Lunar 8: Zargons

295 20 1
                                    

Sandali pa kaming nanatili ni Lua sa loob ng lagusang iyon. Nilabanan ang gutom, lamig at pagod. Namamaluktot sa maliit na espasyong aming kinauupuan at sandaling magmunimuni.

"Bakit kailangan natin maging mahirap?" tanong ni Lua.

Hindi ako nakasagot.

Ano nga ba ang rason kung bakit dapat maramdaman ng tao ang mga bagay na ito? Bakit kailangan may maghirap gayong ang iba ay nasa rurok ng pagkasasa sa yaman at kapangyarihan?

"Bakit kailangang may mahirap sa sistema?? Bakit hindi na lang tayo pantay-pantay?" muli niyang tanong.

Sabi ng marami ang buhay ay parang gulong. Subalit, ang totoo--ang buhay ay isang malaking trayanggulo. Upang may mapunta sa itaas, marami ang kailangang manatili sa ibaba.

"Flint, bakit kailangan nating pagdaanan ang mga bagay na 'to? Ano'ng kasalanan natin??" tanong niya.

Umiling ako. "Hindi ko alam."

Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at niyugyog. "Sabihin mo, Flint!! Ano'ng kasalanan natin para maging alipin ng iba?! Sabihin mo!!" Niyugyog niya ako nang niyugyog. "Bakit ayaw mong sumagot!!"

"Hindi ako makapag isip! Yung shorts ko sinunog mo!! Pano 'ko makakapag-isip!? Naka-brip lang ako!!" niyugyog ko rin s'ya ng niyugyog. "Ano'ng kasalanan ng shorts ko?!"

***

Nagpasya kami ni Lua na magpatuloy sa paglalakad at hanapin ang daan palabas. Nilakad namin ang mahaba at madilim na lagusan, haggang sa makatanaw kami ng mahinang liwanag sa 'di kalayuan.

Narating namin ang isang malawak na bulwagan kung saan makikita ang malalaking tubo at maingay na tunog ng mga engranahe. Kaunting liwanang mula sa mga umaandap-andap na lampara sa paligid ang bahagyang nagbibigay liwanag sa kapaligiran.

Pareho kaming namangha at napa-usyoso. Hindi ko lubos na maisip na may lugar pa lang tulad nito sa labas ng lungsod.

"Ano kayang lugar ito?" pagtataka ko.

Sandali niyang iniikot ang kaniyang paningin sa paligid, bago alangang sumagot, "Hindi ko rin alam."

"Magsunog ng shorts alam mo," bulong ko.

"Ano kamo?!"

"Wala. Sabi ko ang ganda mo."

Naglibot ako sa paligid. Agad na umagaw sa aking atensyon ang mga kakaibang markang nakaukit sa isang bahagi ng pader... Mga kalmot na tila nagmula sa isang matalas na bagay.

Naagaw pa ang aming atensyon ng ilang mahihinang kaluskos mula sa madilim na bahagi ng bulwagan. Agad kaming nakiramdam sa aming paligid. Maya-maya pa'y ilang mahihinang yabag ang amin pang narinig.

Mula sa dilim, umaninag ang mga matatalim na titig. Maririnig ang mabibigat na hinga na sinabayan pa ng mahihinang mga ungol.

Bahagya kaming napaatras.

"F-F-Flint, a-ano 'yon??" pagkabalisa sa tinig ni Lua.

Naipit ang aking paglunok, " H-hindi ko alam," sagot ko. Bagama't alam ko sa likod ng aking isipan kung ano ang mga iyon--isang pakiwaring idinadalangin kong mali... mga Zargon--Mga walang awang nilalang na nabubuhay sa pagkain ng karne ng tao. Bagama't wala pang nakakikita sa kanila, nakararamdam na ako ng panginginig sa aking buong katawan.

Lumantad ang mga imahe mula sa dilim. Ang ila'y tumalon pa, pababa mula sa matataas na bahagi ng bulwagan. Mga nilalang na kulubot ang balat sa kapayatan. Pawang mga halimaw na walang emosyon at naglalaway pa sa gutom. Nakatatakot ang kanilang mga anyo. Matutulis ang mga kuko. Matatalim kung makatitig at matatalas ang mga ngipin.

Agad na nabalot ng tensyon ang buong senaryo. Tumindig ang aming mga balahibo sa katawan. Nanginig ang aking mga tuhod na sinabayan pa ng malalakas na dagundong sa aking dibdib. Halos mawalan ako ng lakas para makatayo. "M-Mga Zargon?!" Halos mabuwal-buwal ako sa pag-atras.

"Flint, a-anong gagawin natin??" kitang-kita ko ang takot sa mga mata ni Lua.

Tahimik na lumapit sa amin ang isa sa kanila. Isang matipunong babae. Naglakad, paikot sa aming dalawa ni Lua, hawak ang isang malaking itak.

Huminto siya sa aking harapan at tinitigan ako ng masama. Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko. "Bakit wala kang salawal?"

Napangiwi ako.

Nakakikilabot ang kaniyang tinig, subalit, mas nakakakilabot ang amoy ng kaniyang hininga. Amoy kinalikot na pwet.

"Sumagot ka!"

Napalunok lang ako. "Ho?"

"Walang salawal ang isang ito!" sigaw niya na sinundan pa ng kaniyang mga kasama ng malalakas na tawanan.

Alam ko ang iniisip niya at nagkakamali siya. Hindi zebra ang design ng brip ko kundi pedestrian lane.

Bigla siyang nagseryoso at itinutok ang hawak na itak sa leeg ko. "Ito ang teritoryo ng mga Zargon," aniya. "Bakit kayo naririto?"

"T-t-tumakas kami mula sa lungsod," nanginginig kong tugon.

"Tumakas?" kunot-noo niyang reaksyon. "Bago 'yon ah?" Muli silang nagtawanan ng kaniyang mga kasama.

Isang hukot at payat na lalaki ang nagsalita. "Axa. Tignan mo ang isang ito!" Turo niya kay Lua.

Nabaling ang kanilang atensyon kay Lua.

Inginiwi ng matipunong babae ang kaniyang ulo nang makita ang kwintas sa dibdib ni Lua. Hinablot niya si Lua sa braso.

Nagpupumiglas si Lua. "F-Flint!"

"Lua!!" Agad akong kumilos upang sana'y tulungan siya, nang maramdaman ko ang isang matigas na bagay na tumama sa likuran ng ulo ko.

Nahilo ako't tumumba. Distorted ang pandinig ko.

"Dalhin kay Pinuno ang babae!" atas ng babaeng Zargon.

Maglalakad na sana siya palayo nang hablutin ko ang kaniyang paa.

"Sandali..." hilong-hilo na ako.

Hirap ako sa pagsasalita, subalit nagawa ko pa ring iparating sa kanya ang aking hinaing.

"...Tutbrash-Tutbrash din, 'te."

Isang malakas na suntok ang agad nagpatulog sa akin. Wala na akong halos matandaan sa mga sumunod na nangyari. Nilagyan nila ako ng piring. Naramdaman ko na lang na isinakay nila ako sa isang sasakyan...

~•○●° ATLANTIKA °●○•~
Hello. Sana nagustuhan mo po ang chapter na ito. Please vote and comment.


Atlantika (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon