Chapter 28

4.2K 130 23
                                    

Hindi pa tumitilaok ang mga manok pero gising na si Dan. Kalat pa ang kadiliman sa kalangitan at ramdam pa ang lamig ng pangmadaling-araw na hangin. Binuksan niya ang pinto at inantay nalang sila Jake upang ibigay sa mga ito ang ilang kasangkapan sa bahay ni Mang Tonio; gaya ng mga sofa, kama, electric fan at iba pang gamit na mapapakinabangan.

Mayamaya pa, isa-isa nang nagdatingan ang mga kaibigan niya. May dala ang mga itong dalawang kariton upang doon ikarga ang mga gamit ni Mang Tonio. Napag-usapan na nila kung kanino mapupunta ang ilang gamit at sinimulan na nilang magkarga upang dalahin sa kani-kanilang bahay ang mga pinamigay na gamit ni Dan.

Magtatanghali na nang matapos ang magkakaibigan sa paghahakot ng mga gamit. Sabay-sabay silang nananghalian sa may tapsilogan sa kanto.

"Huling kain na natin 'to kasama si Dan mga p're," saad ni Jake habang kumakain. "Sahod ko naman kahapon kaya sagot ko na ang mga 'to."

"Ayos mapera si Jake ngayon ah?" ani John.

"Minsan lang iyan mga p're,' wika naman ni Jack. "Check niyo nga baka may sakit si Jake."

Napapangiti habang umiiling nalang si Dan sa usapan ng mga ito.

"Dan sigurado ka na bang ngayon na ang alis mo?" tanong ni Jake.

"Oo mga p're. Ayos na rin lahat ng gamit ko at saka nandito na rin ang pera," sagot niya sa mga ito.

"Ahh... Ganoon ba? Sige, chat-chat nalang sa Facebook," wika ni Jake.

"Basta kapag may pera at oras ako, babalikan ko kayo rito," aniya sa mga ito. "O, kaya kayo naman ang dumalaw sa Maynila."

"Ahh... Oo nga, 'no?" wika ni Jack. "Ayos 'yan pero dapat mapag-ipunan muna namin iyan."

"Hahaha. Basta kontakin niyo nalang ako kapag pupunta na kayo roon," aniya. "At kapag may pera ako nu'n papadalahan ko na rin kayo para pandagdag."

"Ayos! Ayun naman pala," wika ni Jake.

Masayang nagkwentuhan ang magkakaibigan habang kumakain. Nang matapos na sa pagkain nagpaalam na muna ang mga kaibigan niya sa kaniya na uuwi muna raw ang mga ito. Pumayag naman si Dan at nagbalik sa bahay ni Mang Tonio upang maligo at maghanda na sa pag-alis.

Tapos na ni Dan ang pag-iimpake sa lahat ng mga gamit, naisilid niya na sa mga bag ang lahat ng dadalahin. Nagtungo na siya sa banyo para maligo at nang makaalis at mahabol pa ang barkong babiyahe pa-Maynila.

Nang matapos na sa pag-aayos at paghahanda, nilabas niya na lahat ang mga gamit na dadalahin. Inaantay niya nalang sina Jake dahil sasama raw ang mga ito sa pier upang ihatid siya. Muli niyang nilibot ang bahay at tinignan ang bawat sulok nito, marami rin siyang alaala rito na nakasama ang tiyuhin at mga barkada. Sa loob ng limang buwan na pananatili niya sa lugar na ito, naging tahanan niya na rin ito at nagkaroon ng masasayang alaala kasama ang mga kaibigan, tiyuhin at lalong-lalo na si Duela.

Nakatalikod siya habang nagmumuni-muni nang may biglang pamilyar na boses ang nagsalita sa may bandang pintuan.

"Babalik ka na ng Maynila? Hindi mo ba ako sasama?" wika ng tinig.

Napamulagat si Dan at nagulat nang makilala ang pinagmulan ng boses. Pinihit niya ang paningin at nakita niya ang babaeng nakasandal sa pintuan.

"O? Parang nakakita ka ng multo?" anang babaeng nasa harapan niya.

Hindi siya makapaniwala kung kaya lumapit siya rito at tinitigan ito nang matagal. Hinawakan sa pingi at saka niyakap.

"P-paano?" hindi makapaniwalang tanong ni Dan dito.

"Hindi ko rin alam," sagot ng babae habang mangiyak-ngiyak itong yumakap din sa kaniya. "Siguro dahil nagawa mo ang nakasaad doon sa papel."

"Hahaha. Astig!" Tanging naisawika ni Dan, hindi makapaniwala sa mga nangyayari.

Ang Kasintahan Kong AswangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon