Tila nagkainteres si Dan sa kwento ng matanda ng sabihin nitong aswang ang may gawa ng mga sugat nito sa braso. Pinagpatuloy naman ng matanda ang kwento nito.
"Nawala na lamang na parang bula ang aking anak isang gabi at hindi ko na sya makita. Hinanap ko sya kahit saan. Ngunit hindi na s'ya matagpuan. Ilang linggo ang lumipas ngunit 'di ko na s'ya talaga matagpuan nawalan na ko ng pag-asa. Isang araw may humahangos na kapit-bahay ang nagpunta sa bahay. Pinasunod nya ko sa gubat. Isang karima-rimarim na tanawin ang nakita ko. Ang anak kong nabubulok na. Nagkalat ang mga dugo at laman, bukas ang kanyang tyan at dibdib kinuha ang mga laman loob. Madaming kagat na tila gawa ng kung anong mabangis na hayop, may mga kalmot sa iba't-ibang bahagi ng katawan. Doon mismo pinalibing ko na ang katawan n'ya dahil di ko matagalan ang pagtitig dito. At sigurado ako na nabiktima rin sya ng gumagalang aswang. Halos mamatay ako sa sobrang kalungkutan sa dinanas ng anak ko." Kwento ni Maximo na may lungkot sa tono nito.
"Patawad po sa nangyari sa anak nyo." Wika ni Dan.
"Paano n'yo naman po nasiguro na aswang ang pumatay sa anak nyo?" Dagdag na tanong ni Dan.
"Wala kang dapat ipagpaumanhin. Dahil ako mismo hindi ko man lang naiganti ang anak ko. Naduwag ako." Nalungkot na sabi nito.
"Bakit naman po?" Muling tanong ni Dan pinagpatuloy ng matanda ang kwento nito.
"Isang gabi, habang nag-iisa sa kubo. Nakakarinig ako ng kaluskos sa iba't-ibang parte ng lote, sa puno naglalagas-gasan ang mga dahon, sa lupa na tila may mabibigat na lagabag at maingay ang mga manok sa silong na tila may kasama ang mga ito." Mahinang kwento nito.
Kahit kwento lang tila kinilabutan si Dan. Nakatingin na s'ya sa matanda habang nagkukwento ito. Nagpatuloy ng kwento ang matanda.
"At mula sa mga anino nakita ko ang malaking bulto na tila malaking aso na lumabas sa kadiliman, pula ang mga mata, nagngangalit ang mga matatalas at naglalakihang ipin at pangil. Dahan-dahan lumapit sa kubo na tila mabangis na hayop na handang lurayin ang pagkain nito. Kalkulado ang bawat galaw. Noong araw na iyon para kong nakaharap si kamatayan at ang diyablo, nasaklot ang pagkatao ko ng hilakbot. Nang akmang magsasara na ako ng bintana nawala ang nilalang ngunit sa aking pagkasindak tumalon ito mula sa bukas na pinto at sinakmal ang kaliwang braso ko. Napasigaw ako ng maramdaman ko ang hapdi na gawa ng matatalas nitong pangil na nakabaon sa braso ko. Ang mga kuko nito ay nagsimula na ring bumaon sa katawan ko. Pinunit nito ang balat ko gamit ang kuko nitong kasing talim ng mga bagong hasang kutsilyo. Dumanak ang maraming dugo at halos madurog na ang braso kong naglalagutukan ang buto sa higpit ng pagkakakagat nito. Inakala kong katapusan ko na sa kuko ng halimaw na pumaslang sa aking anak. Nagpumiglas ako sa pagkakadagan nito ngunit ramdam ko ang bigat at lakas nito, ginawa ko ang buong makakaya ko makaganti man lang para aking anak. Lintik lang walang ganti. Tinabig ko ang lamesa na may mga kutsilyo sa ibabaw naglaglagan ang mga 'to. Kinuha ko ang isa, sabay sigaw ng 'MAMATAY KA NA!' Sinaksak ko ang halimaw dalawa, tatlo hanggang sa masaktan ito at mapabitaw sa pagkakakagat. Naalarma ang mga kapit-bahay ko sa sigaw at ingay sa kubo kaya nagpuntahan sila. Nakaramdam ang halimaw at mabilis na kumaripas ng takbo sa kadiliman at nawala. Nakita nalang ako ng aking mga kababaryo na nakahandusay naliligo sa sariling dugo." Kwento nito.
"Napatay n'yo po kaya ang aswang?" Tanong ni Dan.
"Hindi ko sigurado." Sagot ni mang Max.
"Kung ganoon maaring napatay n'yo ang aswang. Sa pinsalang naidulot n'yo dun siguradong namatay po yun. At tiyak na naiganti n'yo na ang anak n'yo." Paliwanag ni Dan dito.
"Hehe. Hindi basta-basta napapatay ang aswang. Bago magsidatingan ang mga kapit-bahay ko nakita ko itong tumakbo ng pagkabilis-bilis sa kakahuyan. At hindi ganoon lang ang gusto kong ganti, gusto ko ako ang makapatay sa halimaw na 'yun." May diin sa tono ng pananalita ni mang Max. Nagbalik ang mga pangyayari sa isip ni mang Max at naalala nya ang pangyayari ng datnan sya ng mga kapit-bahay.
Matapos ang insidente si mang Max ay di na natulog sa kanyang kubo kinuha n'ya na ang lahat ng gamit n'ya at buo na ang desisyon na umalis na sa lugar na iyon. Nakitulog na lamang s'ya sa isa sa bahay ng mga kababaryo nya dahil sa takot na baka muling bumalik ang halimaw at gumanti.
Dinala na n'ya din ang mga gamit dahil ayaw n'ya ng tumira sa lugar na iyon balak n'ya nalang na pumunta sa Maynila at doon na lamang makipagsapalaran at ituloy ang pamumuhay. Ikinuwento n'ya sa mga kapit-bahay nya ang buong pangyayari noong gabing iyon kung paano n'ya nakita ang aswang at inilarawan ang itsura nito sa mga kababaryo. Ikinuwento n'ya rin kung paano sya inatake at nakipagbuno sa aswang habang ginagamot ng mga 'to ang sugat nya. Habang ikinukwento bakas sa mga mukha ng mga ito ang takot at hilakbot, si mang Max naman ay gusting-gusto nang mag-umaga para makaalis na sa lugar na iyon.
"Max sa tingin mo babalik pa kaya ang aswang?" Naalala n'yang nangangambang tanong ni Aling Maria. Habang nakatingin sa mga sugat nito."Hindi ko alam Maria. Pero sa tingin ko hindi muna, dahil parang napuruhan ko ang aswang." Mahinang sagot ni Mang Max.
"Pero mag-iingat pa rin kayo." Dahil baka isang araw muling bumalik ito at mambiktima ulit. Dagdag niya.
"Kinaumagahan umalis na ako agad, kahit alam kong hindi pa hustong magaling ang mga sugat na natamo ko." Kwento ni Mang Max kay Dan.
"Kaya heto ako tumanda na lamang ng ganito sa Maynila." Dagdag pa nito.
"E, bakit pa ho kayo babalik doon?" Tanong ni Dan na naguguluhan.
"May nakarating sa akin na balita na wala na daw gumagalang aswang sa baryo namin. At napatay na daw ito sa kabilang baryo. Sa baryo n'yo, sa Jaro." Masayang tugon nito sa kanya.
Naglakad palayo ang matanda at kumumpas ng kaway. "Sa ibang araw nalang tayo mag-usap ulit. Lumalalim na ang gabi. At malakas na ang alon."
"Sige ho." Sagot ni Dan dito.
Sa paglipas ng mga araw naging regular na magkausap si Dan at Si Mang Maximo. Muling napagkwentuhan nila ginawa ni Dan at ang desisyon nitong lumayo at pinangaralan naman sya ng matanda.
"Alam mo Dan sana maisip mo ang mga pagkakamali mo. Alam kong nag-aalala lang sa'yo ang kuya mo. At kahit ako kung ako ang kapatid mo talagang magagalit ako sa mga ginagawa mo!" Pangaral ng matanda sa kanya habang humihithit ng sigarilyo.
"Sana Dan sa paghahanap mo ng sarili mo dito sa probinsya maisip mo na tama ang kuya mo. Mabait ang kuya mo kapag ganun. Isipin mo nagtatrabaho sya para sa inyong magkakapatid." Pahabol nito.
"Opo tama po kayo. Guilty po ako do'n. At maraming salamat po sa mga pangaral n'yo sa akin." Ani ni Dan sa matanda.
"Wala yo'n. Sinasabi ko lang ang makakabuti para sa lahat. At yun ang tingin ko makakabuti para sa inyong magkakapatid. Kung may pera lang ako bibigyan kita ng makauwi ka na sa mga kapatid mo at humingi ng tawad at gawin ang nararapat." Wika nitong tila nanghihinayang.
"Haha. Salamat po!" Natatawang sagot ni Dan.
Maraming bagay pa ang napagkwentuhan ng dalawa hanggang sa sumapit ang ikatlong araw.. Dumaong na sa pantalan ang barko nagkita si Mang Max at si Dan sa ibaba ng pantalan at sabay na pumunta sa sakayan.
"Mang Max saan po ba ang sasakyan natin?" Tanong ni Dan habang bitbit ang mga gamit.
"Doon tayo." Turo ng matanda sa pila ng mga nakaparadang jeep sa labas ng pier.
Terminal na pala paglabas ng pantalan. Naglabas ng sigarilyo ito at sinindihan.
Sumakay sila sa harapan ng jeep matapos ilagay ang mga gamit nila sa bubong. Nag-antay sila ng ilang saglit hanggang sa mapuno na ang jeep. Umandar na ang jeep, natuwa si Dan habang nasa byahe dahil sa nakikitang magagandang tanawin."Astig talaga sa probinsya iba ang simoy ng hangin sariwang-sariwa!" May paghangang wika ni Dan habang nakatanaw sa bungad ng jeep, natatawa naman si Mang Max sa kanya.
Lumipas ang isang oras at nagpaalam na si Mang Max kay Dan. Nandoon na pala sila sa baryo nito.
"Dan kung may oras ka dalawin mo ako dito ah? Isang jeep lang ito mula sa inyo." Masayang wika nito sa kanya.
"Sige ho mang Max! Mag-ingat po kayo!" Paalam ni Dan.
Umandar na ang jeep at ilang oras pa at nakarating na din ito sa baryo nila Dan. Bumaba si Dan dala ang mga gamit, tinignan ang paligid at napangiti sa ganda ng lugar na malaki na din ang pinagbago.