niya ang ibabang-labi para pigilan ang impit na pag-iyak na lumabas doon. Hindi siya kumikilos, natatakot siyang sa munting galaw na gawin niya ay ang magiging hudyat ng pagsabog ng tinitimping galit ni Julian.

"You are just like your mother!" madiin nitong sabi bago siya tinalikuran at iniwan sa madilim na bahagi ng silid na iyon.


Nakauwi na si Katrina. Hindi siya nag-abalang kumain dahil hindi naman niya malulunok iyon. Dumiretso lang siya sa kuwarto nilang magkakapatid at inihiga ang sarili sa papag. Ni hindi na siya nag-aksaya pa ng panahong ilatag ang banig, basta humilata na lang siya roon at tumingin sa madilim na kisame. Muli niyang naalala ang nangyari sa school kanina.

Gabi na, nakalatag na ang kadiliman. Nanatili muna siya sa paaralan kanina ng ilang oras dahil hindi niya naigalaw ang mga paa para umuwi na. Saka lang siya nakabawi ng lakas at nawala ang panginginig ng kanyang katawan nang lumipas ang ilang oras.

Wala na ang kanyang ina, nasa club na ito kung saan ito namimingwit ng lalaking mapeperahan. Kikita na ito para may malamon silang lahat sa bahay na ito. Tulog na tulog na rin ang kanyang mga kapatid na si Kira, ang bunso nila na apat na taon na, at si Kaloy na labing-isang taon. Nasa kabilang papag ang mga ito, malayo sa kanya. Hindi siya tumabi sa mga ito para hindi niya maistorbo ang mga ito sa pagtulog.

"You're just like your mother!" tila batingaw iyon na paulit-ulit nag-iingay sa kanyang pandinig.

Pumikit siya. Tumulo ang luha sa gilid ng kanyang mukha.

Nahawakan niya ang kamay na tinabig nito kanina. Masakit pa rin iyon, malakas kasi ang ginawa nitong pagtabig do'n. Pero mas masakit ang nararamdaman niya sa kanyang dibdib, walang singsakit.

Hindi niya alam kung dapat niyang ipagpasalamat na hindi niya nakita ng buo ang reaksiyon ng nobyo, sa ganoong paraan ay hindi na iyon madidikit sa kanyang isip. Pero kahit hindi niya iyon nakita sa liwanag, 'yong naramdaman naman niya sa dilim ay sapat nang sumusugat sa kanyang dibdib. Muling umagos ang kanyang mga luha. Umaagos lang iyon, at hindi siya gumagawa ng ingay sa pag-iyak.

Nahawakan niya ang dibdib. Hindi pala madaling mahalin ang isang Julian Samañego. Siguro, mas nahihirapan ito na mahalin ang isang tulad niyang dala ang buntot ng kanyang ina na hila-hila niya. Siguro ay napipilitan lang talaga itong mahalin siya. Imposible kasi talagang may magmahal sa kanya ng totoo. Imposible. Lalo pa't nang isang tulad nito.

Natatakot siya.

Natatakot siyang maiwan ni Julian. Natatakot siyang mawala sa kanya ang nobyo. Alam niyang impsibleng hangarin ang isang tulad nito pero...pero mahal niya ito. Mahal niya ito subalit wala siyang lakas ng loob ipaglaban ang pagmamahal niya para rito.

Nakita niya kung gaano ito mandiri sa kanya. At hindi naman siya tanga para hindi maramdamang hindi pa rin buo sa loob nito ang pagtanggap sa kanyang pagkatao. Ang sakit palang makita o maramdaman iyon mula sa taong minamahal mo. Pati siya ay nawalan na nang tiwala sa sarili niya. Naroon 'yong takot na baka nga...baka nga matutulad din siya sa kanyang ina. Na baka tama ang sinasabi nang lahat. Na baka nga tama si Julian.

Gumalaw ang kanyang balikat, kailangan niyang pawalan ang kirot na nasa dibdib kung hindi ay baka mamatay siya sa sama ng loob. Hindi siya makahinga sa nararamdamang sakit kaya huminga siya ng malalim at dahan-dahang pinawalan ang naipon na hininga. Ilang beses niyang ginawa iyon hanggang sa lumuwag din ang kanyang pakiramdam.

BETRAYALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon