Nang mapansin ni Dan na patungo ito sa gubat nagtaka siya kung kaya naman agad siyang nagpaalam sa mga kaibigan.
"Mga p're d'yan muna kayo ah? Hahanapin ko lang date ko." Pagdadahilan ni Dan sa mga kaibigan at biglang umalis.
"Sige doon lang kami sa mga may mga chicks p're," sagot ni Jed sa kanya.
Saka naman mabilis na sumibat si Dan para maglakad tungo sa kakahuyan. Tumatakbo siya tungo kay Duela na may ilang metro na ang layo sa kanya. Sinisigaw niya ang pangalan nito ngunit hindi man lang ito lumilingon, patuloy lang sa pagtakbo ang babae habang si Dan naman patuloy din ang paghabol dito.
"Duela! Duela! Anong problema?" Sinisigaw niya ang pangalan nito ngunit hindi talaga ito lumilingon bagkus lalong binilisan ang takbo.
Nagtataka na si Dan sa mga kinikilos ng babae pero sinundan niya pa rin ito. Nakarating na siya sa liblib na parte ng gubat at nalaman niyang napag-iwanan na siya nito. Napahinto siya at napansin ngang napalayo na siya. Hindi niya na alam ang parteng iyon ng kagubatan.
Naglakad siya patungo sa huling pinuntahan ng anino ng babae sa madahong parte ng gubat na iyon. May naririnig siyang pag-ungol hindi niya malaman kung kanino nagmumula ang ingay na iyon. Hindi niya rin sigurado kung ang ingay ay gawa ba ng tao o ng hayop, dala ng kuryosidad hinawi niya ang mga dahon sa lugar na iyon at nakita mula sa likod ng mga halaman ang napakalaking aso dito nanggagaling ang pag-ungol at tila nakabantay ito sa kanya mula dito para sa pagulat na pag-atake.
Ngunit naging maagap si Dan at mabilis na tumakbo hindi siya lumilingon hangga't hindi niya nakukumpirma na nakakalayo na siya. Nang mapansin niyang napalayo na siya sa halimaw lumingon siya para tignan ito pero nagulat siya sa pagkatisod niya at nalaglag sa tila malalim na hukay.
"Ugh! Ang malas... Bakit ngayon pa?" Bakas ang pagkainis at taranta sa boses ni Dan. Nang sinubukan niyang tumayo para makaalis sa lugar na iyon naramdaman niyang masakit ang paa niya; nabalian 'ata siya sa taas ng binagsakan.
Mula sa ibaba ng hukay na pinupwestuhan ni Dan makikita ang pagsilip ng halimaw sa itaas ng hukay. Ang bulto lang ng anino nito ang matatanaw sa ibaba at ang nakakatakot na mata nitong kulay dugo. Nangalisag ang mga balahibo ni Dan nang lundagin nito pababa ang hukay at huminto nang makaharap na sa kanya.
"Wag... Maawa ka... Wag mo kong patayin," ani Dan na nanginginig. Napaatras siya nang mapansing ang malaking aso ay lumalapit patungo sa kanya. Paupo naman siyang napaatras kahit alam niya nang wala na siyang tatakasan sa hukay na iyon. Naidikdik niya na ang sarili sa dulo ng hukay at pinipilit iiwas ang paningin sa halimaw.
Napapikit nalang siya nang mariin ng mapansing malapit na ito sa kanya, tanggap ang malagim na pangyayari na kahahantungan niya sa kuko ng aswang. Laking gulat niya nalang nang malamang hindi pa siya nito niluluray at inaamoy-amoy lang siya.
"Huh? H-hindi mo ba ko kakainin?" Bakas pa rin ang takot sa tono ng pananalita niya. Pero nagulat siya nang buksan nito ang malaking bunganga nito at awtomatiko naman siyang napatalikod.
Kinagat ng halimaw ang likurang bahagi ng suot niyang t-shirt at kinaladkad siya nito. Tinalon nito ang itaas ng hukay habang kagat-kagat siya nito, laking gulat niya dahil isang lundagan lang nito ang may walong-talampakan na hukay at partida dala pa siya nito.
"Saan mo ako dadalhin? Pakiusap kung naiintindihan mo ako. Ayoko pang mamatay bata pa ako. Marami pa kong gustong gawin sa buhay," pagmamakaawa niya rito habang bitbit siya pero wala itong imik at diretso lang sa paglalakad.
Nag-iisip siya ng paraan kung papaano makakatakas sa pagkaka-kagat nito pero napansin niyang pabalik na sila sa bungad palabas sa gubat at naririnig niya na ang ingay sa plaza. May nabuong konklusyon sa isip ni Dan.