Manila... Walong buwan na ang nakakalipas. Nagkaroon na ng sariling bahay sila Dan at Duela sa tulong na din ni Enrique. Sama-sama silang nakatira sa bagong bahay na nabili nila gamit ang mga naipon ni Enrique at napagbentahan ng bahay ni Mang Tonio. Nakapag-simula na ng bagong buhay sila Dan at nagkaroon na ng sariling computer shop.
Si Duela nama'y nag-aral ng kolehiyo at kumuha ng kursong Mass Communications, naging simple at normal ang naging buhay ng magkasintahan. Hanggang sa isang araw...
Umuwi si Duela galing paaralan, walang kailaw-ilaw sa bahay sarado ang computer shop ni Dan. Agad siyang nagtungo sa pinto at nalamang nakakandado iyon. Naisip niyang baka nagsialis ang magkakapatid. Dahil may susi naman, siya na ang nagbukas ng pinto. Nang makapasok napansin niyang kahit sa loob ng bahay ay walang kailaw-ilaw, na hindi naman karaniwang nangyayari sa tuwing siya'y uuwi.
Nilibot niya ang mata halos wala siyang makita dahil sa kadiliman kung kaya naman nangapa nalang siya sa pader upang pindutin ang switch ngunit hindi nagbukas ang mga ilaw kaya sumilip siya sa bintana upang tingnan ang mga kapit-bahay kung meron bang kuryente. Nakita niyang maliwanag ang bawat bahay maliwanag na meron ngang linya kuryente at hindi black out.
Nagtungo siya sa fuse box upang tingnan kung mayroon problema roon pero laking gulat niya nang biglang nagbukas ang ilaw at nakita niya si Dan sa harapan niyang nakaluhod ang isang paa.
Napansin niyang may hawak itong maliit na box. At saka nagtanong. "Duela... Will you marry me?"
Pagkabukas ng maliit na kahon nakita niya ang isang singsing sa loob. May maliit na bato na kumikinang kapag natatamaan ng liwanag ng ilaw. Hindi agad nakapagsalita si Duela sa nakita. Napangiti lang siya at maluha-luha.
Saka ito sumagot. "Oo, Dan."
Pagkasabi niyon sinuot ni Dan ang sing-sing sa palasing-singan ng dalaga. Tumayo si Dan at niyakap ang dalaga. Saka naman nagpalakpakan ang ibang tao sa bahay. Nakita ni Duela na nandoon din sila Jack, Jake at John. Nagulat ang dalaga nang makita ang mga kaibigan na nandoon din.
"Uy! Kumusta kayo?" Bati ni Duela sa mga kaibigan ni Dan. "Kailan pa kayo nandito?"
"Kaninang umaga lang," tugon ni Jake. "Pinaluwas kami ng boy friend mo kasi balak niya na raw na magpakasal kayo."
Natatawang lumapit si Dan. "At next month na ang kasal natin. Hahahaha."
"Ang tagal pa ng kasal natin bakit pinaluwas mo pa sila?" tanong ni Duela sa kasintahan.
"Para makita nalang ang proposal ko sa'yo. Haha."
"Loko!" Naisatinig ni Duela.
"Oh magsikain na muna kayo." Aya ni Enrique sa kanila.
"Kuya 'yung mga kaibigan mo muna ang asikasuhin mo," wika ni Dan sa kapatid.
"Okay na napa-asikaso ko na kay Maine," ani Enrique sa kapatid.
"Ah. Sige kuya. Nakauwi na rin pala si Maine," sagot ni Dan. "Pakitawag naman dito si Maine kuya."
Mayamaya lumapit si Maine at ipinakilala ito ni Dan sa mga kaibigan. "Mga p're kapatid ko si Maine."
Isa-isang nagpakilala sina Jake, Jack at John sa dalaga. Nang makilala ang bawat isa nagpaalam na si Maine na aakyat na muna sa kwarto nito.
"Dan." Tawag ni Jake sa kaniya.
"Bakit?"
"Pwede ba kitang maging bayaw?" Nakangiting wika nito.
"Loko! 17 years old palang ang kapatid ko," wika niya rito.
"Ay ako ang magiging bayaw niyan ni pareng Dan." Sabat pa ni Jack.
"Isa ka pa!" Natatawang sabi niya rito.
Naging masaya ang gabing iyon para sa magkakaibigan ganoon na rin sa pamilya ni Dan. Pero mas lalong naging masaya sina Dan at Duela dahil sa nalalapit nilang kasal.
++++++++++
Kinaumagahan.
Sumabog ang balita at headline sa diyaryo, TV at iba pang media ang misteryosong pagkamatay ng isang babae. Ayon sa pag-iimbestiga ng mga pulis, namatay ang babae na ayon sa imbestigasyon ay buntis daw bago mangyari ang krimen. Ngunit ang pinagtataka ng mga pulis ay wala man lang itong sugat sa buong katawan ni wala ring ebidensiya na may sapilitang pumasok sa inuupahan nitong bahay. Kaya ipinadala ang katawan nito sa autopsy upang masuri.
Napag-alaman din ng mga pulis na ang babae ay nabuntis ng boy friend nito ngunit iniwan sa ere dahil hindi kayang panindigan ang nangyari rito. Limang buwang buntis din ang babae simula nang mamatay ito at misteryosong nawala ang sanggol sa sinapupunan. Hinihinala ng mga pulis na pinalaglag nito ang bata sa sinapupunan nito dahil isa lang itong working student at hindi kayang buhayin mag-isa ang dinadala kung sakaling ipanganak ito.
Ayon sa mga resulta sa autopsy wala ni anumang sugat o galos ang babae. Wala ring senyales na nagpalaglag ito, ngunit may isang bagay ang naging palaisapan sa mga ito. Sa bandang pusod ng babae ay may butas na tila tinusok ng malaking karayom. Hindi malaman ng mga doktor kung ano ang dahilan niyon. Kaya kahit ang mga doktor na nag-examine sa katawan nito ay nagtaka sa misteryosong pagkamatay ng babae.
Pumutok din ang mga haka-haka sa buong kamaynilaan na aswang ang may gawa nito. Kung hindi tiktik, ay manananggal ang may kagagawan nito. At isa nga riyan ang isang publisher ng diyaryo na nag-headline ng balita na ito. At ang kanilang headline ay...
BABAENG HINIHINALANG BUNTIS PATAY MATAPOS ASWANGIN
Sa ibaba ng mga pulang letra ng headline ay isang subhead at ganito ang nakasulat roon:
Patay na natagpuan ang isang babae sa apartment nito at hinihinalang inaswang sapagka't misteryosong nawala ang sanggol sa sinapupunan ng babae na itinuturo ring dahilan ng kamatayan nito.
Nang umagang iyon nagkukumpulan sa harapan ng tindahan ng diyaryo ang mga mamimili sana ng pandesal sa katabing bakery. Kaniya-kaniya ang mga kuro-kuro at pinag-uusapan ang laman ng balita.
"Naalala niyo 'yung balita noong nakaraang taon?" tanong ng isang ale. "Iyong sa Leyte ba 'yon? Inaswang din ang pamilya at luray-luray na natagpuan? Kumalat pa nga sa internet ang litrato ng mga ito, e."
"Ah opo, nakita ko iyon sa Facebook. Kadiri nga dahil sobrang madugo ang nangyari," wika naman ng isang binata.
"Nakow! Mga NPA o MILF o di kaya'y Abu Sayyaf lang ang may gawa niyon." Gatong naman ng isang matanda. "Sa tinagal-tagal ko nang nabubuhay dito sa Maynila wala naman nangyaring ganiyan. Hindi ako naniniwala sa aswang mga terrorista lang iyan na nananakot para malihis ang balita tungkol sa kanila."
Sa katapat na bahay ng bakery, sa bintana nitong saradong-sarado dahil natatakpan ng naglalakihang kurtina; nakasilip ang isang babae. Sa siwang ng mga kurtina, sinisilip niya ang mga taong nag-uumpukan sa harap ng tindahan ng diyaryo. Napangiti naman ito habang tinitignan ang mga taong nagkakagulo at nag-uusap-usap.
"Huwag kayong mag-alala. Hahahaha. Isa sa inyo ang magiging biktima ko sa mga susunod na araw," anito sa sarili.
Nagtungo na siya sa kama para matulog at makapagtago sa sikat ng araw. Dahil mamayang pagsapit ng gabi magta-trabaho ulit siya para mabuhay.