Lunar 4: Reflection

325 24 1
                                    

Kinabukasan, maaga kaming nagtungo ni Lua sa itaas na sektor. Napagdisisyunan naming iiwan si Zee sa bahay ko. Tiyak na malaking gulo kapag may nakakita sa kaniya sa mga sandaling ito. Ito ang unang beses kong makaaakyat sa itaas na sektor, at kasama ko pa si Lua. Astig.

Hindi ko mapigilang mamangha, habang naglalakad kami sa gitna ng isang mahaba at magarang pasilyo. Maliwanag at malinis na kapaligiran, maluwag at maayos kumpara sa ibabang sektor.

"Ang swerte ng mga mayayaman!" hindi ko napigilang sambit.

Tumango si Lua. "Oo. Mas simple ang buhay para sa kanila." 

Napabuntunghininga ako. "Mabuti pa sila. Ipinanganak para sa magagandang bagay sa Atlantika."

Hinawan niya ako sa braso para aluin. "H'wag ka nang malungkot, Flint," aniya. "Hindi talaga patas ang buhay pero, dahil din doon kaya tayo natututong magsikap," malambing niyang ngiti.

Grabe. Naiiyak ako sa sinabi niya. Para akong nakarinig ng mga tumutugtog na harpa na malumanay akong idinuduyan sa isang malayang paraiso.

Humarap ako kay Lua at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Lua..." Ipinikit ko ang aking mga mata, ibinilog ang aking nguso at dahan-dahang inilapit sa kaniyang mga labi.

"F-Flint?!" Mabilis niyang lapat ng palad n'ya sa nguso ko. "Anong ginagawa mo??" inis niyang sambit.

"H-ha? Ah--eh--"

"Hahalikan mo ba ako??"

"Ah, h-hindi," pagkaumid ko. "Pagdidikitin ko lang sana 'yong gums natin."

"Pagdidi--?!" Natigilan siya sa pagsasalita. Huminga siya ng malalim at masungit na naglakad palayo. "Tayo na. Hinihintay na tayo ni Mayor."

Napahampas ako ng mukha. Grabe. Nakakahiya.

Isang kawal ang nagdala sa amin ni Lua sa isang malawak at magarbong tanggapan--ang tanggapan ni Mayor Quin.

Bago pumasok, kinausap ko muna si Lua. Ipinaramdam ko sa kaniya ang aking pag-aalala, dahil alam kong delikado ang sitwasyong ito.

"Lua. Hintayin mo ako rito. Ako na lang ang papasok sa loob. Ayokong madamay ka kung sakaling hindi ako paniwalaan ni Mayor at hatulan ng kamatayan."

"Hindi talaga ako sasama sa loob, Flint. May pasok pa ako."

"Sabi ko nga."

Leche.

***

"Ang sistema ang nagpapanatili ng kaayusan sa lahat. Kung walang sistema, para lamang tayong mga isda sa karagatan... Pagkain para sa mga pating... Ang kalayaan ay kalaban ng sistema, at walang sistema sa mundo sa itaas," paliwanag ni Mayor Quin.

Dumampot siya ng malaking bungkos ng inihaw na pusit sa ibabaw ng mesa at isinubo ng buo.

Napakamot ako ng ulo. "P-pero, Mayor--"

"Isa pa, walang paraan para umahon sa itaas. Ang lungsod ng Atlantika ay binuo upang mapanatili ang tao sa ilalim ng karagatan," dagdag pa niya habang ngumunguyang bongga.

Lalo akong hindi makapag-isip dahil sa sarap ng kain niya.

Sandali akong napaisip bago ko sambitin ang mga susunod na kataga. "Paano po kung may kakilala akong nilalang na makapagpapaliwanag ng tungkol sa mundo sa itaas?"

Napahinto siya sa pagnguya at nagtaas ng isang kilay. "Nilalang? Anong ibig mong sabihing nilalang?"

"Ah, eh--halimbawa isang Android--"

Nagtaas siya ng isang kilay. "Isang Android? Binata, matagal nang nawasak ang mga makina, kaya imposibleng may nabubuhay pang tulad nila. Ang Atlantika ay para lamang sa mga tao. Ang teknolohiya ang dahilan ng pagkawasak ng unang sibilisasyon sa itaas ng karagatan."

"Ang t-tek...no...lohiya?"

Tumayo si Mayor at nagpamewang. "Ang sinumang mahuhuling nagkukubli ng mga Android o kahit mga piyesa lamang ay ipatatapon sa labas ng tarangkahan upang ipakain sa mga Zargon."

Tuluyan na akong natigilan. Hindi ko na alam ang mga susunod na sasabihin.

"Ito na ang inyong kapalaran bilang mga alipin---ang paglingkuran ang mga mas nakatataas sa sistema. Tanggapin mo na lang," aniya bago muling naupo at nagpatuloy sa pagkain. "Kung wala ka nang sasabihin. Makaaalis ka na."

Tumayo ako at seryosong naglakad palayo, pero napahinto ako at muli siyang tinignan.

"Mayor..."

"Ano??"

"May kanin ka sa lips. Sa left side."

***

Nang gabing iyon, muli na naman kaming magkasama ni Lua sa bahay ko. Kasama namin si Zee.

"Totoo bang ang teknolohiya ang dahilan ng pagkawasak ng mundo ng mga tao sa itaas?" diretsahan kong tanong kay Zee.

"Totoo. Dahil sa teknolohiya kaya naglaho ang sibilisasyon sa itaas. Ang mga makinang tulad ko ang naging ugat ng pagkawasak ng mundo sa itaas."

"Pero, Zee, b-bakit hindi mo sinabi sa akin??"

"Dahil instrumento lamang kaming mga makina. Ang ambisyon ng tao ang totoong nagdulot ng kaguluhan," paliwanag si Zee.

Nagpaling sa akin ng tingin si Lua. "Ano na'ng plano mo, Flint?"

"Hindi ko alam," iling ko. "Baka tama talaga si Mayor Quin. Baka ito talaga ang kapalaran natin. Ang magtrabaho habang buhay at magsilbi sa kapitolyo."

Nagbuntunghininga si Lua. "Ganon lang?" dismayadong niyang reaksyon. Tumayo siya at nagpamewang. "Akala ko pa naman iba ka. Madali ka rin palang sumuko, gaya ng iba," aniya sabay dampot ng isang rolyo ng tissue sa mesa. "Para kang itong tissue na 'to," aniya. "Marupok at madaling mapunit." Tumalikod siya at nagkalad palabas ng bahay.

Tumayo rin ako. "Sandali, Lua!" galit kong pigil sa kaniya.

Lumingon siya at nagtaas ng kilay. "Oh, bakit?"

"Yung tissue. Kakabili ko lang n'yan. 'Wag kang ano."

~•○●° ATLANTIKA °●○•~
Happy reading. Please do Vote and Comment.

Atlantika (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon