Lunar 5: Conspiracy

374 24 0
                                    

Regular na araw. Normal na daloy ng oras. Walang bago, maliban sa hindi ko nakasabay si Lua sa lumang elevator na iyon. Pakiramdam ko, ang tamlay ko ngayong araw. Maging ang hawak kong panutsa ay hindi ko magawang kagatan. Tigas e.

Hindi mawala sa isip ko ang mga sinabi sa akin ni Lua kahapon. Tulad din ako ng iba... Pa'no niyang nasabi 'yon? Tama nga bang tanggapin ko na lang ang ideya na isa akong alipin habang buhay? Tska, bakit ba siya nangunguha ng tissue ng may tissue. Bad 'yon e.

Sa sobrang lalim ng iniisip ko, hindi ko na namalayang lumilipad na pala ang diwa ko.

"Flint?? Huy!" yugyog sa 'kin ni Glym.

"H-ha??"

"Sabi ko, halos wala na tayong makuhang mineral sa minahan," aniya.

Kinabahan ako bigla sa sinabi ni Glym. Isa 'yong masamang balita. Kapag naubos ang mga mineral, mawawalan ng supply ng kuryente ang buong lungsod.

Napailing ako. "Hindi ito maganda," sabi ko.

Bakas ang matinding pag-aalala sa mukha ni Glym. "Seryosong bagay ito, Flint, aniya. "Hindi naman tayo mga engot. Alam naman natin ang mangyayari kapag naubos ang mineral sa minahan, 'di ba?"

Tumango ako. "Oo. Mawawalan tayo ng supply ng---"

"Mawawalan tayo ng supply ng toccino sa market!" pagkataranta niya.

Napakunot ako ng noo. "Tanga! Anong toccino? Mawawalan tayo ng supply ng enerhiya! Nasa panganib ang buong lungsod!"

Umaliwalas ang mukha niya. "Ganon? Buti na lang. Akala ko mawawalan tayo ng supply ng toccino. Kinabahan ko."

"Ewan ko sa 'yo, tanga!" Iniabot ko sa kaniya ang isang screwdriver. "Heto, higpitan mo 'yong turnilyo mo sa utak!" inis kong sabi bago ako dali-daling kumaripas ng takbo palayo---kailangan kong makausap sina Lua at Zee.

"Oy! Flint! Sandali---!!" Pigil pa sana niya sa akin pero hindi na niya ako naabutan pa. Napailing na lang siya. "Ang engot nito ni Flint. Pinapahigpitan 'yong tornilyo ko sa utak, 'di naman sinabi kung san banda. Parang tanga."

***

Nang malaman ko ang problema sa minahan, agad kong kinausap sina Lua at Zee. Sinabi ko sa kanila ang nagbabadyang pagkaubos ng mineral na maaaring mauwi sa tuluyang pagkawala ng enerhiya ng buong Atlantika.

"Kapag naubos ang mga mineral sa mga minahan, malalagay sa panganib ang parehong sektor," ani Lua.

"Isa lang ang paraan," sabi ko. "Kakausapin ko ulit si Mayor Quin."

"Sasama ako sa 'yo, Flint!" boluntaryo ni Lua. "Mas madali kung dalawa tayong kakausap sa kaniya."

Parang kinurot ang puso ko. "Mahal kita Lua."

"Ha?"

"Wala."

Nagpasya kaming dalawa ni Lua na magtungo sa tanggapan ni Mayor Quin. Hindi namin pwedeng isama si Zee. Mahirap na.

Habang papunta kami sa itaas na sektor, may mga pagkakataong pakiramdam ko, may dalagang sumusunod sa amin ni Lua.

Kasalukuyan kaming nakatayo sa harap ng tanggapan ni Mayor Quin nang hindi namin sinasadyang marinig pag-uusap sa loob ng silid na iyon.

"Kapag naubos ang mga mineral sa kasalukuyang minahan, bubuksan na natin ang susunod na minahan," paliwanag ng misteryosong lalaki kay Mayor Quin. "Sapat ang mineral para buhayin ang Atlantika sa loob ng libong taon."

Nagulat kami ni Lua sa narinig namin. Umikot kami sa bintana sa likod ng tanggapan para magtago.

"Uunti-untiin pa ba natin ang tustos ng enerhiya sa dalawang sektor?" tanong ni Mayor Quin sa lalaking kaniyang kausap.

Ngumisi ang lalaki. "S'yempre... Kapag nalaman ng mga tao na sobra ang tustos ng mga mineral, mawawalan ng saysay ang pagbenta natin ng enerhiya sa mas mataas na presyo."

Nagulat kami sa narinig at nagkatinginan na lamang.

Tumayo ang lalaki at nagsalin ng alak sa hawak na kalis. "Mas kaunti ang tustos, mas malaki ang buwis--mas malaki kikitain ng Kapitolyo," ngisi niya.

Tumango ang Mayor. "Napakahusay mo talaga sa pag-analisa, Ginoong Faust."

Prenteng naupo ang lalaki at malumanay na tumikim ng alak. "Ang paraan lang para makontrol ang mga tao ay kung lilimitahan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan ng hindi nila napapansin--pagkain, tubig, enerhiya. Kung wala silang alam, madali silang alipinin at isahan."

"Subalit, etikal pa ba iyon?" tanong ng Mayor.

"Etikal?" natawa ang lalaki. "Aanhin mo naman ang pagiging etikal kung mahina naman ang pundasyon ng iyong pamumuno? Isa akong negosyante, Mayor. Walang lugar sa negosyo ang pagiging etikal."

"Sabagay," ngisi ng Mayor.

Malalakas na tawanan nina Mayor Quin at ng misteryosong lalaki ang umalingawngaw sa buong tanggapan.

Natulala kami ni Lua sa mga narinig namin. Sinasadya ng kapitolyo na ipitin at limitahan ang rasyon ng pagkain at tubig sa ibabang sektor upang mapasunod kami.

"Alam ni Mayor Quin ang problema sa minahan?" ani ko sa mahinang tinig.

"Hindi ako makapaniwala. Niloloko tayo ng kapitolyo," pagkabigla ni Lua.

"Umalis na tayo rito, Lua," sabi ko.

***

Bumalik kami agad sa bahay at nag-isip ng mga susunod na hakbang.

"Niloloko tayo ni Mayor Quin!" Suntok ko sa pader. "Errgh." Pasimple akong napangiwi ng mukha. Putrages. Ang tigas pala ng lintek na pader.

"Ang lalaking kausap ni Mayor Quin," usap ni Lua. "Siya si Faust Wilbert."

"Kilala mo siya, Lua?" tanong ko.

"Siya ang pinakamayamang negosyante sa itaas na sektor. Kilala siya ng lahat."

Si Faust Wilbert---ang pinakamayamang negosyante sa Atlantika. Hawak niya ang mga estasyon ng radyo't telebisyon.

Gamit ang media ay sinasaksakan niya ng mga basurang impormasyon sa utak ng mga konsyumer. Siya ang nagmamanipula sa utak ng mga tao para bumili ng alak, tsitsirya at iba pang mga produkto o luhong hindi naman kailangan sa pang araw-araw na pamumuhay. Last time nga, napabili ako ng napkin, pinalaman ko sa pandesal. Kala ko masarap. Pweh. Nagagawa niyang iparamdam sa iyo na kailangan mo ng mga bagay na iyon para gastusin mo ang kakarampot mong sweldo nang sa gayon ay hindi ka makaipon at habang buhay na mabilanggo sa pagtatrabaho.

"Ano na'ng gagawin natin?" biglang tanong ni Lua.

"Kailangan nating maibunyag ang sabwatan sa kapitolyo," ani Zee.

Napapaling kami ni Lua ng tingin kay Zee. "Zee?"

"Kung hindi tayo kikilos, lalo lang mamimihasa ang mga kurap na tulad nila," ani Zee.

Tumayo ako. "Tama!!"

"May plano ka, Flint?" tanong ni Lua.

Sandali akong natigilan.

"Wala." Umupo ako ulit.

Ito ang kasalukuyang senaryo nang marinig namin ang tinig ng isang dalaga.

"Tutulungan ko kayong mapabagsak ang kapitolyo," sambit ng tinig.

Nagulat kaming tatlo at napatayo.

Tumambad sa aming harapan ang isang magandang dalaga. Nakatali ang buhok at nakasuot ng hapit na kasuotan.

"T-teka! Sino ka?!" tanong ni Lua.

"Huminahon kayo. Ako si Mio," pakilala ng dalaga.

Si Mio---siya pala ang inakala kong guni-guni na sumusunod sa amin sa itaas na sektor no'ng magtungo kami ro'n ni Lua. Ang hindi ko lang maintindihan sa mga oras na ito ay kung pano siyang nakapasok. Deym.

~•○●° ATLANTIKA °●○•~
Hello. Sana nagustuhan mo ang chapter na ito.

Atlantika (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon