Humahangos sila Jake, Jack at John papunta sa bahay ni Dan. Mahigpit na hawak ni Jake ang digital camera na patunay sa buong pangyayari, hindi sila tumigil sa pagtakbo hanggang sa marating ang bahay ni Dan.
"Dan! Dan! Dan!" Sigaw ni Jake na halatang-halata ang panginginig sa tinig nito.
Nagmamadali namang lumabas si Dan. "Bakit pare? Anong nangyari?"
Hindi makapagsalita ang tatlo kaya iniabot nalang nito ang digicam kay Dan. Pinanood ni Dan ang naka-record na video roon at tumingin kila Jake ng masama.
"Ano ito?" tanong ni Dan na halatang seryoso. "Gagawa-gawa kayo ng kasalanan tapos sa akin kayo tatakbo para humingi ng saklolo."
"H-hindi. P-panoorin mo..." Nginig na nginig si Jake habang nagsasalita.
Pinagpatuloy ni Dan ang panonood nakita niya kung paano binuhat ni Jed si Mariz at hiniga sa kama. Nasa parte na siya nang pagpapalit ng pwesto ng dalawa, nakita niya kung paano hinahalikan ni Mariz si Jed na gaya nang paghalik nito sa kaniya. Ngunit ang nakatawag sa kaniyang pansin ay ang pagtubo ng tila maliit na buntot sa ibabang bahagi ng likuran nito. Unti-unti itong lumalaki hanggang sa maging malaking buntot na gaya ng sa alakdan, tumusok iyon sa dibdib ni Jed.
Napatingin siya sa mga kasama. "Putang ina!"
Kinikilabutan ang buong katawan niya nang makita ang puso ni Jed na tumitibok pa habang nakatuhog sa buntot ng babaeng alakdan. Tuluyan na siyang nanginig nang mapanood kung paano nito hatakin ang dalawang braso ng kaibigan at lurayin ang katawan nito.
Muling nilingon ni Dan ang mga kaibigan. "Kailangan kong puntahan si Duela."
"Teka 'wag mo kami iwan!" ani John, sabay tayo at sumunod kay Dan. "Sama nalang kami."
"Mga p're ayaw ko nang madamay kayo rito," wika niya sa mga ito. "Doon nalang kayo sa inyo."
"Dan mas delikado dahil madadamay ang mga magulang o mga kaanak namin kung sakaling kami na ang susunod na target ng aswang." Paliwanag ni Jack sa kaniya, napagtanto niyang tama ang mga ito. Na mas marami ang madadamay at mamamatay kung uuwi sila sa kani-kanilang bahay.
"Sige." Pagsang-ayon ni Dan.
At agad umalis ang grupo dala ang ilang tulos ng kawayan at si Dan dala ang tabak ni mang Tonio. Dinila nila ito bilang pag-iingat dahil hindi nila alam ang pwedeng mangyari habang patungo sila sa bahay ni Duela. Tinungo nila ang gubat na papunta kila Duela kahit pusikit ang kadilimang yumayakap sa daanang tumatahak sa lugar nito. Sa kanilang paglalakad sa kagutan dama nila ang lamig ng samyo ng pang-gabing hangin, rinig din nila ang mga huni ng iba't iba insekto sa paligid.
Nagmamadali sila sa paglalakad para ipaalam kay Duela ang nangyari kay Jed at kung sino ba talaga ang babaeng alakdan. Natanaw na ni Dan ang bahay ng kasintahan at halos talunin nito ang bakod para agad makapasok sa pintuan.
"Duela!" Sigaw niya, habang hinahagilap ito sa loob ng kubo nito.
"Dan?" Lumabas ng kwarto nito ang dalaga; natutulog na pala ito. "Bakit?"
"Kailangan mong makita 'to."
Nagtaka naman ang dalaga. "Dan, anong meron?"
Saka inilabas ni Dan ang digicam mula sa bulsa. Sinimulan niya nang buksan ang camera at nabuhay ang screen nito. Pinaandar ang video at pinapanood sa babae.
"Dan?" Tila may inis sa boses ng dalaga. "Anong ginawa niyo?"
Tinabig ni Duela ang kamay ni Dan at mangiyak-ngiyak ito. Nagulat naman si Dan sa reaksyon ng babae kaya kinalma niya ito.