Lunar 10: Random Luck

312 19 0
                                    

Handa nga ba akong pumatay para sa sarili kong kaligtasan?

Paulit na tanong sa aking isipan, habang dahan-dahang naglalakad, palapit sa akin ang matandang babae, hawak ang isang matalas na gulok. Handa siyang pumatay para sa kaniyang kaligtasan.

Napaupo ako sa sahig ng malawak na bulwagan na kasalukuyang inuukupa ng rumaragasang tubig.

"Ikaw ba ang espiya sa grupo?!" bulalas ng matanda.

"S-s-sandali lang ho!" protesta ko. "H-hindi ako!"

"Ikaw 'yon!" singhal niya.

Ipinanakot ko sa kaniya ang nadampot kong punyal. "Huwag po kayong lalapit!"

Bigla niya akong sinugod at ambang itatarak sa akin ang hawak niyang patalim.

Hinawakan ko nang mahigpit ang kutsilyo sa aking dalawang kamay. Napatayo ako. Hindi ko na malayan ang mga sumunod na pangyayari. Bumagsak ang matandang babae sa tubig... Hindi ko namalayang naitarak ko pala ang aking punyal sa kaniyang dibdib.

Nanginig ang buong kong katawan. Napaluhod ako mula sa aking kinatatayuan. Tila ba tumigil sa pag-ikot ang aking mundo. Blangko ang lahat.

N-nakapatay ako... N-n-nakapatay ako...

Halos hindi ko na maikilos ang buo kong katawan dahil sa panghihina. Pinagmasdan ko ang aking mga kamay na puno ng dugo...

...Sandali.

Hindi iyon dugo kundi isang uri ng likido na sa aking pakiwari ay langis.

Nagulat ako nang biglang umahon mula sa ilalim ng tubig ang matandang babae at tumindig sa aking harapan... Buhay pa siya. Halos mawalan ng lakas ang mga tuhod ko sa aking nasaksihan.

Naglakad siya palapit sa akin, hawak ang kaniyang patalim. "Kamatayan... Kamatayan..." paulit-ulit niyang sambit na tila wala na sa katinuan. Ini-angat niya ang hawak na patalim. "Kamatayan!"

Mabilis akong nakadampot ng isang kampilan at sa pagkataranta ay naitinaga sa kaniyang leeg. Napugot at nahulog ang kaniyang ulo sa tubig. Natigilan ang kaniyang katawan sa pagkilos at napaluhod sa kaniyang kinatatayuan.

Natigilan sa pakikipagbuno ang ibang mga kalahok sa paligid. Nakita ng lahat ang mga kumikislap-kislap na mga kawad sa naputol na leeg ng matanda. Walang dugong lumabas sa kaniyang katawan, at tanging kakaibang tunog lamang ng mekanismo ang maririnig.

Ang matandang babaeng ito ay isang Cyborg---tulad ni Mio.

Dahan-dahang humina ang pagbuhos ng tubig sa loob ng bulwagan hanggang sa tuluyan na itong huminto, indikasyon na natapos na ang kundisyon sa bahaging iyon ng palaro.

Hindi ako makapaniwala sa aking nasaksihan---Isang makina... Isang makinang parang isang tunay na tao ang anyo... Isang Cyborg, tulad ni Mio.

"Binabati ko kayo," biglang usap ng tinig ng tagapag-anunsyo. "Kayo ang mga nakapasa sa unang bahagi ng palaro.

Sandaling nabalot ng katahimikan ang lahat.

Lumapit sa akin si Junel. "N-nakapasa tayo, Flint!" masaya niyang ani.

Bahagya akong natigilan. Iniikot ko ang aking paningin sa buong bulwagan. Nagkalat sa paligid ang mga walang buhay na katawan ng mga nasawing kalahok. Nang mga sandali iyon, hindi ko na napigil pa ang bugso ng aking damdamin.

Lakas loob akong tumindig sa aking kinatatayuan. "Bakit nyo kailangang paglaruan ang buhay?!" singhal ko. Umalingawngaw ang aking tinig sa loob ng bulwagan. Tahimik na nagtinginan sa akin ang lahat.

"Paglaruan?" tugon ng tagapag-anunsyo makalipas ang ilang segundong kayahimikan. "...Nagkakamali ka ng pagkakaunawa, binata," sabi pa nito. "Para may mabuhay, kailangang may mamatay."

Atlantika (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon