Papauwi na ang magkaibigang Anna at Louise galing school. Ngunit nagkayayaan ang mga ito na dumaan sa shortcut sa kakahuyan.
"Ayoko Louise baka maligaw tayo. Maggagabi na." Nag-aalinlangang sabi ni Anna sa kaibigan.
"Ano ka ba Anna mas mapapabilis ang pag-uwi natin 'pag dito tayo dumaan." Pangungulit ni Louise sa kaibigan habang hinahatak ito sa kakahuyan. Walang nagawa si Anna kundi ang sumunod nalang sa kaibigan.
Ngunit naabutan na sila ng pagkagat ng dilim at hindi pa rin sila nakakauwi. Sigurado si Anna na naligaw na sila dahil hindi na nya matandaan ang daan dahil sa kadiliman. Tinanong niya si Louise kung alam pa nito ang daan.
"H-hindi na. Nanginginig na sabi nito. Ang dilim na kasi. Hindi ko na makita ang daan palabas." Nangangatal na sabi nito sa takot.
Binilisan nila ang paglakad dahil may nararamdaman na silang kakaiba na para bang may sumusunod sa kanila dahil sa paggalaw ng mga dahon mula sa likuran nila.
"Wag kang mag-alala Louise. Makakalabas tayo dito. Ako na ang hahanap ng daan, sundan mo lang ako." Pagpapalakas ni Anna sa loob ng kaibigan kahit alam niyang siya mismo ay hindi niya alam ang daan palabas sa gubat na iyon.
Nauuna na si Anna sa paglalakad baka sakaling siya ang makahanap sa daanan pabalik ngunit laking pagkasindak niya nang malamang wala na ang kaibigan sa kaniyang likuran na kanina lang ay sumusunod sa kaniya. Nanginig ang katawan niya sa takot at nagsimula nang tumakbo si Anna.
Tumakbo si Anna nang pagkabilis-bilis ayaw niyang maabutan ng kung ano mang kumuha sa kaibigan niya. Patuloy ang pagtakbo niya sa pusikit na kadiliman at naiiyak na siya sa nangyayari.
"Huhuhu. Gusto ko ng umuwi. Ayaw ko na dito!" sambit niya habang umiiyak.
Tumatakbo pa rin siya dahil may mga naririnig na siyang lagaslas ng mga dahon sa itaas ng mga puno. Nag-iiba-iba ang pwesto ng mga ingay na naririnig niya. Meron sa lupa na para bang tumatakbo rin, may pagaspas na para bang may malaking ibon sa kalangitan at ngayon sa mga puno na tumatalon-talon sa mga sanga.
Napagod na siya sa pagtakbo at napaupo nalang sa lupa. Ngayon mas lalong lumakas ang ingay sa mga dahon ng puno. Mula sa sanga nakita niyang bumababa ang isang nilalang na para bang pusa - malaking pusa, kasing itim ng abo ang balahibo at nangingintab ang mga mata na natatamaan ng liwanag ng bilog na bilog na buwan. Duguan ang bibig nito at alam niya kung kanino ang dugong iyon.
Humagulgol siya nang makita niyang papalapit na nang papalapit na ito. At tumalon ito sa direksyon niya..
Isang palahaw ang umalingawngaw sa gubat pero walang nakarinig niyon, nalunod na lamang ito sa lalim ng gabi.